Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Karunungan—Isang Proteksiyon

Karunungan—Isang Proteksiyon

“Maaaring matubos ng tao ang kanyang buhay sa pamamagitan ng kanyang kayamanan ngunit sa mahirap na tao’y walang nagbabantang sinuman.”—KAWIKAAN 13:8, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

BAGAMAN may mga bentaha ang pagiging mayaman, may mga disbentaha rin ito lalo na sa mapanganib na panahon natin sa ngayon. (2 Timoteo 3:1-5) Sa ilang lupain, pinupuntirya ng mga magnanakaw at kidnaper ang mayayaman, pati na ang mga turistang mukhang mapera.

Tungkol sa isang papaunlad na bansa, sinabi sa isang balita: “Dahil sa mararahas na nakawan, dayaan at pangingidnap, nagiging magkaaway ang mayayaman at mahihirap. May mga guwardiya sa mga restawran; ang mga bahay naman ng mayayaman ay nababakuran ng barbed wire, may malalakas na ilaw, kamera, at mga security guard.” Ganiyan din ang sitwasyon sa marami pang lupain.

Pero “sa mahirap na tao’y walang nagbabantang sinuman,” ang sabi ng Bibliya. Paano ka makikinabang sa mahalagang karunungang iyan? Kung nakatira ka sa isang lugar na laganap ang krimen at karahasan o kung pupunta ka sa gayong lugar, iwasan mong magmukhang mayaman. Isiping mabuti kung ano ang isinusuot mo at dinadala, lalo na kung kapansin-pansin ang mga ito. “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli,” ang sabi ng Kawikaan 22:3, “ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”

Makikita sa karunungang nakaulat sa Bibliya ang pagmamalasakit sa atin ng ating Maylalang. Gusto niyang maging ligtas tayo. Ang gayong “karunungan ay pananggalang,” o proteksiyon, ang sabi ng Eclesiastes 7:12, dahil “iniingatang buháy ng karunungan ang mga nagtataglay nito.”