Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga “Eksperto”

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga “Eksperto”

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng mga “Eksperto”

SA NGAYON na laganap ang paggamit ng computer at Internet, mahigit 26 na milyong reperensiya ang madaling makukuha hinggil sa payo sa pagpapalaki ng mga anak. Kung pag-uukulan mo ng tig-iisang minuto para basahin ang bawat reperensiya, malaki na ang iyong anak bago mo pa ito matapos.

Noong wala pang mga pedyatrisyan, sikologo para sa mga bata, at Internet, saan kaya humihingi ng payo ang mga magulang? Karaniwan na, lumalapit sila sa kanilang mga kamag-anak. Ang mga nanay, tatay, tiyahin, at mga tiyuhin ay nakahanda at may kakayahang magpayo, tumulong sa pinansiyal, at mag-alaga ng mga bata. Subalit sa maraming lupain, halos wala na ang gayong malapít na ugnayang pampamilya dahil sa paglipat ng marami sa siyudad mula sa kabukiran. Sa ngayon, kadalasan nang mga nanay at tatay na lamang ang bumabalikat ng mahirap na pananagutan ng pagpapalaki sa mga anak.

Tiyak na ito ang isang dahilan kung bakit mabilis lumaki ang industriya ng modernong pangangalaga sa mga bata. Ang isa pang dahilan ay ang laganap na pagtitiwala sa siyensiya. Noong huling mga taon ng ika-19 na siglo, unti-unti nang nakukumbinsi ang mga Amerikano na kayang pasulungin ng siyensiya ang lahat ng aspekto ng buhay ng tao. Bakit hindi ito gamitin sa pagpapalaki ng bata? Kaya nang ipaalam sa publiko noong 1899 ng American National Congress of Mothers ang kanilang matinding kalungkutan dahil sa “kawalang-kakayahan ng mga magulang,” biglang lumitaw sa eksena ang maraming “eksperto” sa pagpapalaki ng anak. Nangako silang tutulungan nila ang mga nanay at tatay na nakikipagpunyagi sa pagpapalaki ng mga anak.

Pagpapalaki ng Anak sa Tulong ng mga Aklat

Subalit ano ang naitulong ng mga ekspertong ito? Mas madali ba para sa mga magulang sa ngayon ang pagpapalaki ng mga anak at mas handa ba sila kung ihahambing sa nakaraang mga taon? Ayon sa isang kamakailang surbey sa Britanya, hindi gayon ang nangyayari. Ipinakikita nito na halos 35 porsiyento ng mga magulang na may maliliit na anak ang naghahanap pa rin ng payo na mapagkakatiwalaan nila. Para naman sa ilan, wala na silang mapagpipilian kundi sundin ang sa palagay nila ay tama.

Sa kaniyang aklat na Raising America: Experts, Parents, and a Century of Advice About Children, pinag-aralan ni Ann Hulbert ang rekord ng literatura hinggil sa pagpapalaki ng mga anak na isinulat ng mga propesyonal. Si Hulbert, na isa ring ina na may dalawang anak, ay nagsabi na kaunti lamang sa mga impormasyong ibinigay ng mga eksperto ang batay sa tumpak na siyensiya. Ang totoo, lumilitaw na ang kanilang payo ay higit na naimpluwensiyahan ng sarili nilang mga karanasan at hindi ng anupamang pinag-aralang impormasyon. Sa masusing pagsusuri, waring ang karamihan ng kanilang mga isinulat ay ayon sa kausuhan, nagkakasalungatan, at kung minsan ay talagang kakatwa.

Kaya paano na ngayon ang mga magulang? Ang totoo, marami ang naguguluhan, palibhasa’y mas marami higit kailanman ang mga payo, opinyon, at mga kontrobersiyang napapaharap sa kanila. Gayunman, hindi lahat ng magulang ay nalilito. Ang mga magulang mula sa lahat ng panig ng daigdig ay nakikinabang sa sinaunang pinagmumulan ng karunungan na hanggang sa ngayon ay napatunayang maaasahan, gaya ng ipakikita ng susunod na artikulo.