TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?
Mga Pamantayang Hindi Kumukupas —Pag-ibig
SIMULAIN SA BIBLIYA: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14.
MGA PAKINABANG: Ang pag-ibig na madalas banggitin sa Bibliya ay hindi romantikong pag-ibig. Sa halip, ito ay pag-ibig na may simulain gaya ng habag, pagpapatawad, kapakumbabaan, katapatan, kabaitan, kahinahunan, at pagtitiis. (Mikas 6:8; Colosas 3:12, 13) Di-gaya ng romantikong pagkahumaling na lumilipas, ang pag-ibig ay patuloy na sumisidhi.
Sinabi ni Brenda, halos 30 taon nang kasal: “Ang pag-ibig ng mga bagong-kasal para sa isa’t isa ay walang-wala kung ikukumpara sa pag-ibig ng mga mag-asawa habang tumatagal ang pagsasama nila.”
Sinabi naman ni Sam, mahigit 12 taon nang may asawa: “Humahanga kaming mag-asawa—at nagugulat pa nga—kung gaano kaepektibo at kasimple ang payo ng Bibliya! ’Pag sinusunod ito, nagiging maayos ang mga bagay-bagay. Pero gustuhin ko mang ikapit ito palagi, hindi ko ’yon nagagawa. Kung minsan kasi, pagód ako, nagiging makasarili, o masyadong sensitibo. Kapag gano’n, nananalangin ako kay Jehova para mawala ang mga negatibong kaisipan. Pagkatapos, niyayakap ko ang aking asawa, at nagiging okey uli kami na parang walang nangyari.”
“Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito”
Sinabi ni Jesu-Kristo na “ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Oo, nasa Bibliya ang tunay na karunungan. Mabisa at hindi kumukupas ang mga turo at pamantayan nito. Kapaki-pakinabang ito sa anumang kultura at lahi. Makikita rito ang malalim na pagkaunawa sa mga bagay na likas sa tao dahil ang may-akda nito ay ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova. Pero mapatutunayan lang na mabisa ang turo ng Bibliya kung ikakapit ito. Kaya inaanyayahan tayo ng Bibliya na “tikman . . . at tingnan na si Jehova ay mabuti.” (Awit 34:8) Tatanggapin mo ba ang paanyayang iyan?