Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Tayo Dapat Maging Interesado sa Himala?

Bakit Tayo Dapat Maging Interesado sa Himala?

“Ang mga himala, ayon sa kahulugan nito, ay lumalabag sa mga simulain ng siyensiya.”​—RICHARD DAWKINS, DATING PROPESOR SA PUBLIC UNDERSTANDING OF SCIENCE.

“Talagang makatuwirang maniwala sa mga himala. Ang mga ito ay hindi salungat sa relihiyosong paniniwala, kundi tanda ng pag-ibig at patuloy na pagmamalasakit ng Diyos sa mga nilalang.”​—ROBERT A. LARMER, PROPESOR SA PILOSOPIYA.

“NANINIWALA ka ba sa mga himala?” Gaya ng makikita sa itaas, talagang magkakaiba ang mga opinyon tungkol dito. Ikaw, naniniwala ka ba sa himala?

Baka hindi ka makasagot agad ng “Oo.” Marahil, nag-aalala kang magmukhang mapamahiin o walang pinag-aralan. Ganiyan din ang iniisip ng marami.

Sa kabilang banda, baka kumbinsido kang talagang may himala. Maaaring pinaniniwalaan mo ang mga himala sa Bibliya, gaya ng paghati ni Moises sa Dagat na Pula. Maaaring naniniwala ka rin na may mga himala pa hanggang ngayon. Sa katunayan, kamakailan ay sinabi sa isang report na “malaking bahagi ng populasyon sa Kanluran​—halimbawa, mga 75 porsiyento sa Estados Unidos at 38 porsiyento sa Britanya​—ang naniniwala pa rin sa mga himala.” (The Cambridge Companion to Miracles, inedit ni Graham H. Twelftree) Isa pa, hindi lang mga Kristiyano ang naniniwala sa himala. Ayon sa Britannica Encyclopedia of World Religions, ang paniniwala sa himala ay “bahagi ng halos lahat ng relihiyon.”

O baka isa ka sa mga nagsasabi: “Ewan ko, wala akong pakialam d’yan! Walang himala sa buhay ko!” Pero bakit nga ba tayo dapat maging interesado sa mga himala?

Pag-isipan ito: Kunwari’y may sakit ka at wala nang pag-asang gumaling. Kung mabasa mo sa isang mapagkakatiwalaang magasing pangmedisina ang tungkol sa isang bagong gamot na baka makapagpagaling sa iyo, hindi ba’t sulit lang na maglaan ng kahit kaunting panahon at lakas para masuri iyon? Sa katulad na paraan, ang Bibliya ay nangangako na may ilang kamangha-manghang himala na malapit nang maganap. Mababago nito ang buhay ng lahat ng tao sa lupa. Hindi ba’t sulit lang din na maglaan ka ng panahon at lakas para alamin kung mapananaligan nga ang pangakong iyan?

Pero bago natin suriin kung ano ang ipinangakong mga himalang iyan, sagutin muna natin ang tatlong karaniwang pagtutol tungkol sa mga himala.

[Kahon sa pahina 3]

ANO ANG HIMALA?

Ito ay isang kaganapan na hindi kayang pangyarihin ng tao o ng likas na mga puwersa at karaniwan nang itinuturing na nagmula sa isang nakahihigit na kapangyarihan.