Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Aking Pakikipaglaban sa Endometriosis

Ang Aking Pakikipaglaban sa Endometriosis

Ang Aking Pakikipaglaban sa Endometriosis

AYON SA SALAYSAY NI DEBORAH ANDREOPOULOS

SA SIMULA pa lamang, sasabihin ko nang hindi ako ang uri ng babaing laging nababahala hinggil sa kaniyang kalusugan. Hindi ko alintana ang paminsan-minsang bahagyang pananakit. Sinisikap kong tanggapin ang buhay anuman ang dulot nito. May mga araw na mabuti; may mga araw na masamâ.

Gayunman, noong mga taon ng aking pagiging tin-edyer, nagsimula na ang aking pakikipaglaban sa matinding kirot. Kapag dumarating ang mahihirap na araw ng aking regla, madalas na nakakaramdam ako ng sumisigid na kirot sa aking mga obaryo gayundin ng pananakit ng ulo, pagtatae, pagkahilo, pagduduwal, at pananakit ng sasapnan. Kung minsan ay sabay-sabay kong nararamdaman ang higit sa isa sa mga sintomas na ito. Napansin ko noon na nakatutulong naman ang ehersisyo at pahinga, subalit wala akong kapana-panahon para sa mga ito.

Ang kirot ay isang personal na bagay. Hindi mo ito masusukat, at hindi mo ito palaging mailalarawan sa iba sa paraang nakakakumbinsi. Kung minsan ay magha-maghapon ako sa kama, patang-pata sa hirap dahil sa mga sintomas na binanggit sa itaas, o kaya naman ay pipilitin ko ang aking sarili na bumangon at gumawa ng isang rutin na nangangailangan ng higit na pagkilos, matapos uminom ng pamawi ng kirot. Nahahadlangan tuloy ang aking kakayahang magtrabaho at magkaroon ng normal na buhay. Bigung-bigo ako. Nararamdaman kong hindi na ito normal. Subalit pagkatapos ng aking regular na pagpapatingin sa doktor, napapawi ang gayong kaisipan dahil sa nakapagpapalakas-loob na mga sinabi ng mga doktor.

Lalong tumindi ang mga sintomas nang lumampas na ako sa 30 anyos. Pasumpung-sumpong ang matitinding pananakit nang wala namang dahilan. Ginigising ako ng matinding kirot sa hatinggabi. May pagkakataon na ilang oras lamang ang aking itinutulog sa loob ng isang linggo. Bukod diyan, paminsan-minsan ay may sinat ako sa loob ng ilang araw. Hanggang sa gumagamit na ako ng mga pamawi ng kirot para sa iba’t ibang pananakit, mga spasmolytic pill para sa aking bituka, mga tableta para sa aking tiyan, at mga pamahid at tableta para sa aking likod.

Eksperto sa Panggagaya

Ang mga sintomas na nagpapahirap sa akin ay maaaring isisi sa maraming kilalang mga karamdaman. Ang aking kondisyon ay waring dahil sa migraine, pagdirikit sa may balakang, disminorya (pananakit ng tiyan at puson kapag may regla), irritable bowel syndrome, pamamaga ng colon, at gastritis. Palagi kong isinisisi sa disminorya ang karamihan ng pananakit, pero noon ay hindi ko pa alam na ang tindi ng kirot na sanhi ng disminorya ay ibang-iba naman pala sa aking nararamdaman.

May nakapagsabi sa akin na karaniwan lamang na mahirapan sa pagreregla at makaramdam ng pananakit at maaaring maging dahilan din ang pagmamana, kawalan ng regular na ehersisyo, mahahabang oras ng pagtatrabaho nang nakaupo, problema sa mga hormone, pagod, at kaigtingan gayundin ang pagiging walang anak bagaman lampas na sa edad na 30. Isang doktor pa nga ang nagsabi sa akin na lahat daw ng aking nararamdaman ay tanda ng mabuting kalusugan!

