Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Buhay—Mahalaga o Walang Halaga?

Buhay—Mahalaga o Walang Halaga?

Buhay​—Mahalaga o Walang Halaga?

“Yamang ginawa ang tao ayon sa larawan ng Diyos, kung gayon, ang pagkitil sa buhay ng tao ay pagwasak sa pinakamahalaga at pinakabanal na bagay sa daigdig.”​—The Plain Man’s Guide to Ethics, ni William Barclay.

‘ANG pinakamahalagang bagay sa daigdig.’ Ganiyan din ba ang pangmalas mo sa buhay? Sa ikinikilos ng mga tao, maliwanag na marami ang hindi sumasang-ayon sa manunulat na iyon. Milyun-milyong buhay ang walang-awang kinikitil ng mararahas na taong nagtataguyod ng sakim na mga tunguhin nang hindi man lamang isinasaalang-alang ang kapakanan ng kanilang kapuwa.​—Eclesiastes 8:9.

Walang Kabuluhan at Patapón

Isang tipikal na halimbawa ang Digmaang Pandaigdig I. Noong kahila-hilakbot na labanang iyon, paulit-ulit na “isinakripisyo ang mga tao nang walang kadahi-dahilan,” ang sabi ng istoryador na si A.J.P. Taylor. Sa paghahangad ng kabantugan at kaluwalhatian, ginamit ng mga lider ng militar ang mga sundalo na para bang walang halaga at lubusang walang kabuluhan ang mga ito. Sa labanan para sa Verdun sa Pransiya, mahigit na kalahating milyon ang nasawi. “Walang gantimpala [na may anumang estratehikong halaga] na makakamit o mawawala,” ang sulat ni Taylor, “kundi mga taong mapapatay lamang at kaluwalhatiang matatamo.”​—The First World War.

Laganap pa rin ang gayong paghamak sa halaga ng buhay. Sinabi ng iskolar na si Kevin Bales na kamakailan lamang, “dahil sa mabilis na pagdami ng populasyon, dinagsa ng milyun-milyong mahihirap at mahihinang tao ang pamilihan ng paggawa sa daigdig.” Napapaharap sila sa isang panghabang-buhay na pakikipagpunyagi upang mabuhay lamang sa isang mapaniil na sistema ng komersiyo kung saan “nagiging halos walang halaga ang buhay.” Ang sabi ni Bales, pinakikitunguhan sila ng mga nagsasamantala sa kanila na para bang mga alipin​—“lubusang patapóng kasangkapan para pagkakitaan.”​—Disposable People.

“Paghahabol sa Hangin”

Marami pang ibang dahilan kung bakit milyun-milyong tao ang nakadaramang sila’y ganap na walang halaga at desperado​—na walang nagmamalasakit kung sila man ay mabuhay o mamatay. Bukod sa digmaan at kawalang-katarungan, nariyan ang mga pamiminsala ng tagtuyot, taggutom, sakit, pangungulila, at marami pang ibang bagay na nagpapahirap sa buong sangkatauhan, anupat nagtatanong ang mga tao kung sulit nga ba talagang mabuhay.​—Eclesiastes 1:8, 14.

Sabihin pa, hindi lahat ay nakararanas ng labis-labis na kawalan at dalamhati. Subalit maging ang mga nakatakas sa matinding paniniil ay sumasang-ayon sa pananalita ni Haring Solomon ng sinaunang Israel, na nagtanong: “Ano ang natatamo ng isang tao sa lahat ng kaniyang pagpapagal at sa pagpupunyagi ng kaniyang puso na pinagpapagalan niya sa ilalim ng araw?” Pagkatapos pag-isipan ang mga bagay-bagay, natanto ng marami na ang karamihan sa ginawa nila ay naging ‘walang kabuluhan at paghahabol lamang pala sa hangin.’​—Eclesiastes 2:22, 26.

“Ganiyan na lamang ba ang buhay?” ang tanong ng marami habang ginugunita nila ang kanilang naging buhay. Oo, ilan sa mga namatay ang nakadamang tunay na nasisiyahan, na gaya ng patriyarkang si Abraham? (Genesis 25:8) Damang-dama ng karamihan ang kawalang-saysay ng buhay. Gayunman, ang buhay ay hindi naman kailangang maging walang saysay. Itinuturing ng Diyos ang bawat buhay ng tao na mahalaga at nais niyang ang bawat isa sa atin ay magkaroon ng makabuluhan at kasiya-siyang buhay. Paano mangyayari iyon? Isaalang-alang ang sinasabi ng susunod na artikulo tungkol sa paksang ito.