Mga Gawa ng mga Apostol 14:1-28

14  Sa Iconio, magkasama silang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at dahil sa husay nilang magsalita, maraming Judio at Griego ang naging mananampalataya.+  Pero ang mga tao ng ibang mga bansa ay sinulsulan ng mga Judiong hindi naniwala, at siniraan ng mga ito ang mga kapatid.+  Kaya mahaba-habang panahon silang nanatili roon at lakas-loob na nagsalita dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova. Binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga tanda at kamangha-manghang mga bagay bilang patotoo sa mensahe ng kaniyang walang-kapantay na kabaitan.+  Pero hati ang opinyon ng mga tao sa lunsod; ang ilan ay panig sa mga Judio at ang iba ay sa mga apostol.  Binalak ng mga tao ng ibang mga bansa at ng mga Judio pati ng mga tagapamahala ng mga ito na ipahiya sila at pagbabatuhin,+  pero nalaman nila ito kaya tumakas sila papunta sa Listra at Derbe, na mga lunsod sa Licaonia, at sa nakapalibot na lupain.+  Nagpatuloy sila roon sa paghahayag ng mabuting balita.  Sa Listra ay may nakaupong isang lalaking lumpo mula nang ipanganak. Hindi pa siya nakalakad kahit kailan.  Nakikinig siya kay Pablo habang nagsasalita ito. Nang tingnan siyang mabuti ni Pablo, nakita nitong may pananampalataya siya at naniniwalang mapagagaling* siya,+ 10  kaya sinabi nito nang malakas: “Tumayo ka.” At lumukso siya at nagsimulang lumakad.+ 11  Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia: “Ang mga diyos ay naging gaya ng mga tao at bumaba sa atin!”+ 12  At tinawag nilang Zeus si Bernabe, pero Hermes naman si Pablo, dahil siya ang nangunguna sa pagsasalita. 13  At ang saserdote ni Zeus, na ang templo ay nasa pasukan ng* lunsod, ay nagdala ng mga toro at mga putong sa mga pintuang-daan at gustong maghandog kasama ng mga tao. 14  Pero nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang damit nila at tumakbo papunta sa mga tao. Sumigaw sila: 15  “Bakit ninyo ginagawa ito? Mga tao lang din kami na may mga kahinaang gaya ninyo.+ At inihahayag namin sa inyo ang mabuting balita para iwan ninyo ang walang-kabuluhang mga bagay na ito at bumaling sa Diyos na buháy,+ na gumawa ng langit at lupa at dagat at lahat ng naroon.+ 16  Sa nakalipas na mga henerasyon, pinahintulutan niya ang lahat ng bansa na gawin ang gusto nila,+ 17  pero nagbigay pa rin siya ng mga patotoo tungkol sa sarili niya+—gumawa siya ng mabuti at binigyan kayo ng ulan mula sa langit at mabubungang panahon+ at saganang pagkain, at pinasaya niya nang lubos ang puso ninyo.”+ 18  Kahit sinabi nila ito, hindi pa rin naging madali na pigilan ang mga tao sa paghahain sa kanila. 19  Gayunman, may dumating na mga Judio mula sa Antioquia at Iconio at inimpluwensiyahan ang mga tao.+ Kaya binato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lunsod, dahil inakala nilang patay na siya.+ 20  Pero nang palibutan siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, pumunta sila ni Bernabe sa Derbe.+ 21  Matapos ipahayag ang mabuting balita sa lunsod na iyon at matulungan ang marami na maging alagad, bumalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia. 22  Pinalakas nila ang mga alagad doon+ at pinasigla na panatilihing matibay ang kanilang pananampalataya* at sinabi: “Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.”+ 23  Nag-atas din sila ng matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.+ Nanalangin sila at nag-ayuno+ at ipinagkatiwala ang mga ito kay Jehova, dahil nanampalataya ang mga ito sa kaniya. 24  At lumibot sila sa Pisidia at nakarating sa Pamfilia,+ 25  at matapos ipahayag ang salita sa Perga, pumunta sila sa Atalia. 26  Mula roon, naglayag sila papuntang Antioquia, kung saan ipinagkatiwala sila noon ng mga kapatid sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos para maisakatuparan ang gawaing natapos na nila ngayon.+ 27  Nang makarating sila at matipon ang kongregasyon, ikinuwento nila ang maraming bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila at na binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya.+ 28  Kaya matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad.

Talababa

O “maliligtas.”
O “ay malapit lang sa.”
O “na manatili sa pananampalataya.”