Pero kumusta naman ang iba pang nakababalisang mga sintomas? Ang aking pagkapagod ay isinisi sa labis na pagtatrabaho at kaigtingan. Ang aking lagnat ay dahil daw sa pagod. Ang pananakit ng aking bituka at pagsamâ ng sikmura ay dahil daw sa kaigtingan at maling pagkain. Ang diperensiya sa gulugod at maling postura ang dahilan daw naman ng pagsakit ng aking likod. Kaya lahat ay waring may paliwanag. Gayunman, naroroon pa rin ang katotohanan na talagang masamang-masama ang aking pakiramdam.

Sa Wakas, Tumama Rin ang Pagsusuri

Nagpa-ultrasound ako noong Abril ng 1998, subalit ipinakita ng mga resulta na malinis naman ang aking obaryo. Nang sumunod na apat na buwan, bumagsak pang lalo ang aking kalusugan. Nagpasiya akong magpatingin sa doktor. Muli niya akong ipina-ultrasound at nakakita siya ng isang napakalaking bagay sa labas ng aking matris. Pagkatapos ay pinapunta niya ako sa isang gynecologist. Tiniyak ng gynecologist na ako’y may isang napakalaking cyst o kaya’y isang kumpol ng mga cyst sa tabi ng aking matris, na may sukat na 10 por 12 centimetro​—sa laki nito’y para akong apat na buwang nagdadalang-tao! At pagkatapos ay naghinala siya na endometriosis ang dahilan ng aking mga nararamdaman.

Nalito ako sa pasimula. Kaunting-kaunti lamang ang nalalaman ko tungkol sa endometriosis. Napakarami kong tanong. Ano ang sanhi nito? Ano ang magiging epekto nito sa aking buhay? Ang sumunod na naramdaman ko’y ginhawa. Sa loob ng maraming taon, pakiramdam ko’y nakulong ako sa isang tunel ng paghihirap. Nang walang mailaang pampaginhawang gamot o nakasisiyang paliwanag matapos ang paulit-ulit na pagpapasuri sa doktor, ako’y talagang nawalan na ng pag-asa at nanlumo, at dumating ako sa punto na pinararatangan ko na ang aking sarili na pinabibigat ko lamang siguro ang normal at pang-araw-araw na kirot. Sinabi ko sa aking sarili na ang tindi ng kirot ay guniguni ko lamang. Gayunman, ngayon ay may paliwanag na ang lahat ng nakalilitong mga sintomas.

Mga Sanhi, at Mapagpipiliang Paggamot

Iminungkahi ng doktor na ooperahan ako sa loob ng susunod na ilang araw​—ang cyst o mga cyst ay maaaring pumutok anumang oras. Gayunman, bago ituloy ito, nagpasiya kaming mag-asawa na siyasatin muna ang kinalabasan ng pagsusuring ito at pag-aralan ang lahat ng maaari naming malaman hinggil sa bagong sakit na ito na tinatawag na endometriosis.

Napag-alaman namin na ayon sa ilang pagtaya, umaabot sa 30 porsiyento ng mga kababaihang nasa edad na para mag-anak ang may endometriosis! Hindi pa alam ang sanhi ng endometriosis. Ang isang teoriya ay na kapag nagreregla raw, ang ilan sa mga tisyu ng regla ay pabalik na dumadaloy sa mga Fallopian tube, kusang kumakapit sa puson, at tumutubo roon. Sinasabi naman ng isa pa na ang tisyu ng endometrium raw ay kumakalat mula sa matris tungo sa iba pang mga bahagi ng katawan sa pamamagitan ng lymphatic system o ng pagdaloy ng dugo. Ipinahihiwatig ng isang henetikong teoriya na ang endometriosis daw ay maaaring nasa mga gene ng ilang pamilya o na ang ilang kababaihan ay may mga sangkap na naghahantad sa kanila rito. Sinisisi naman ng iba ang mga lason at mga dioxin sa ating maruming kapaligiran.

Sinabi sa amin na ang bawat kaso ng endometriosis ay nagkakaiba-iba. Ang lugar ng mga tumubong tisyu, ang lalim na tinagos nito sa ibang tisyu, at ang kabuuang sukat ng mga ito ay nagiging dahilan ng walang-katulad na katangian ng sakit na ito. Napag-alaman namin na kahit pala ang pinakamaliit na tumubong tisyu ay makapagdudulot ng nakapanghihinang kirot kapag nagagasgas nito ang karatig na nerbiyo.

