Mapapahinto Ba ng mga Tao ang Digmaan at Kaguluhan?

Mapapahinto Ba ng mga Tao ang Digmaan at Kaguluhan?

Maraming dahilan kung bakit naglalabanan ang maraming tao. Nakikipaglaban ang ilan dahil gusto nila ng pagbabago sa lipunan, politika, o ekonomiya. Nakikipaglaban naman ang iba para magkaroon ng kontrol sa mga lupain at likas na yaman. Nagkakaroon din ng labanan dahil sa pagkakaiba-iba ng lahi o relihiyon. Ano ang mga ginagawa para mapahinto ang mga labanang ito at magkaroon ng kapayapaan? Mapapahinto ba ng mga tao ang digmaan?

Drazen_/E+ via Getty Images

PAGPAPAGANDA NG EKONOMIYA

Layunin: Magkaroon ang mga tao ng patas na pagkakataon na gumanda ang buhay. Madalas kasi na ang hindi pagkakapantay-pantay sa ekonomiya ang nagiging dahilan ng labanan.

Ang problema: Kailangang baguhin ng mga gobyerno ang paraan ng paggastos nila ng pondo. Noong 2022, tinatayang 34.1 bilyong dolyar (U.S.) ang ginastos sa buong mundo para mapaganda ang buhay ng mga tao. Kaso, napakaliit lang na halaga nito kumpara sa ginastos nila para sa militar noong taon ding iyon.

“Mas malaki ang ginagastos natin para tulungan ang mga apektado ng labanan kaysa sa ginagastos natin para maiwasan sana ito at magkaroon ng kapayapaan.”—António Guterres, secretary-general ng United Nations.

Ang sabi ng Bibliya: Matutulungan ng mga gobyerno at institusyon sa buong mundo ang mahihirap, pero hinding-hindi nila maaalis ang kahirapan.—Deuteronomio 15:11; Mateo 26:11.

DIPLOMASYA

Layunin: Maiwasan o maayos ang mga di-pagkakasundo sa pamamagitan ng pag-uusap at negosasyon na parehong makikinabang ang dalawang panig.

Ang problema: Posibleng ayaw makipag-ayos o makipagnegosasyon ng isa o higit pang partido. Hindi rin laging natutupad ang mga kasunduan para sa kapayapaan.

“Hindi laging nagtatagumpay ang diplomasya. Posibleng may makitang butas sa mga ginawang kasunduan para tapusin ang isang digmaan. Dahil dito, mas lumalala pa ang sitwasyon.”—Raymond F. Smith, American Diplomacy.

Ang sabi ng Bibliya: Dapat “hanapin [ng mga tao] ang kapayapaan.” (Awit 34:14) Pero maraming tao ngayon ang “di-tapat, . . . ayaw makipagkasundo, [at] taksil.” (2 Timoteo 3:1-4) Dahil sa mga ugaling iyan, hindi nasosolusyunan ng mga lider ng politika ang mga di-pagkakasundo, kahit gustong-gusto nila itong gawin.

PAGBABAWAS NG ARMAS

Layunin: Mabawasan o maalis ang mga armas gaya ng nuclear, chemical, at biological weapon.

Ang problema: Madalas na ayaw ng mga bansa na magbawas ng mga armas dahil natatakot silang mawalan ng kapangyarihan o kakayahan na ipagtanggol ang sarili. Kahit alisin ng mga bansa ang mga armas nila, hindi pa rin nila maaalis ang mga dahilan ng paglalabanan.

“Maraming kasunduan tungkol sa pagbabawas ng armas noong pagtatapos ng cold war ang hindi tinupad. Kasama sa mga kasunduang ito ang mga hakbang para mabawasan ang mga panganib at tensiyon sa pagitan ng mga bansa, at para magkaroon ng mas ligtas at panatag na mundo.”—“Securing Our Common Future: An Agenda for Disarmament.”

Ang sabi ng Bibliya: Dapat itigil ng mga tao ang paggamit ng mga armas at ‘pukpukin ang kanilang mga espada para gawin itong araro.’ (Isaias 2:4) Pero higit pa diyan ang kailangan, kasi ang karahasan ay nanggagaling sa puso ng isang tao.—Mateo 15:19.

PAGBUO NG MGA ALYANSA

Layunin: Bumubuo ng mga alyansa ang mga bansa para ipagtanggol ang isa’t isa mula sa mga kalaban nila. Iniisip kasi nila na hindi magsisimula ng digmaan ang isang bansa kapag alam niyang marami siyang bansa na makakabangga.

Ang problema: Hindi dahil may mga alyansa, siguradong magkakaroon na ng kapayapaan. Laging hindi sumusunod ang mga bansa sa mga kasunduan. At hindi rin sila nagkakasundo kung paano at kailan kikilos laban sa mga kaaway nilang bansa.

“Bagaman ang sama-samang pagtatanggol [o pag-aalyansa] . . . ay gumanap ng isang prominenteng bahagi sa Kasunduan ng Liga ng mga Bansa at nakapaloob sa Karta ng Nagkakaisang mga Bansa, ito’y lubusang nabigo sa dalawang pagkakataon.”—“Encyclopedia Britannica.”

Ang sabi ng Bibliya: Madalas, mas maraming nagtutulungan, mas maganda. (Eclesiastes 4:12) Pero hindi makakapagbigay ng permanenteng kapayapaan at kapanatagan ang gobyerno at organisasyon ng mga tao. “Huwag magtiwala sa mga taong lider; walang taong makakapagligtas sa iyo. Kapag namatay sila, babalik sila sa alabok; sa araw na iyon, maglalaho ang lahat ng plano nila.”—Awit 146:3, 4, Today’s English Version.

Kahit nagtutulungan ang maraming bansa para magkaroon ng permanenteng kapayapaan, patuloy pa rin ang mga digmaan.