Study Notes

mga tao: Tingnan ang Ap. A2 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

tanda: Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang salitang Griego na teʹras ay palaging ginagamit kasama ng se·meiʹon (“himala”), na parehong nasa anyong pangmaramihan. (Mat 24:24; Ju 4:48; Gaw 7:36; 14:3; 15:12; 2Co 12:12) Ang teʹras ay pangunahin nang tumutukoy sa anumang bagay na kamangha-mangha.

dahil sa awtoridad na ibinigay ni Jehova: Lit., “sa Panginoon.” (Tingnan ang Ap. C.) Makikita sa konteksto ng Gaw 14:3 na ginamit ang pang-ukol na e·piʹ (isinaling “dahil sa”) para ipakita ang dahilan kung bakit nangangaral nang may katapangan ang mga alagad. Makikita sa talata na ang Diyos mismo ang nagpapatotoo na ang ipinapangaral nila ay ang salita niya at na sinusuportahan niya sila. (Ihambing ang Gaw 4:29-31.) Ang ekspresyong Griego para sa “sa Panginoon” ay ginamit din ng Septuagint sa mga parirala kung saan lumitaw ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. (Aw 31:6 [30:7, LXX]; Jer 17:7) Dahil dito, sinasabi ng ilan na ang ekspresyon ay nangangahulugan ding nagsasalita sila “nang may pagtitiwala kay Jehova.”—Tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 14:3.

kamangha-manghang mga bagay: O “mga himala.”—Tingnan ang study note sa Gaw 2:19.

ipinaliwanag: Ang salitang Griego na di·er·me·neuʹo ay puwedeng mangahulugang “isalin sa ibang wika.” (Gaw 9:36; 1Co 12:30) Pero nangangahulugan din ito na “linawin ang kahulugan; ipaliwanag nang mabuti.” Sa talatang ito, tumutukoy ito sa pagpapaliwanag sa ibig sabihin ng mga hula.

Zeus: Tingnan sa Glosari.

Hermes: Isang Griegong diyos na sinasabing anak ni Zeus. Itinuturing siyang mensahero ng mga diyos. Siya ang pinaniniwalaang matalinong tagapayo ng mga karakter sa mitolohiya, at itinuturing siyang diyos ng komersiyo, mahusay na pagsasalita, kasanayan sa gymnastics, pagtulog, at panaginip. Dahil si Pablo ang nangunguna sa pagsasalita, inakala ng mga nakatira sa Romanong lunsod ng Listra na siya ang diyos na si Hermes, na itinuturing nilang mensahero ng mga diyos at diyos ng mahusay na pagsasalita. Sa katunayan, iba’t ibang salita na may kaugnayan sa pangalang ito ang ginamit sa Kasulatan para tumukoy sa pagsasalin. (Ang ilang halimbawa ay ang pandiwang Griego na her·me·neuʹo, na tinumbasan ng ‘isinasalin’ sa Ju 1:42 at Heb 7:2, at ang pangngalang her·me·niʹa, na tinumbasan ng “magsalin” at “nagsasalin” sa 1Co 12:10; 14:26; tingnan din ang study note sa Luc 24:27.) Isang estatuwa ng diyos na si Hermes at isang altar para kina Zeus at Hermes ang natagpuan malapit sa sinaunang Listra. Sa mga Romano, ang katumbas ni Hermes ay ang kanilang diyos ng komersiyo na si Mercury.

putong: O “palamuting ipinapatong sa ulo.” Posibleng plano ng saserdote ni Zeus na ilagay ang mga putong na ito sa ulo nina Pablo at Bernabe, gaya ng ginagawa nila noon kung minsan sa mga idolo, sa sarili nila, at sa mga hayop na panghandog. Ang ganitong mga putong ay karaniwan nang gawa sa mga dahon at bulaklak, pero mayroon ding gawa sa lana.

mga alagad: Tingnan ang Ap. A2 at Glosari, “Nephesh; Psykhe.”

ipinatong ng mga apostol sa mga ito ang mga kamay nila: Sa Hebreong Kasulatan, iba-iba ang ibig sabihin ng pagpapatong ng kamay, at ginagawa ito sa tao o sa hayop. (Gen 48:14; Lev 16:21; 24:14) Kapag ginagawa ito sa isang tao, karaniwan nang nangangahulugan itong kinikilala siya o binibigyan ng isang espesyal na atas. (Bil 8:10) Halimbawa, ipinatong ni Moises ang kamay niya kay Josue para ipakitang ito ang hahalili sa kaniya. Kaya “naging marunong” si Josue, at mahusay niyang napangasiwaan ang Israel. (Deu 34:9) Dito sa Gaw 6:6, ipinatong ng mga apostol ang kamay nila sa mga lalaking binigyan nila ng awtoridad. Pero ginawa nila ito pagkapanalangin, na nagpapakitang nagpapagabay sila sa Diyos. Pagkatapos, ipinatong ng mga miyembro ng isang lupon ng matatanda ang kamay nila kay Timoteo para bigyan siya ng isang espesyal na atas. (1Ti 4:14) May awtoridad din si Timoteo na atasan ang iba sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya sa kanila, pero gagawin niya lang ito matapos na pag-isipang mabuti kung nakakaabot sila sa kuwalipikasyon.​—1Ti 5:22.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao (gaya sa Luc 15:25; Gaw 2:17), pero hindi lang ito tumutukoy sa matatanda. Dito, tumutukoy ang termino sa mga lider ng bansang Judio na madalas banggitin kasama ng mga punong saserdote at eskriba. Ang Sanedrin ay binubuo ng mga lalaki mula sa tatlong grupong ito.—Mat 21:23; 26:3, 47, 57; 27:1, 41; 28:12; tingnan sa Glosari, “Matanda; Matandang lalaki.”

