Mga Lansangang Romano—Mga Bantayog ng Sinaunang Inhinyeriya
Mga Lansangang Romano—Mga Bantayog ng Sinaunang Inhinyeriya
ALIN sa mga bantayog ng Roma ang pinakanamumukod-tangi? Ang sagot mo ba ay ang Colosseum, na ang mga labí ay makikita sa Roma? Kung nais nating isaalang-alang ang mga ginawa ng mga Romano na pinakamatagal na napakinabangan o na may impluwensiya sa kasaysayan, tiyak na ang isasagot natin ay ang mga lansangan.
Hindi lamang mga paninda at mga hukbo ang dumaan sa mga lansangang-bayan ng Roma. Sinabi ng epigrapista na si Romolo A. Staccioli na sa mga lansangang ito “itinawid ang mga ideya, impluwensiya sa sining, at mga doktrina ng pilosopiya at ng relihiyon,” pati ng Kristiyanismo.
Noong sinaunang panahon, itinuturing na mga bantayog ang mga lansangang Romano. Sa paglipas ng maraming taon, nakagawa ang mga Romano ng isang mahusay na sistema ng mga lansangan na sa kalaunan ay umabot nang mahigit 80,000 kilometro ang lawak, na ngayo’y sakop ng mahigit 30 bansa.
Ang unang pinakamahalagang via publica, o lansangang-bayan na siyang tawag sa ngayon, ay ang Via Appia, o Appian Way. Nakilala ito bilang reyna ng mga lansangan, at pinag-ugnay nito ang Roma at Brundisium (ngayo’y tinatawag na Brindisi), ang lunsod na may daungang patungo sa Silangan. Ang lansangang ito ay ipinangalan kay Apio Claudio Caeco, ang Romanong opisyal na nagsimulang gumawa nito noong mga 312 B.C.E. Nakatulong din sa Roma ang mga lansangang Via Salaria at Via Flaminia, na parehong bumabagtas pasilangan sa Dagat Adriatico at sa mga bansa sa Peninsula ng Balkan, gayundin sa mga rehiyon ng Rhine at Danube. Ang Via Aurelia naman ay pahilaga tungo sa Gaul at Iberian Peninsula, at ang Via Ostiensis ay patungo sa Ostia, ang paboritong daungan ng Roma patungo at pauwi mula sa Aprika.
Ang Pinakamalaking Konstruksiyon ng Roma
Mahalaga sa Roma ang mga lansangan kahit bago pa gumawa ng mga bagong daanan ang mga naninirahan dito. Naitatag ang lunsod kung saan nagtagpo ang sinaunang mga daanan sa tanging tawiran noon sa timugang bahagi ng Ilog Tiber. Ayon sa mga sinaunang dokumento, upang mapasulong ang mga lansangang nasumpungan nila, ginaya ng mga Romano ang mga taga-Cartago. Pero malamang na mga Etruscano ang talagang nauna sa mga Romano pagdating sa kahusayan sa paggawa ng mga daan. Nakikita pa rin ang labí ng mga lansangan nila. Bukod diyan, bago ng panahon ng Roma, marami nang lansangan ang madalas daanan sa lugar na iyon. Posibleng dito idinaraan ang mga hayop kapag pinapastol ang mga ito sa iba’t ibang lugar. Subalit mahirap daanan ang mga lansangang ito dahil maalikabok dito kapag tag-init at maputik naman kapag tag-ulan. Kadalasan nang sa mismong mga daang ito ginagawa ng mga Romano ang kanilang bagong mga lansangan.
Ang mga lansangang Romano ay maingat na dinisenyo, at ginawa ang mga ito na matibay, mapapakinabangan, at maganda. Ang talagang plano ay gumawa ng mga lansangan sa pinakamaikling ruta na posible patungo sa isang destinasyon, na siyang dahilan kung bakit mahahaba at dere-deretso ang maraming seksiyon ng daan. Subalit kadalasan, kailangang sundan ng mga lansangan ang likas na hubog ng lupa. Hangga’t posible, sa maburol at bulubunduking mga lugar, ginawa ng
mga inhinyerong Romano ang mga lansangan sa gitna ng dalisdis, sa maaraw na panig ng bundok. Mas madali kasing maglakbay sa bahaging ito ng bundok o burol kapag masama ang lagay ng panahon.Paano nga ba ginawa ng mga Romano ang kanilang mga daan? Iba-iba ang paraan, pero ito ang pangunahing paraan na isiniwalat ng mga paghuhukay ng mga arkeologo.
