Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Ano ang ginagawa noon ng mga tagagawa ng barko para hindi pasukin ng tubig ang kanilang barko?

Ipinaliwanag ni Lionel Casson, isang eksperto sa sinaunang mga barko, kung ano ang ginagawa matapos pagdugtungin ang mga tabla ng barko noong panahon ng Imperyo ng Roma. Karaniwan nang “naglalagay ng alkitran [bitumen] at wax sa mga dugtungan ng tabla o maging sa buong labas ng barko, saka nagpapahid ng alkitran sa loob ng barko.” Bago noon, gumamit na rin ng bitumen ang sinaunang mga Akkadiano at Babilonyo para hindi pasukin ng tubig ang kanilang mga sasakyang pandagat.

Sagana sa likidong bitumen ang mga lupaing binabanggit sa Bibliya

Iniulat ng Hebreong Kasulatan ang isang katulad na pamamaraan sa Genesis 6:14. Ang salitang Hebreo na isinaling “alkitran” ay maliwanag na tumutukoy sa bitumen, isang likas na sangkap ng petrolyo.

May dalawang anyo ang likas na bitumen—likido at solido. Likidong bitumen ang ginamit ng sinaunang mga tagagawa ng barko; ito mismo ang ipinapahid nila sa mga barko. Kapag natuyo na ito at tumigas, hindi na papasukin ng tubig ang barko.

Sagana sa bitumen ang mga lupaing binabanggit sa Bibliya. Ang Mababang Kapatagan ng Sidim sa lugar ng Dagat na Patay ay “punô ng mga hukay ng bitumen.”Genesis 14:10.

Paano pinepreserba ang mga isda noong unang panahon?

Noon pa man, mahalagang pagkain na ang isda. Ang ilang apostol ni Jesus ay dating mga mangingisda sa Dagat ng Galilea. (Mateo 4:18-22) Ang ilang bahagi ng mga huli doon ay pinoproseso sa kalapít na mga “pabrika.”

Nililok na larawan ng sinaunang mga ehipsiyong mangingisda

Ang paraan ng pagpepreserba ng isda na malamang na ginamit noon sa sinaunang Galilea ay ginagamit pa rin ngayon sa ilang lugar. Inaalisan muna ng bituka ang isda at hinuhugasan. Inilarawan ng aklat na Studies in Ancient Technology ang susunod na gagawin: “Inaasnan ang hasang, bibig at kaliskis ng isda. Inilalagay ang mga isda at asin sa mga sapin, pinagpapatong-patong ang mga ito, saka tinatakpan ng tuyong sapin. Pagkalipas ng 3-5 araw, babaligtarin ito at patutuyuin pa uli nang ganoon katagal. Sa prosesong ito, naaalis ang tubig sa isda at tumatagos ang alat ng asin. Pagkatapos nito, tuyo at matigas na ang isda.”

Hindi tiyak kung gaano ang itinatagal ng isda kapag ganito ang pagpepreserba. Pero dahil nakapagluluwas ng tuyong isda ang mga Ehipsiyo papuntang Sirya, lumilitaw na mabisa ang prosesong ito.