Nag-atas: Ipinapakita dito ng Kasulatan na ang mga naglalakbay na tagapangasiwa, na sina Pablo at Bernabe, ay nag-atas ng matatandang lalaki. Ginawa nila ito sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno, na nagpapakitang itinuturing nila ang ganitong pag-aatas na isang seryosong bagay. Si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Ang salitang Griego na ginamit dito para sa “nag-atas,” khei·ro·to·neʹo, ay literal na nangangahulugang “iunat o itaas ang kamay.” Dahil dito, iniisip ng ilan na pinagbobotohan ang mga gagawing matatandang lalaki sa kongregasyon sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay. Pero ang salitang Griego na ito ay mayroon ding mas malawak na kahulugan, na hindi tumutukoy sa paraan ng pag-aatas. Ganiyan ang pagkakagamit ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus sa terminong iyan sa kaniyang aklat na Antiquities of the Jews, Aklat 6, kab. 4 at 13 (Loeb 6:54 at 6:312), kung saan ginamit niya ang kaparehong pandiwang Griego para ilarawan ang pag-aatas ng Diyos kay Saul bilang hari. Hindi pinagbotohan ng kongregasyon ng Israel ang pagiging hari ni Saul. Sa halip, sinasabi ng Kasulatan na nagbuhos ng langis si propeta Samuel sa ulo ni Saul at sinabi niya: “Pinili ka ni Jehova bilang pinuno.” Ipinapakita nito na ang Diyos na Jehova ang nag-atas kay Saul. (1Sa 10:1) Gayundin, kung pagbabatayan ang Griegong gramatika na ginamit sa Gaw 14:23, makikita na ang mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hindi ang kongregasyon, ang gumawa ng pag-aatas (Lit., “pag-uunat ng kamay”). Sa ilang sitwasyon, nang bigyan ng pananagutan sa kongregasyon noong unang siglo ang ilang kuwalipikadong mga lalaki, literal na ipinatong ng mga apostol at iba pang awtorisadong mga lalaki ang mga kamay nila sa mga ito bilang tanda ng kumpirmasyon, pagsang-ayon, at pag-aatas.—Ihambing ang study note sa Gaw 6:6.

matatandang lalaki: Sa Bibliya, ang terminong Griego na pre·sbyʹte·ros ay pangunahing tumutukoy sa mga may malaking awtoridad at pananagutan sa isang komunidad o bansa. Minsan, tumutukoy ang termino sa edad ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Mat 16:21.) Kung paanong ang matatandang lalaki ay nangunguna at nangangasiwa sa mga komunidad sa sinaunang bansang Israel, ang mga lalaking may-gulang sa espirituwal naman ang nanguna sa mga kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. (1Ti 3:1-7; Tit 1:5-9) Kahit na sina Pablo at Bernabe ay “isinugo ng banal na espiritu” sa paglalakbay na ito bilang misyonero, nanalangin pa rin sila at nag-ayuno bago mag-atas. Pagkatapos, ‘ipinagkatiwala nila ang matatandang lalaki kay Jehova.’ (Gaw 13:1-4; 14:23) Bukod kina Pablo at Bernabe, si Tito, at lumilitaw na pati si Timoteo, ay sinabing nag-atas din ng “matatandang lalaki” sa mga kongregasyon. (Tit 1:5; 1Ti 5:22) Walang ulat na ang mga kongregasyon lang ang gumawa ng pag-aatas. Lumilitaw na higit sa isa ang matatandang lalaki sa mga kongregasyon noong unang siglo, at naglilingkod sila bilang isang “lupon.”—1Ti 4:14; Fil 1:1.

