Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Eden—Ito ba ang Orihinal na Tahanan ng Tao?

Eden—Ito ba ang Orihinal na Tahanan ng Tao?

Eden​—Ito ba ang Orihinal na Tahanan ng Tao?

ISIPIN mong ikaw ay nasa isang hardin. Walang mga pang-abala, walang ingay ng magulong buhay sa lunsod. Payapa at napakalawak ng harding ito. Walang mga problema, sakit, alerdyi, o kirot. Damang-dama mo ang kapaligiran.

Tuwang-tuwa ka sa nakikita mong matitingkad na kulay ng mga bulaklak, sa kislap ng batis, at sa luntiang mga halaman at damo sa liwanag ng araw at sa lilim. Nadarama mo ang banayad na dampi ng hangin at nalalanghap ang mabangong simoy nito. Naririnig mo ang pagaspas ng mga dahon, ang lagaslas ng tubig sa mga bato, ang huni ng mga ibon, at ang ingay ng mga insekto. Hindi ka ba nananabik na tumira sa gayong lugar?

Sa buong daigdig, marami ang naniniwala na gayon nga ang orihinal na tahanan ng tao. Sa loob ng mga dantaon, ang mga miyembro ng Judaismo, Sangkakristiyanuhan, at Islam ay tinuruan tungkol sa hardin ng Eden, kung saan pinatira ng Diyos sina Adan at Eva. Ayon sa Bibliya, namuhay sila rito nang maligaya at payapa. Hindi sila sinasaktan ng mga hayop, at may mabuti silang kaugnayan sa Diyos, na may-kabaitang nagbigay sa kanila ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa magandang harding iyon.​—Genesis 2:15-24.

May sariling paniniwala rin ang mga Hindu tungkol sa isang paraiso noong unang panahon. Naniniwala ang mga Budista na ang dakilang espirituwal na mga lider, o mga Buddha, ay maaaring lumitaw sa mga ginintuang panahon kung kailan ang daigdig ay gaya ng isang paraiso. At maraming relihiyon sa Aprika ang nagtuturo ng mga kuwentong kahawig ng ulat tungkol kina Adan at Eva.

Sa katunayan, ang ideya tungkol sa sinaunang paraiso ay laganap sa maraming relihiyon at tradisyon. Sinabi ng isang awtor: “Maraming sibilisasyon ang naniniwala sa sinaunang paraiso kung saan may kasakdalan, kalayaan, kapayapaan, kaligayahan, kasaganaan, at walang panggigipit, tensiyon, at alitan. . . . Dahil sa paniniwalang ito, inaasam-asam ng lipunan sa pangkalahatan na maibalik ang isang nawala ngunit di-nalimutang paraiso.”

Maaari kayang isa lamang ang pinagmulan ng lahat ng kuwento at tradisyong iyon? Mayroon kayang mapananaligang batayan ang “inaasam-asam ng lipunan sa pangkalahatan”? Talaga bang may hardin ng Eden noon? Totoo ba sina Adan at Eva?

Marami ang nag-aalinlangan sa ulat tungkol sa hardin ng Eden. Ngayong masulong na ang siyensiya, iniisip nila na alamat lamang ito. At ang nakagugulat pa, hindi lahat ng lider ng relihiyon ay naniniwala sa hardin ng Eden. Sinasabi nila na walang gayong lugar at na ito ay isa lamang metapora, alamat, pabula, o talinghaga.

Totoo, ang Bibliya ay may binabanggit na mga talinghaga. Kay Jesus mismo nagmula ang pinakakilala sa mga ito. Pero iniulat ng Bibliya ang tungkol sa Eden hindi bilang talinghaga kundi bilang kasaysayan​—simple at pawang katotohanan. Kung ang pangyayari sa Eden ay hindi kailanman naganap, paano mapagkakatiwalaan ang iba pang bahagi ng Bibliya? Suriin natin kung bakit ang ilan ay nag-aalinlangan tungkol sa hardin ng Eden at alamin natin kung makatuwiran ang kanilang mga dahilan. Pagkatapos, susuriin natin kung ano ang kahalagahan ng ulat na ito sa bawat isa sa atin.