Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mawawakasan Kaya ng Tao ang Karalitaan?

Mawawakasan Kaya ng Tao ang Karalitaan?

Mawawakasan Kaya ng Tao ang Karalitaan?

MILYUN-MILYON ang lumaking hindi nakaranas ng karalitaan. Hindi sila kailanman natulog na walang laman ang sikmura o nangangatal sa lamig. Gayunman, marami sa gayong mga indibiduwal ang naaawa sa mga maralita at nagsisikap nang husto upang matulungan ang mga ito.

Subalit ang karalitaan ay nananatiling isang masaklap na katotohanan para sa mga taong sinasalot ng gera sibil, mga pagbaha, tagtuyot, at iba pang mga problema. Ang mga salik na ito ay matinding pasakit para sa mga Aprikanong nagsasaka para lamang makaraos sa buhay. Ang ilan ay sapilitang pinaalis sa kanilang tahanan at lumipat sa malalaking lunsod o namuhay sa ibang bansa bilang mga lumikas. Ang ibang mga taga-probinsiya ay lumipat sa lunsod sa pag-aakalang magiging mas maalwan ang kanilang buhay roon.

Sa siksikang mga lunsod kadalasang lumalaganap ang karalitaan. Napakaliit lamang ng espasyo, kung mayroon man, para pagtamnan. Karaniwan nang mahirap maghanap ng trabaho. Dahil sa matinding kagipitan, marami ang nagiging kriminal. Humihingi ng saklolo ang mga nakatira sa lunsod, subalit hindi malutas ng mga pamahalaan ng tao ang lumalaking problema sa karalitaan. Sa pagtukoy sa isang ulat ng United Nations na inilabas noong Nobyembre 2003, ganito ang sinabi ng The Independent ng London: “Parami nang paraming tao sa daigdig ang nagugutom.” Idinagdag pa nito: “Sa buong daigdig, tinatayang 842 milyon katao sa ngayon ang kulang sa nutrisyon​—at tumataas pa nga ang bilang na ito, bukod pa sa 5 milyong taong nagugutom bawat taon.”

Ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Timog Aprika ay paminsan-minsang nakatatanggap ng liham mula sa mga taong nagdarahop. Halimbawa, isang lalaki mula sa Bloemfontein ang sumulat: “Wala akong trabaho, at nagnanakaw ako sa lunsod kailanma’t may pagkakataon ako. Kung hindi ko ito gagawin, magugutom kami nang maraming araw​—bukod pa sa matinding lamig. Wala talagang mapasukang trabaho. Marami ang palakad-lakad sa lansangan upang maghanap ng trabaho at ng makakain. May mga kilala pa nga akong naghahalukay sa basurahan makakuha lamang ng pagkain. Nagpapatiwakal naman ang ilan. Maraming tulad ko ang nanlulumo at desperado. Wala na yatang pag-asa sa hinaharap. Hindi kaya ito nakikita ng Diyos, gayong nilalang niya tayo na may pangangailangang kumain at manamit?”

May nakaaaliw na mga kasagutan sa mga alalahanin ng lalaking ito. Gaya ng ipakikita sa susunod na artikulo, masusumpungan ang mga kasagutang ito sa mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.