Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Naririnig” Nila ang Mensahe ng Kaharian sa Brazil

“Naririnig” Nila ang Mensahe ng Kaharian sa Brazil

“Naririnig” Nila ang Mensahe ng Kaharian sa Brazil

UPANG maihayag ang mabuting balita ng Kaharian sa komunidad ng mga Bingi, tinanggap ng marami sa mga Saksi ni Jehova sa Brazil ang hamon na matuto ng Wikang Pasenyas ng Brazil. Napakaganda ng mga ibinunga ng kanilang mga pagsisikap, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan.

Si Eva, * isang babaing bingi sa São Paulo, ay nagsimulang matuto ng wikang pasenyas nang siya at ang kaniyang tatlong anak ay sumama sa isang lalaking bingi. Sa isang shopping mall, nakilala ni Eva at ng kaniyang kinakasama ang isang grupo ng mga Saksing bingi at inanyayahan sila sa isang pagpupulong sa Kingdom Hall. Tinanggap nila ang paanyaya, na iniisip na iyon ay isang sosyal na pagtitipon.

Dahil sa walang gaanong nalalaman sa wikang pasenyas, kaunting-kaunti lamang ang naunawaan ni Eva sa pulong. Pagkatapos, inanyayahan siya ng isang mag-asawang Saksi sa kanilang tahanan para magmeryenda. Sa pamamagitan ng mga larawan sa brosyur na Tamasahin ang Buhay sa Lupa Magpakailanman!, ipinaliwanag nila ang pangako ng Diyos hinggil sa isang lupang paraiso sa hinaharap. Nagustuhan ni Eva ang napag-aaralan niya at nagsimula siyang dumalo nang regular sa mga pagpupulong.

Di-nagtagal, iniwan ni Eva ang kaniyang kinakasama upang makapamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya. Sa kabila ng napakatinding pagsalansang ng kaniyang pamilya, patuloy siyang sumulong sa espirituwal at nabautismuhan noong 1995. Pagkalipas ng anim na buwan, nagpatala si Eva bilang payunir, o buong-panahong tagapaghayag ng Kaharian. Magmula noon ay natulungan niya ang apat na taong bingi hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo.

Si Carlos ay ipinanganak na bingi. Mula pa sa pagkabata ay nasangkot na siya sa droga, imoralidad, at pagnanakaw. Palibhasa’y pinagbantaan ng mga miyembro ng karibal na gang, tumakas siya patungong São Paulo at nakitira kay João sa loob ng ilang panahon. Si João, tulad ni Carlos, ay bingi at may masamang pamumuhay.

Pagkalipas ng ilang taon, natutuhan ni Carlos ang mensahe ng Kaharian, na nagpakilos sa kaniya na linisin ang kaniyang buhay at gawing legal ang kaniyang pag-aasawa. Pagkatapos maabot ang maka-Kasulatang mga kahilingan, nabautismuhan si Carlos bilang sagisag ng kaniyang pag-aalay kay Jehova. Samantala, hindi alam ni Carlos na natutuhan din ni João ang mabuting balita, at siya ay gumawa rin ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Nang malaman niyang hindi sinasang-ayunan ni Jehova ang paggamit ng mga imahen, itinapon ni João ang kaniyang koleksiyon ng mga “santo.” Pagkatapos talikuran ang kaniyang dating istilo ng pamumuhay, nabautismuhan din si João.

Laking kagalakan nga nina Carlos at João nang magkita sila sa isang Kingdom Hall at makita ang pagbabagong ginawa ng bawat isa! Silang dalawa ngayon ay responsableng mga ulo ng pamilya at naglilingkod bilang masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian.

Sa Brazil, may 30 kongregasyon at 154 na grupo ng wikang pasenyas sa kasalukuyan, na may mahigit sa 2,500 mamamahayag, kung saan mga 1,500 sa mga ito ay bingi. Sa 2001 “Mga Guro ng Salita ng Diyos” na Pandistritong mga Kombensiyon para sa mga bingi sa Brazil, mahigit na 3,000 ang dumalo, at 36 ang nabautismuhan. Sa pamamagitan ng pagpapala ni Jehova, inaasahan na marami pang bingi ang tatanggap sa mensahe ng Kaharian.

[Talababa]

^ par. 4 Binago ang mga pangalan.