Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa

Tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa

Tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa

NOONG Enero 11, 2007, ibinaba ng Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa na nasa Strasbourg, Pransiya, ang kanilang nagkakaisang desisyon pabor sa mga Saksi ni Jehova sa Russia sa kaso ng mga ito laban sa Russian Federation. Pinagtibay ng desisyon ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova at ang kanilang karapatan para sa patas na pagdinig. Isaalang-alang natin kung bakit bumangon ang kasong ito.

Karamihan sa mga miyembro ng isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa lunsod ng Chelyabinsk, sa Russia, ay mga bingi. Nagpupulong sila sa inarkila nilang pasilidad sa isang paaralan. Noong Linggo, Abril 16, 2000, ang kanilang pulong ay pinatigil ng babaing tsirman, o Komisyonado, ng Komisyon ng Karapatang Pantao sa rehiyong iyon, kasama ang dalawang opisyal ng pulisya at isang nakasibilyang pulis. Hindi naging patas ang Komisyonado sa pagpapatigil sa pagtitipon batay sa gawa-gawang mga paratang na nagpupulong ang mga Saksi nang walang permit. Simula noong Mayo 1, 2000, pinawalang-bisa ang kontrata sa pag-arkila sa awditoryum.

Nagsampa ng reklamo ang mga Saksi ni Jehova sa tagausig sa lunsod ng Chelyabinsk, pero walang nangyari. Ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Russia at ng Kombensiyon Para Proteksiyunan ang Karapatang Pantao at Saligang mga Kalayaan ang kalayaan sa relihiyon at kalayaan sa pagtitipon. Kaya nagsampa sila ng kasong sibil sa hukumang pandistrito na sinundan pa ng pag-apela sa hukumang panrehiyon. Bago nito, noong Hulyo 30, 1999, ipinasiya ng korte suprema sa isa pang kaso na “alinsunod sa Batas ng Russia hinggil sa kalayaan sa budhi at relihiyosong pagtitipon, ang pariralang ‘walang hadlang’ ay nangangahulugan na hindi na kailangang kumuha ng permit, o humingi ng pahintulot, mula sa sekular na mga awtoridad para makapagdaos ng relihiyosong mga seremonya sa mga lugar na inilaan [para sa layuning ito].” (Sa kanila ang braket.) Sa kabila ng naunang desisyong ito, ibinasura pa rin ang mga kaso na isinampa sa mga hukumang pandistrito at panrehiyon.

Noong Disyembre 17, 2001, dinala ang kaso sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa. Nagkaroon ng pagdinig noong Setyembre 9, 2004. Narito ang ilang bahaging hinalaw sa pinal na desisyon ng Hukuman:

“Natuklasan ng Hukuman na nalabag ang karapatan sa kalayaan sa relihiyon ng mga aplikante noong Abril 16, 2000, nang ipatigil ng mga opisyal ng Estado ang kanilang relihiyosong pagtitipon bago pa man ito matapos.”

“Maliwanag na walang legal na batayan ang pagpapatigil sa relihiyosong pagtitipon sa lugar na inarkila sa legal na paraan para sa layuning iyan.”

“Isinaalang-alang [ng Hukuman] ang batas na itinakda sa maraming kasong iniharap sa Korte Suprema ng Russia na hindi na kailangan pang ihingi ng pahintulot, o ipaalam, sa mga awtoridad ang relihiyosong mga pagtitipon bago ito ganapin.”

“Kung gayon, ang pagpapahinto ng Komisyonado at ng kaniyang mga kasama sa relihiyosong pagtitipon ng mga aplikante noong Abril 16, 2000, ay paglabag sa Artikulo 9 [kalayaan sa relihiyon] ng Kombensiyon.”

“Nakita ng Hukuman na hindi nagampanan ng mababang mga hukuman ang kanilang tungkulin na . . . patunayang nabigyan ng patas na pagdinig ang mga partido. Kaya nalabag ang Artikulo 6 [karapatan para sa patas na pagdinig] ng Kombensiyon.”

Laking pasasalamat ng mga Saksi ni Jehova sa Diyos na nagbigay sa kanila ng tagumpay sa Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa. (Awit 98:1) Gaano kalaki ang magiging epekto ng desisyong ito ng Hukuman? Ganito ang sinabi ni Joseph K. Grieboski, presidente ng Institute on Religion and Public Policy: “Isa na naman itong napakahalagang desisyon na makaiimpluwensiya sa kalayaan sa relihiyon sa buong Europa, yamang ang desisyon ay makaaapekto sa mga karapatan sa relihiyon ng lahat ng estado na nasa ilalim ng Hukuman ng Karapatang Pantao sa Europa.”