Ipinalalagay ng mga doktor na ang pagtanggal sa matris kasabay ng pag-aalis ng mga obaryo ang ultimo at siguradong solusyon. Gayunman, bago ito isagawa, maaaring gumamit muna ng mga hormone upang pigilin ang obulasyon hangga’t maaari. Kung minsan ay nasusugpo nito ang endometriosis habang isinasagawa ang paggamot at kung minsan ay sa loob ng mga buwan o mga taon pagkaraan. Ang konserbatibong pag-oopera, ito man ay paghiwa o sa pamamagitan ng laparoskopyo, na nagsasangkot ng pag-aalis o pagtunaw sa mga tumubong tisyu ay iminumungkahi rin sa ilang kaso, at ito’y nakapapawi ng mga sintomas.

Pag-opera at Muling Pagtubo

Ang huling mapagpipiliang ito ang waring pinakaangkop sa aking kaso. Matapos alisin ang mga cyst sa pamamagitan ng pag-opera, nagulat ako nang sabihin sa akin ng aking doktor na hindi malulunasan ng operasyon ang lahat ng aking problema sa kalusugan. Sinabi niya na kailangang umasa ako at tanggapin ang aking kalagayan upang patuloy akong makapamuhay nang lubusan hangga’t maaari sa kabila ng mga darating na balakid. Tiniyak niya sa akin na handa niya akong tulungan anumang oras.

Sinabi ng doktor na kailangan kong ipa-ultrasound ang aking mga obaryo tuwing ikatlong buwan at na dapat na handa akong uminom ng mga gamot sa pana-panahon, depende sa aking kalagayan. Iminungkahi niya na pasimulan ko agad ang gamot na may gonadotropin-releasing hormone. Pangunahin nang pinahihinto nito ang paglalabas ng mga hormone na nagpapasigla sa trabaho ng obaryo at nagpapangyaring ako’y parang nagmemenopos na. Anim na buwan lamang maaaring inumin ang gamot na ito sapagkat maaari itong maging dahilan ng pagrupok ng buto o ng iba pang mga pagbabago na kaugnay ng menopos.

Mga isa at kalahating buwan pagkatapos ng gamutan, nakaramdam na naman ako ng nanunundot na pagkirot. Nabasa ko ang tungkol sa bilis ng pag-ulit at inihanda ko na ang aking sarili sa susunod na atake ng endometriosis. Subalit hindi ko inaasahan na uulit agad ito. Ipinakita ng ultrasound na may malaking cyst na ako ngayon sa aking kaliwang obaryo. Agad akong uminom ng inirekomendang gamot sa loob ng isang linggo, at nabawasan naman ang kirot. Nawala ang cyst na ito makalipas ang ilang buwan. Subalit makalipas ang isang taon, isa na namang cyst ang tumubo. Sa paanuman, sa natitira ko pang buhay, kailangang palagi akong nakahanda at nasa ilalim ng pangangalaga ng isang doktor.

Yamang ang endometriosis ay isang sakit na may kinalaman sa hormone at sistema ng imyunidad, may iba pang mga bagay bukod sa pag-inom ng gamot na tumutulong sa aking katawan upang ito’y maging timbang. Kinailangan kong baguhin ang aking pagkain sa pamamagitan ng paglalakip ng mas maraming sariwang gulay at maraming prutas gayundin ng mga bitamina at pagbabawas ng pagkain na may caffeine. Higit akong nag-eehersisyo, at mas marami akong pahinga. Lahat ng ito’y nakatulong sa akin upang mabawasan ang masasamang epekto ng gamot at mapalakas ang aking katawan.

Sa panahong ito ng paghihirap, labis kong pinahalagahan ang madamaying pag-alalay at mapagmahal na pang-unawa ng aking asawa. Karagdagan pa, ang aking mga kamanggagawa​—lahat ng boluntaryo sa sangay ng Samahang Watch Tower sa Gresya​—ay naging matulungin, at ito’y nakapagpasigla sa akin. Higit sa lahat, nakakakuha ako ng lakas mula sa aking personal na kaugnayan kay Jehova, ang isa na ‘umaalalay sa akin sa himlayan ng karamdaman.’​—Awit 41:3.

[Kahon/Larawan sa pahina 10]

Ipakipag-usap!

