Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | PRAKTIKAL PA BA ANG BIBLIYA SA NGAYON?

Mga Pamantayang Hindi Kumukupas—Katapatan

Mga Pamantayang Hindi Kumukupas—Katapatan

SIMULAIN SA BIBLIYA: ‘Sino ang magiging panauhin sa tolda ng Diyos? Siyang lumalakad nang walang pagkukulang at nagsasagawa ng katuwiran at nagsasalita ng katotohanan sa kaniyang puso.’Awit 15:1, 2.

MGA PAKINABANG: Para sa marami, mahalaga ang katapatan at integridad. Pero paano kung ang isa ay may tsansang makapandaya at walang makaaalam nito? Ano kaya ang ididikta ng puso niya?

Sinabi ni Raquel, na nagtatrabaho sa purchasing: “May mga ahenteng nag-aalok sa ’kin ng kickback. Sabi nila, kapag sa kanila ako bumili, sa ’kin nila ibibigay ang ‘discount’ sa halip na sa kompanya namin. Pero naalaala ko ang payo ng Bibliya tungkol sa katapatan, kaya tumanggi ako. Nang mabalitaan ’to ng boss ko, mas lumaki ang tiwala niya sa ’kin.”

Kung natukso si Raquel sa alok, baka nagkapera nga siya. Pero paano kung malaman ito ng boss niya? Hindi kaya siya mapaalis sa trabaho? Tatanggapin pa kaya siya ng ibang kompanya? Mas mahalaga kay Raquel ang kaniyang konsensiya at respeto sa sarili. “Ang pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap [o respeto] ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto,” ang sabi ng Kawikaan 22:1.

Naging maganda ang reputasyon ni Jessie bilang tapat na empleado

Si Jessie ay tapat din at maaasahan, kaya naging maganda ang reputasyon niya sa kaniyang employer. Ang resulta? Hindi lang siya ginawang manager, kundi binigyan pa siya ng higit na kalayaan sa iskedyul niya. Kaya mas marami siyang panahon sa kaniyang asawa’t mga anak at sa espirituwal na mga gawain.

Kapag naghahanap ng mga empleado, pumupunta ang ilang employer sa mga grupong kilalá sa pagiging tapat. Halimbawa, isang manager ng kompanya sa Pilipinas ang sumulat sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova para alukin ng trabaho ang mga Saksi. Sila ay “masipag, tapat, at seryoso sa trabaho,” ang sabi niya. Pero ang kapurihan ay sa Diyos na Jehova, na nagtuturo sa atin na “kapootan . . . ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.”—Amos 5:15.