Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Diyos Ko, Bakit Ninyo Pinahintulutan Ito?’

‘Diyos Ko, Bakit Ninyo Pinahintulutan Ito?’

‘Diyos Ko, Bakit Ninyo Pinahintulutan Ito?’

NATATANDAAN pa ni Ricardo noong nakaupo siyang katabi ng kaniyang asawa, si Maria, sa silid-hintayan ng doktor. * Pareho silang walang lakas ng loob na basahin ang mga resulta ng pinakabagong pagsusuri sa kalusugan ni Maria. Pagkatapos ay binuksan ni Ricardo ang sobre, at dali-dali nilang tiningnan ang medikal na mga termino sa report. Napansin nila ang salitang “kanser,” at kapuwa sila nagsimulang umiyak nang lubos nilang matanto ang ibig sabihin ng salitang iyon.

“Napakabait ng doktor,” ang gunita ni Ricardo, “subalit maliwanag na alam niya kung gaano kalubha ang situwasyon dahil palagi niyang sinasabi sa amin na kailangan kaming magtiwala sa Diyos.”

Bago magsimula ang paggamot sa pamamagitan ng radyasyon, napansin ng doktor ni Maria na hindi makontrol ni Maria ang pagkilos ng kaniyang kanang paa. Isiniwalat ng karagdagang pagsusuri na kumalat na pala ang kanser sa kaniyang utak. Pagkalipas lamang ng isang linggong paggamot, itinigil na ang paggamit ng radyasyon. Nakoma si Maria at namatay pagkaraan ng dalawang buwan. “Mabuti na lamang at natapos na ang kaniyang paghihirap,” ang paliwanag ni Ricardo, “ngunit labis akong nangungulila sa kaniya anupat parang gusto ko na ring mamatay. Madalas ay dumaraing ako sa Diyos: ‘Bakit ninyo pinahintulutang mangyari ito?’ ”

Kapag May Trahedyang Naganap, Maraming Tanong ang Bumabangon

Tulad ni Ricardo, napakaraming tao sa buong daigdig ang napipilitang humarap sa katotohanan ng pagdurusa. Ang mga walang-sala ang madalas na nagdurusa. Isipin na lamang ang kalunus-lunos na pamimighating dulot ng walang-tigil na armadong mga alitan na sumasalot sa sangkatauhan. O kaya’y isaalang-alang ang kirot na nadama ng napakaraming biktima ng panghahalay, pang-aabuso sa bata, karahasan sa tahanan, at iba pang kasamaan na gawa ng tao. Sa buong kasaysayan, waring walang hangganan ang kawalang-katarungan at kirot na handang idulot ng mga lalaki at babae sa isa’t isa. (Eclesiastes 4:1-3) Nariyan din ang panggigipuspos ng mga biktima ng likas na kasakunaan o ng emosyonal, mental, at pisikal na mga sakit. Hindi nga nakapagtataka na marami ang nagtatanong, “Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang gayong pagdurusa?”

Maging sa mga may relihiyosong paniniwala, hindi madaling harapin ang pagdurusa. Ikaw man ay maaaring nag-iisip kung ano kaya ang posibleng dahilan ng isang Diyos na maibigin at makapangyarihan-sa-lahat para pahintulutang magdusa ang tao. Mahalaga para sa kapayapaan ng ating isip at sa ating kaugnayan sa Diyos na masumpungan ang kasiya-siya at makatotohanang sagot sa palaisipang tanong na ito. Ang Bibliya ay naglalaan ng gayong sagot. Pakisuyong isaalang-alang ang sinasabi nito na siyang tatalakayin sa susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 2 Binago ang mga pangalan.

[Mga larawan sa pahina 3]

Palaging sinasabi sa amin ng doktor na kailangan kaming magtiwala sa Diyos