Ang karamdaman at kirot ay maaaring magdulot ng kaigtingan sa alinmang ugnayan. Subalit, kasabay nito, naglalaan din naman ito ng pagkakataon upang sumulong. Kapag ang karamdaman ay waring wala nang katapusan, maaaring maging ibang-iba ang paggawi ng maysakit. Naghaharap ito ng mga hamon sa mga miyembro ng pamilya, lalo na sa mga kabiyak. Sa halip na sumuko, dapat sikapin ng mga kabiyak na magkaroon at gamitin ang kanilang kakayahang makipag-usap​—anupat mabagal sa pagpaparatang at mabilis sa pagpapatawad.

Dapat tandaan ng isang babaing may sakit na endometriosis na hindi nauunawaan ng isang lalaki ang buong siklo ng pagreregla at na ang kalagayang ito ng mga babae ay baka talagang nakalilito sa kaniya. Gayunman, kapag ang asawang lalaki ay kasangkot sa kabuuang proseso ng pagsusuri sa problema, maaari siyang maging higit na maunawain. Narito ang ilang payo sa mga pasyente.

Hindi nababasa ng iyong asawa ang iyong isip; sabihin mo sa kaniya kung paano at saan may sumasakit

Pumili ng isang doktor na magtuturo sa inyong mag-asawa ng hinggil sa endometriosis at mag-uukol ng ekstrang panahon kung kailangan

Sabihin sa iyong asawa ang hinggil sa mga pagbabago sa iyong nararamdaman​—kasali na ang mga positibong pagbabago!

Hilingan siyang magbasa ng tungkol sa sakit na ito

[Kahon/Mga dayagram sa pahina 11]

Ano ba ang Endometriosis?

Ang pangalang endometriosis ay galing sa endometrium​—ang suson ng mga selula na nakapalibot sa matris (bahay-bata). Ang endometriosis ay isang kalagayan na doon ang tisyu na katulad ng endometrium ay lumilitaw sa iba’t ibang lugar sa labas ng matris. Ang sakit ay maaaring makita sa karatig na mga sangkap ng katawan na gaya ng obaryo, pantog, bituka, at sa ilang kaso ay maaaring nakakalat ito sa gawing balakang.

Bagaman ang endometriosis ay nagsasangkot sa isang di-normal na pagtubo ng tisyu, karaniwan nang hindi naman ito nagiging kanser. Ang dahilan ng pagiging di-normal ng endometriosis ay hindi ang mismong tisyu kundi ang pagkanaroroon nito sa labas ng matris. Sa loob ng matris, ang tisyu ng endometrium ay tumutulong upang mapalusog ang nabubuong sanggol sa panahon ng pagdadalang-tao. Sa mga babaing hindi nagdadalang-tao, ito’y nailalabas sa panahon ng regla.

Gayunman, ang tisyu ng endometrium na nasa labas ng matris ay hindi mailabas sa katawan. Nagiging dahilan tuloy ito ng pagdurugo sa loob ng katawan, paghina ng dugo at tisyu na inilalabas ng tumubong tisyu, pamamaga sa paligid nito, at pagkakaroon ng pilat. Ang ilan pang komplikasyon, depende sa kinalalagyan ng tumubong tisyu, ay maaaring ang pagdirikit, pagdurugo o pagbabara ng bituka, paghadlang sa trabaho ng pantog, at pagputok ng tumubong tisyu, na maaaring magpakalat sa sakit. Maaaring lumubha ang mga sintomas habang tumatagal, bagaman ito’y karaniwan nang nasusugpo o kaya’y umuulit sa ilang kaso.

[Mga dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Mga fallopian tube

Mga obaryo

Matris

Endometrium (mga selulang nagiging sapin ng pinakadingding ng matris)

Bawat buwan, ang mga tumubong tisyu ng endometrium ay pumuputok at dumurugo subalit hindi mailabas sa katawan

Mga tumubong tisyu ng endometrium

Dumikit na mga tisyu sa mga obaryo

Mga tumubong tisyu ng endometrium

[Kahon/Larawan sa pahina 12, 13]

“ISANG KAKAIBANG KARAMDAMAN NG BABAE”?

