Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapaniniwalaan Mo Ba ang Isang Paraisong Lupa?

Mapaniniwalaan Mo Ba ang Isang Paraisong Lupa?

Mapaniniwalaan Mo Ba ang Isang Paraisong Lupa?

IILANG tao ang naniniwala na ang lupa ay magiging isang paraiso. Marami naman ang nag-iisip na hindi ito patuloy na iiral. Ayon sa aklat na The Sacred Earth, ni Brian Leigh Molyneaux, ang globong ito ay umiral dahil sa ‘isang malakas na kosmikong pagsabog’ milyun-milyong taon na ang nakalipas. At kung hindi man sisirain ng tao mismo ang lupa, naniniwala ang marami na sa dakong huli, ito at ang buong uniberso ay “liliit at magiging bolang apoy.”

Walang gayong negatibong kaisipan ang Ingles na makatang si John Milton noong ika-17 siglo. Sa kaniyang epikong tula na Paradise Lost, isinulat niya na nilalang ng Diyos ang lupa upang maging isang paraisong tahanan ng sambahayan ng tao. Nawala ang orihinal na Paraisong iyon. Gayunman, naniniwala si Milton na isasauli ito​—na isang tagatubos sa katauhan ni Jesu-Kristo ang balang-araw ay “magbibigay-gantimpala sa kaniyang mga tapat, at tatanggap sa kanila sa lubos na kaligayahan . . . sa Langit o sa Lupa.” May-pagtitiwalang ipinahayag ni Milton: “Sapagkat sa panahong iyon ang buong Lupa ay magiging Paraiso.”

Paraiso​—Sa Langit o sa Lupa?

Maraming relihiyosong tao ang naniniwalang gaya ni Milton na tatanggap sila ng gantimpala sa dakong huli dahil sa tiniis nilang matitinding paghihirap dito sa lupa. Subalit saan kaya nila tatamasahin ang gantimpalang iyon? Ito ba’y “sa Langit o sa Lupa”? Para sa ilan, hindi man lamang nila naiisip ang lupa. Sinasabi nilang ang mga tao ay magtatamasa lamang ng “lubos na kaligayahan” kapag lumisan na sila sa lupa at namuhay sa daigdig ng mga espiritu sa langit.

Sa aklat na Heaven​—A History, sinabi ng mga awtor na sina C. McDannell at B. Lang na naniwala ang teologo noong ikalawang siglo na si Irenaeus na ang buhay sa isang isinauling paraiso ay “hindi mangyayari sa malayong kalangitan, kundi dito sa lupa.” Ayon sa aklat na iyon, bagaman umaasa ang mga lider ng relihiyon na gaya nina John Calvin at Martin Luther na pupunta sila sa langit, naniniwala rin sila na “babaguhin ng Diyos ang lupa.” Gayundin ang paniniwala ng mga miyembro ng iba pang relihiyon. Sinabi rin nina McDannell at Lang na naniniwala ang ilang Judio na sa takdang panahon ng Diyos, ang lahat ng paghihirap ng tao “ay aalisin at kasiya-siyang buhay ang tatamasahin sa lupa.” Ayon sa sinaunang paniniwalang Persiano, “isasauli ang orihinal na kalagayan ng lupa at ang mga tao ay minsan pang mamumuhay sa kapayapaan,” sabi ng The Encyclopaedia of Middle Eastern Mythology and Religion.

Kumusta naman ang pag-asa sa isang paraisong lupa? Pansamantalang kalagayan lamang ba ang pag-iral natin sa lupa? Gaya ng paniwala ng pilosopong Judio noong unang siglo na si Philo, ito ba ay isa lamang “maikli, kadalasa’y sawing-palad na insidente” sa paglalakbay tungo sa daigdig ng espiritu? O may iba pa bang layunin ang Diyos nang lalangin niya ang lupa at ilagay rito ang mga tao sa paraisong mga kalagayan? Masusumpungan kaya ng sangkatauhan ang tunay na espirituwal na kasiyahan at lubos na kaligayahan dito mismo sa lupa? Bakit hindi suriin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksang ito? Maaaring mahinuha mo, gaya ng nahinuha na ng milyun-milyon, na talagang makatuwirang umasa sa isang isinauling makalupang paraiso.

[Larawan sa pahina 3]

Naniwala ang makatang si John Milton na isasauling muli ang Paraiso

[Picture Credit Line sa pahina 2]

COVER: Earth: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./NASA

[Picture Credit Lines sa pahina 3]

Lupa: U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./NASA; John Milton: Leslie’s