Una, isinasaplano kung saan babagtas ang daan. Ang mga agrimensor ang may trabaho niyan. Pagkatapos, ang napakabigat na trabaho ng paghuhukay ay ginagawa ng mga lehiyonaryo, trabahador, o mga alipin. Dalawang magkaagapay na trinsera ang hinuhukay. Ang pinakamakitid na pagitan ng mga ito ay mga 2.4 metro, pero ang karaniwan ay 4 na metro, at mas maluwang pa nga sa mga kurbada. Maaaring umabot sa 10 metro ang lapad ng natapos na lansangan, kasama na rito ang daanan ng mga tao sa magkabilang gilid. Ang lupa sa pagitan ng dalawang trinsera ay inaalis, anupat nagkakaroon ng hukay sa gitna. Kapag naabot na ang matigas na lupa, tinatambakan ang hukay ng mga tatlo o apat na suson ng iba’t ibang
materyales. Ang unang suson ay maaaring malalaki o durug-durog na bato. Pagkatapos ay ilalagay ang maliliit at makikinis na bato o kaya’y lapád na mga bato, na marahil ay bubuhusan ng kongkreto. Susundan ito ng siniksik na graba o dinurog na mga bato sa ibabaw.Ang ibabaw ng ilang lansangang Romano ay siniksik na graba lamang. Gayunman, ang mga daang nilatagan ng bato ang hinangaan ng mga tao noon. Ang pinakaibabaw ng gayong mga lansangan ay malalaki at malalapad na bato, na karaniwan nang matatagpuan sa lugar na iyon. Ginawang paumbok ang mga lansangan upang umagos ang tubig-ulan sa mga kanal sa magkabilang gilid. Isa itong dahilan kung bakit tumagal ang mga bantayog na ito at nanatili ang ilan hanggang sa panahon natin sa ngayon.
Mga 900 taon matapos gawin ang Appian Way, inilarawan ito ng Bizantinong istoryador na si Procopius na “kamangha-mangha.” Ganito ang isinulat niya tungkol sa malalapad na bato na siyang pinakaibabaw ng lansangan: “Bagaman napakatagal na nito at maraming sasakyan ang dumaraan dito araw-araw, hindi pa rin nagbabago ang anyo nito, ni nawawala ang kinis nito.”
Paano nalampasan ng mga lansangang ito ang likas na mga balakid, gaya ng mga ilog? Ang isang mahalagang paraan ay sa pamamagitan ng mga tulay, na ang ilan ay buo pa rin, anupat nagpapatotoo sa napakahusay na abilidad ng sinaunang mga Romano sa pagtatayo. Marahil ay hindi gaanong kilala ang mga tunel ng mga lansangang Romano, pero ang paggawa sa mga ito ay lalong mahirap kung isasaalang-alang ang mga pamamaraan noon. Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: ‘Sa loob ng maraming siglo, hindi kayang tumbasan ang mga resulta ng inhinyeriya ng Roma.’ Ang isang halimbawa ay ang tunel sa daanang Furlo sa Via Flaminia. Noong 78 C.E., pagkatapos ng maingat na pagpaplano ng mga inhinyero, isang 40-metrong tunel na may lapad na 5 metro at taas na 5 metro ang hinukay sa taganas na bato. Talagang kahanga-hanga ang konstruksiyong ito kung iisipin ang mga kagamitan noon. Ang paggawa ng gayong sistema ng mga lansangan ay isa sa pinakadakilang proyekto ng tao.
