Pumunta sa nilalaman

Si Brother Rasul Rozbayev

MARSO 23, 2021
TURKMENISTAN

Muling Hinatulan ang 21-Taóng-Gulang na si Brother Rasul Rozbayev Dahil sa Pagtangging Magsundalo

Muling Hinatulan ang 21-Taóng-Gulang na si Brother Rasul Rozbayev Dahil sa Pagtangging Magsundalo

Hatol

Noong Marso 16, 2021, ibinaba na ng isang korte sa Turkmenistan ang hatol nito sa kaso ni Brother Rasul Rozbayev. Sinentensiyahan siyang makulong nang dalawang taon dahil sa pagtangging magsundalo. Ito ang pangalawang pagkakataong masentensiyahan siya dahil sa pagiging neutral.

Profile

Rasul Rozbayev

  • Ipinanganak: 1999 (Khallang)

  • Maikling Impormasyon: May dalawang ate at isang mas batang kapatid na lalaki. Pagka-graduate ng high school, nag-aral para maging barbero. Mahilig maglaro ng soccer at volleyball, at mag-swimming

    Bata pa siya nang maging Saksi ni Jehova ang mga magulang niya. Nabautismuhan siya noong 2013

Kaso

Noong Disyembre 19, 2017, unang nahatulan si Brother Rasul Rozbayev dahil sa pagtangging magsundalo. Nasentensiyahan siyang magtrabaho nang dalawang taon. Pinagtanim siya ng trigo sa isang bahagi ng lupa na ipinagkatiwala sa kaniya, at kailangan niyang ibigay ang 20 porsiyento ng ani nito sa gobyerno. Napakalayo ng taniman sa bahay nila. At dahil wala siyang sasakyan, nilalakad lang niya ito.

Sa batas ng Turkmenistan, puwedeng mahatulan ng dalawang beses ang mga tumatangging magsundalo. Kaya noong Abril 22, 2020, nagreport ulit siya sa militar para sabihing hindi siya magsusundalo. Pagkatapos nito, maraming beses siyang pinabalik sa opisina ng militar, pinagtatanong, nagpa-medical, at tinakot na ikukulong siya. Tumagal ito nang maraming buwan. Ibinigay ang kaso niya sa mga prosecutor noong Enero 22, 2021.

Napatibay si Rasul sa halimbawa ng mga kapatid na napapaharap din sa ganitong mga hamon. “Nakatulong sa akin ang halimbawa nila na magtiwala kay Jehova . . . at pinalakas nito ang loob ko. Alam kong kung mananatili akong tapat, mapapasaya ko si Jehova at si Jesus,” ang sabi ni Rasul. Nasubok din nito ang pananampalataya ng pamilya niya. Sinabi ng nanay niya kung ano ang nagpatibay sa kaniya: “Mula sa mga halimbawang nasa Bibliya at sa mga video natin, alam kong hindi lang ako ang nakakaranas ng ganitong pagsubok. Nararanasan din ito ng iba pang mga kapatid, at nanatili silang matatag. Iyan ang nagpapalakas sa akin na magtiis.”

Malaking tulong kay Rasul ang Awit 37:23, 24. Alam nating sa tulong ni Jehova, si Rasul at ang iba pang kabataang patuloy na nagpapakita ng lakas ng loob ay mananatiling matatag, tapat, at masaya.