Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

PAGMAMASID SA DAIGDIG

Pagtutok sa Kalusugan

Pagtutok sa Kalusugan

Sa kabila ng pagsulong sa medisina, sinasalot pa rin ng sakit ang mga tao. Pero ayon sa mga ebidensiya, maiiwasan ang marami sa mga ito.

Daigdig

Ayon sa World Health Organization, posibleng 24 na milyon katao taon-taon ang mada-diagnose na may kanser pagsapit ng 2035. Mas mataas ito nang mga 70 porsiyento kumpara sa bilang ngayon, na ipinapalagay na mahigit 14 na milyon. Tinatayang kalahati ng mga kasong iyon ay dahil sa istilo ng pamumuhay, gaya ng pag-abuso sa alak, kakulangan sa ehersisyo, sobrang katabaan, pagkahantad sa radyasyon, at paninigarilyo.

Britain

Matapos makita ang mga ebidensiya, pinaimbestigahan ng gobyerno ng Britain ang posibleng pagkalat ng mad cow disease dahil sa mga procedure na gaya ng pagsasalin ng dugo. “Natakot kami nang marinig namin ang ebidensiya na malaking banta pa rin sa kalusugan ng mga tao ang walang-lunas na sakit na ito,” ang sabi ni Andrew Miller, miyembro ng Parlamento. Idinagdag pa niya: “Sinabi sa ’min [na posibleng maikalat ang impeksiyon] dahil sa kontaminadong suplay ng dugo at organ.”

Norway

Dahil sa depresyon, posibleng tumaas nang hanggang 40 porsiyento ang tsansa ng pagkakasakit sa puso, ayon sa 11-taóng pag-aaral sa halos 63,000 taga-Norway. Sinipi ng European Society of Cardiology ang sinabi ng isa sa mga awtor ng pag-aaral na hindi lang nakapagpapataas ng level ng stress hormone ang depresyon, kundi nagiging sanhi rin ito para mawalan ng gana ang isa na sumunod sa mga payo kung paano magiging mas malusog.

Estados Unidos

Pinag-aaralan ngayon ng mga siyentipiko ang posibleng panganib ng tinatawag na thirdhand smoke, ang upos at amoy ng sigarilyo na sumasama sa alikabok na nasa loob ng mga apartment, hotel, at sasakyan. Ang naiipong upos at amoy na ito ay lalong nagiging lason habang tumatagal.