Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Salamat sa Seryeng Ito!”

“Salamat sa Seryeng Ito!”

“Salamat sa Seryeng Ito!”

● Nagpapasalamat ang mga mambabasa sa buong daigdig dahil sa seryeng “Repaso Para sa Pamilya” na nasa pahina 30 at 31 ng Gumising! Ang mga interactive na larawan at tanong, mga Bible card na maaaring gupitin at ingatan, mga larawan na puwedeng hanapin ng mga bata, at ang mga seksiyon na puwedeng talakayin ng pamilya ay nakapagtuturo at kasiya-siya. Ganito ang sinabi ng ilan:

“Tinuturuan ko ng Bibliya sa pamamagitan ng sulat ang dalawa kong apong lalaki na 12 anyos. Pinasasagutan ko sa kanila ang ‘Repaso Para sa Pamilya’ at ipinadadala nila sa akin ang mga pahinang iyon. Talagang enjoy na enjoy ang mga apo ko sa aming pag-aaral. At sa sulat, nadaragdagan ko pa ng paliwanag ang mga puntong tinalakay. Salamat sa seryeng ito!”

V. C., Estados Unidos

“Kamakailan, bago matulog ang aking limang-taóng anak na lalaki, gusto niyang pag-usapan namin ang seksiyong ‘Ano ang Mali sa Larawang Ito?’ Nakakita ako ng isa at pinag-usapan namin ang larawan. Tutok na tutok siya sa pakikinig nang basahin ko ang mismong ulat ng Bibliya. Ngayon, halos gabi-gabi ay gusto niyang mag-aral. Lubos kaming nagpapasalamat sa inyo sa pagtulong sa mga anak namin na masiyahan sa pag-aaral ng Bibliya.”

M. F., France

“Nakilala ko si David, 12 taóng gulang, at si Jennifer, 6 na taóng gulang, sa isang terminal ng bus. Nakita ng tatay nila na nag-aalok ako ng Gumising! sa mga naroroon, kaya pinalapit niya sila para mag-usisa. Habang binabasa ng tatay at ng anak na lalaki ang mga magasin, tinitingnan naman namin ni Jennifer ang magagandang ilustrasyon at mga larawan ng mga ibon at hayop. Nagkuwentuhan kami tungkol sa magagandang bagay na nilalang ng Diyos na Jehova para sa atin. Pagdating sa pahina 31, sinubukan namin ang ‘Mga Bata, Hanapin ang Larawan.’ Habang hinahanap ko ang unang larawan, mabilis na tiningnan ni Jennifer ang mga pahina at agad na nakita iyon. Hinanap namin ang ikalawa at ikatlong larawan, at siya uli ang unang nakakita. Hindi tumigil si Jennifer hangga’t hindi niya nahahanap ang lahat ng larawan sa sampung isyu! Bago umalis, humingi si Jennifer ng dalawa pang magasin para sa tatay at kapatid niya. Bago kami maghiwalay, nagpasalamat sila sa napakagagandang magasin.”

M. C., Ecuador