Mga Manlalakbay at Paglaganap ng mga Ideya
Mga sundalo at negosyante, mangangaral at turista, artista at gladyador ang dumaan sa mga lansangang ito. Ang mga naglalakad ay maaaring makapaglakbay nang mga 25 hanggang 30 kilometro sa isang araw. Nalalaman ng mga manlalakbay kung gaano sila kalayo sa pamamagitan ng pagtingin sa mga milyahe. Ang mga batong ito na iba-iba ang hugis, karaniwan nang hugis-silinder, ay nakapuwesto sa bawat 1,480 metrong distansiya—ang haba ng isang milyang Romano. Mayroon ding mga dako ng pahingahan, kung saan ang
mga manlalakbay ay maaaring magpalit ng mga kabayo, bumili ng makakain o, sa ilang kaso, magpalipas ng gabi. Ang ilan sa mga lugar na ito na may mga ganitong serbisyo ay naging maliliit na bayan.Di-nagtagal bago umiral ang Kristiyanismo, pinasimulan ni Cesar Augusto ang isang programa ng pagmamantini sa mga lansangan. Nag-atas siya ng mga opisyal upang pangalagaan ang isa o higit pang mga lansangan. Ipinatayo niya ang nakilala bilang miliarium aureum, ang ginintuang milyahe, na itinayo sa Roman Forum. Ang haliging ito na may mga titik na bronse ang pinakamainam na tagpuan ng lahat ng mga lansangang Romano sa Italya. Ito ang basehan ng kasabihan: “Ang lahat ng kalsada ay patungo sa Roma.” Ipinadispley rin ni Augusto ang mga mapa ng sistema ng mga lansangan ng imperyo. Waring ito ang pinakamahusay na sistema para sa mga pangangailangan at pamantayan ng mga tao noon.
Ang ilang manlalakbay noon ay gumagamit pa nga ng nakasulat na mga giya, o itineraryo, upang mapabilis ang kanilang paglalakbay. Ang mga giyang ito ay naglalaan ng impormasyon gaya ng mga distansiya sa pagitan ng mga lugar ng pahingahan at kung anong mga serbisyo ang makukuha sa gayong mga dako. Pero mahal ang mga giyang ito kung kaya’t hindi lahat ay mayroon nito.
Gayunpaman, nagplano at naglakbay sa malalayong lugar ang mga Kristiyanong ebanghelisador. Nakaugalian ni apostol Pablo, gaya ng kaniyang mga kapanahon, na maglakbay sa dagat kapag patungo siya sa silangan, upang samantalahin ang hanging humihihip sa direksiyong iyon. (Gawa 14:25, 26; 20:3; 21:1-3) Sa Mediteraneo, ito ay humihihip mula sa kanluran sa mga buwan ng tag-init. Pero kapag naglalakbay pakanluran si Pablo, madalas siyang dumaan sa mga lansangang Romano. Ganiyan ang ginawa ni Pablo sa kaniyang ikalawa at ikatlong paglalakbay bilang misyonero. (Gawa 15:36-41; 16:6-8; 17:1, 10; 18:22, 23; 19:1) * Noong mga 59 C.E., naglakbay si Pablo sa Appian Way patungong Roma at sinalubong siya ng kaniyang mga kapananampalataya sa abalang Appii Forum, o Pamilihan ng Apio, 74 na kilometro sa timog-silangan ng Roma. Ang iba naman ay naghintay sa kaniya sa lugar ng pahingahan na Tatlong Taberna, 14 na kilometro lamang ang layo mula sa Roma. (Gawa 28:13-15) Noong mga 60 C.E., masasabi ni Pablo na ang mabuting balita ay naipangaral na sa “buong sanlibutan” na kilala noon. (Colosas 1:6, 23) Ang sistema ng mga lansangan ay may bahagi rito.
Kaya ang mga lansangang Romano ay napatunayang pambihira at nagtatagal na mga bantayog—at nakatulong sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
[Talababa]
^ par. 18 Tingnan ang mapa sa pahina 33 ng ‘Tingnan Mo ang Mabuting Lupain,’ na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 14]
Isang milyahe ng Roma
[Larawan sa pahina 15]
Via Appia sa hangganan ng Roma
[Larawan sa pahina 15]
Isang lansangan sa sinaunang Ostia, Italya
[Larawan sa pahina 15]
Mga lubak dahil sa sinaunang mga karwahe, Austria
[Larawan sa pahina 15]
Bahagi ng lansangang Romano na may mga milyahe, Jordan
[Larawan sa pahina 16]
Mga labí ng mga libingan sa Via Appia sa labas ng Roma
[Larawan sa pahina 16]
Tunel ng Furlo sa Via Flaminia, sa rehiyong Marche
[Larawan sa pahina 16, 17]
Tulay ng Tiberio sa Via Emilia sa Rimini, Italya
[Larawan sa pahina 17]
Sinalubong si Pablo ng kaniyang mga kapananampalataya sa abalang Appii Forum, o Pamilihan ng Apio
[Picture Credit Lines sa pahina 15]
Dulong kaliwa, Ostia: ©danilo donadoni/Marka/age fotostock; dulong kanan, lansangang may mga milyahe: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.