ipinagkatiwala ang mga ito kay Jehova: Ang pandiwang Griego na isinaling “ipinagkatiwala” ay ginamit din sa Gaw 20:32, kung saan sinabi ni Pablo sa matatandang lalaki mula sa Efeso: “Ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos,” at sa Luc 23:46, kung saan sinabi ni Jesus: “Ama, ipinagkakatiwala ko na ang buhay ko sa mga kamay mo.” Sinipi ito mula sa Aw 31:5, kung saan ginamit ng Septuagint (30:6, LXX) ang kaparehong salitang Griego para sa “ipinagkakatiwala” at kung saan lumitaw ang pangalan ng Diyos sa orihinal na tekstong Hebreo. Maraming beses na mababasa sa Hebreong Kasulatan na ipinagkakatiwala ng isa ang sarili niya kay Jehova.—Aw 22:8; 37:5; Kaw 16:3; tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 14:23.

salita ni Jehova: Ang ekspresyong ito ay ginagamit din sa Hebreong Kasulatan; kombinasyon ito ng terminong Hebreo para sa “salita” at ng pangalan ng Diyos. Lumitaw ito sa mga 200 talata. (Ang ilang halimbawa ay makikita sa 2Sa 12:9; 2Ha 24:2; Isa 1:10; 2:3; 28:14; Jer 1:4; 2:4; Eze 1:3; 6:1; Os 1:1.) Sa lumang kopya ng Septuagint, makikita sa Zac 9:1 ang salitang Griego na loʹgos na sinusundan ng pangalan ng Diyos sa sinaunang letrang Hebreo (). Ang pergaminong balumbon na ito, na natagpuan sa Nahal Hever, Israel, sa Disyerto ng Judea malapit sa Dagat na Patay, ay mula pa noong 50 B.C.E. hanggang 50 C.E. Ang mga dahilan kung bakit ginamit ng Bagong Sanlibutang Salin ang ekspresyong “salita ni Jehova” sa mismong teksto, kahit na “salita ng Panginoon” ang mababasa sa Gaw 8:25 sa maraming manuskritong Griego, ay ipinaliwanag sa introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 8:25.

ang salita: “Ang salita” (ton loʹgon) ang mababasa sa mga maaasahang manuskrito, at ganiyan ang salin ng karamihan ng Bibliya sa ngayon. Pero sa ibang manuskritong Griego, ang mababasa ay “ang salita ng Panginoon,” (ton loʹgon tou Ky·riʹou; tingnan ang Ap. C at study note sa Gaw 8:25) at sa ilang sinaunang manuskrito naman ay “ang salita ng Diyos.” Gayundin, di-bababa sa dalawang Hebreong salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan (may code na J17, 28 sa Ap. C4) ang gumamit ng pangalan ng Diyos dito at puwedeng isaling “ang salita ni Jehova.”

nananampalataya sa kaniya: Lit., “naniniwala sa kaniya.” Ang pandiwang Griego na pi·steuʹo (kaugnay ng pangngalang piʹstis, na karaniwang isinasaling “pananampalataya”) ay pangunahin nang nangangahulugang “maniwala; magkaroon ng pananampalataya,” pero puwede itong magkaroon ng iba pang kahulugan depende sa konteksto at gramatika. Karaniwan na, ang kahulugan nito ay higit pa sa basta paniniwala o pagtanggap na umiiral ang isa. (San 2:19) May kasama itong pagtitiwala na makikita sa pagsunod. Sa Ju 3:16, ang pandiwang Griego na pi·steuʹo ay may kasamang pang-ukol na eis, “sa.” Sinabi ng isang iskolar tungkol sa pariralang Griego na ito: “Ang pananampalataya ay itinuturing na pagkilos, isang bagay na ginagawa ng mga tao, ang pagpapakita ng pananampalataya sa isa.” (An Introductory Grammar of New Testament Greek, ni Paul L. Kaufman, 1982, p. 46) Maliwanag na ang tinutukoy rito ni Jesus ay hindi lang iisang gawa ng pananampalataya, kundi ang pagsasabuhay nito. Sa Ju 3:36, ipinakita na ang kabaligtaran ng “nananampalataya sa Anak” ay “sumusuway sa Anak.” Kaya sa kontekstong iyon, ang “pananampalataya” ay hindi lang matibay na paniniwala; nakikita ito sa pagsunod.

binigyan niya ng pagkakataon ang ibang mga bansa na manampalataya: Lit., “binuksan niya [ni Jehova] sa mga bansa [di-Judio] ang pinto ng pananampalataya.” Sa Kasulatan, para magkaroon ng pananampalataya, kailangan ng isa na matutong magtiwala, na magpapakilos naman sa kaniya na sumunod. (San 2:17; tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Sa orihinal na wika, tatlong beses na ginamit ni Pablo sa mga liham niya ang terminong “pinto” sa makasagisag na diwa.—1Co 16:9; 2Co 2:12; Col 4:3.

Media