Upang higit pang malaman ang tungkol sa mental at emosyonal na mga epekto ng endometriosis, nakipag-usap ang Gumising! kay Mary Lou Ballweg, presidente ng Endometriosis Association, sa Milwaukee, Wisconsin. Narito ang isang halaw mula sa panayam na iyan.

T: Anong emosyonal na epekto mayroon ang endometriosis sa mga babae?

S: Karamihan ay depende sa ginagawa ng karamdaman sa isang partikular na panahon. Kung sila’y mga tin-edyer, maaaring ito’y makapinsala sa emosyonal na paraan. Hindi talaga mauunawaan ng mga batang babae ang nangyayari, partikular nang dahil sa ang kanilang kalagayan ay karaniwan nang hindi pa nasusuri sa panahong iyon. Napakasensitibo rin nila hinggil sa mga isyung ito. Ayaw nilang ipakipag-usap sa kanilang mga magulang ang tungkol dito o sa kanino pa man. Kaya naman ang mga kabataang ito ay maaaring mag-akalang hindi sila kasinlakas o kasinghusay ng ibang tao. Madalas na nahihirapan silang makialinsabay sa mga gawain sa paaralan, at apektado ang kanilang pakikisalamuha sa iba. Marami kaming kilalang mga batang babae na huminto na sa pag-aaral. Linggu-linggo ay nakababalita kami ng di-kukulangin sa isang batang babae na bumabagsak sa paaralan dahil sa matinding problema sa kalusugan na may kinalaman sa endometriosis.

T: Kumusta naman ang mga babaing may asawa at mas nakatatanda?

S: Maaaring masira ang pagsasama ng mag-asawa dahil sa nadaramang kirot, lalo na kung hindi nasusuri ang kalagayan ng babae. Kapag nasuri na ito, maaari nang magtulungan ang mag-asawa sapagkat alam na nila ang nangyayari. Pagkatapos, makagawa sana sila ng paraan upang malabanan ang mga epekto ng karamdaman. Subalit kapag hindi nasuri nang tumpak ang kalagayan ng babae, talaga ngang nakapipinsala ito. May kasamahan kami rito na isang babae na sinabihan ng kaniyang doktor​—sa harap ng kaniyang asawa​—na ang mga sintomas ay pawang nasa isip lamang niya. Naniwala ang asawang lalaki sa doktor, at ngayon ay nagdiborsiyo na sila. Ang gayong kawalan ng pang-unawa ay isang malaking hamon. Kapag umuwi ka at sinabi mo sa iyong pamilya na ikaw ay may malubhang sakit, gaya ng multiple sclerosis, malamang na makakuha ka ng simpatiya at suporta. Subalit kung uuwi ka at sasabihin sa kanilang ikaw ay may endometriosis​—aba, ano ba iyon? Para sa kanila, iyon ay isang kakaibang karamdaman ng mga babae na walang sinuman ang may gustong pag-usapan man lamang ang tungkol doon. Baka hindi ka man lamang makakuha ng anumang suporta.

T: Anong uri ng suporta ang sa palagay mo’y maibibigay ng mga asawang lalaki, mga anak, at mga magulang sa isang babaing may endometriosis?

S: Una sa lahat, sa palagay ko’y kailangan muna nilang paniwalaan ang babae at paniwalaan ang nangyayari sa kaniya. Dapat nilang sikaping maibigay ang suportang ibibigay nila kung sakaling ang dumating ay ibang uri ng karamdaman. Ang isang malaking bahagi nito ay ang matutuhan nila ang lahat ng bagay hinggil sa karamdaman. Kapag dumarami ang iyong kaalaman tungkol sa karamdaman, mauunawaan mo ang mga epekto nito at mauunawaan mo rin ang masasamang epekto ng ilan sa mga gamot. Isa pa, ipinalalagay ko na karamihan sa ating lipunan ay gumawa ng isang pagbabawal​—nahihiya silang pag-usapan ang tungkol sa biyolohiya ng babae. Talagang nakalulungkot ito. Kaya sa palagay ko, ang pinakamalaking hamon marahil na napapaharap sa atin sa buong daigdig ay ang pagbago sa saloobin ng mga tao hinggil sa kung ano talaga ang kahulugan ng pagiging isang babae.

[Larawan]

Mary Lou Ballweg