Tumutugon ang Latvia sa Mabuting Balita
Tumutugon ang Latvia sa Mabuting Balita
MALIWANAG na ipinakikita sa Bibliya na kalooban ng Diyos na “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Timoteo 2:4) Yaong mga napagkaitan ng pagkakataon na makapakinig sa mabuting balita sa loob ng maraming taon ay nakaririnig na nito ngayon! Sa Latvia, tulad sa ibang bahagi ng daigdig, ang mga tao na may iba’t ibang edad at pinagmulan ay tumutugon sa mensahe, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga karanasan.
• Sa Rēzekne, isang bayan sa silangang Latvia, isang ina at ang kaniyang tin-edyer na anak na babae ang nagtanong ng direksiyon sa isang babae na nasa kalye. Pagkatapos ibigay ang impormasyon sa kanila, inanyayahan sila ng babae, na nagkataong isa sa mga Saksi ni Jehova, sa mga pulong ng mga Saksi.
Yamang relihiyosa ang mag-ina, nagpasiya silang pumunta sa pulong. Patungo sa pulong, nagkasundo sila na kung may makita sila roong anumang bagay na hindi wasto, aalis sila kaagad-agad. Gayunman, lubhang nakawiwili ang pulong anupat hindi man lamang nila naisip na umalis. Tinanggap nila ang alok na mag-aral ng Bibliya at nagsimulang dumalo sa mga pulong nang regular. Sa loob lamang ng tatlong buwan, ipinahayag na nila ang kanilang pagnanais na sumama sa gawaing pangangaral at umaasang mabautismuhan sa hinaharap.
• Sa isang lunsod sa kanlurang Latvia, natagpuan ng isang Saksi ang 85-taóng-gulang na si Anna, na nagpakita ng tunay na interes at tumanggap ng isang pag-aaral sa Bibliya. Mahigpit siyang sinalansang ng kaniyang anak na babae at ng iba pang miyembro ng pamilya. Ngunit hindi hinayaan ni Anna na iyon o ang kaniyang katandaan at mahinang kalusugan ay makahadlang sa kaniya na ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya.
Isang araw, sinabi ni Anna sa kaniyang anak na babae na magpapabautismo na siya. “Kapag nagpabautismo kayo, ipadadala ko kayo sa isang nursing home,” tugon ng anak ni Anna. Ngunit, ang bantang ito ay hindi nakapigil kay Anna. Dahil sa kaniyang pisikal na kalagayan, binautismuhan siya sa kaniya mismong tahanan.
Ano ang naging reaksiyon dito ng anak ni Anna? Nagbago ang kaniyang saloobin, at naghanda siya ng espesyal na pagkain para sa kaniyang ina pagkatapos ng bautismo nito. Pagkatapos ay tinanong niya ang kaniyang ina, “Ngayong bautisado na kayo, ano po ang nadarama ninyo?” Ang tugon ni Anna? “Parang bagong silang!”
• Noong Disyembre 1998, natagpuan ng dalawang Saksi ang isang retiradong opisyal ng hukbo ng dating Unyong Sobyet. Yamang naniniwala siya sa isang Maylalang, tinanggap niya ang isang pag-aaral sa Bibliya, at nang maglaon, ang kaniyang asawa ay sumama sa pag-aaral. Mabilis silang sumulong at di-nagtagal ay naging mga di-bautisadong mamamahayag. Nang sumunod na tag-init, ang dating opisyal na ito ay nabautismuhan. Ang malaking pag-ibig ng mag-asawang ito sa mga espirituwal na bagay ay naging isang pampasigla sa lahat ng nasa kongregasyon. Karagdagan pa, masikap silang nagtrabaho sa pagsasaayos ng isang bahay sa lugar nila upang maging isang magandang Kingdom Hall.