Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Stress—Ang Epekto Nito sa Atin

Stress—Ang Epekto Nito sa Atin

Stress​—Ang Epekto Nito sa Atin

Ano ang nararamdaman mo kapag naghahabol ka ng bus o tren? Siguradong damang-dama mong tumataas ang presyon ng dugo mo at bumibilis ang tibok ng iyong puso. Kahit hindi mo ito maabutan, babalik din sa normal ang paghinga at bilis ng tibok ng puso mo.

GAYUNMAN, ibang usapan na kapag hindi ka tinatantanan ng nakaka-stress na sitwasyon. Posibleng hindi agad mawala ang kabalisahan, pananakit ng kalamnan, mataas na presyon ng dugo, at sirang tiyan. Dumarami ang taong hindi nawawalan ng tensiyon. Halimbawa, marami ang nahihirapan at hindi masaya sa kanilang trabaho, pero wala silang magawa. Ano kaya ang epekto ng stress sa iyong katawan at kalusugan?

Reaksiyon ng Katawan sa Stress

Ipinaliliwanag ni Dr. Arien van der Merwe, isang eksperto sa stress, kung ano ang nangyayari sa katawan kapag nai-stress. Gumagawa agad ito ng “napakaraming neurochemical at hormon na mabilis na dumadaloy sa buong katawan, anupat inihahanda ang bawat sistema at sangkap ng katawan sa pagharap sa emergency.”

Sa isang iglap, magagawa mo ang mga bagay na hindi mo akalaing kaya mo. Lahat ng iyong pandamdam​—kasama na ang paningin, pandinig, at pandama​—ay gumagana. Kumikilos agad ang utak, at pinalalakas ng mga adrenal gland ang mga kalamnan pati na ang puso, baga, at iba pang sangkap ng katawan, depende sa pangangailangan kapag may nakaka-stress na sitwasyon.

Kaya kapag may emergency, ang reaksiyon ng katawan mo sa stress ang maaaring magligtas sa iyo. Halimbawa, agad kang tumatabi kapag may paparating na kotse. Pero paano kung hindi mawala-wala ang stress?

Kapag Naging Kaaway ang Stress

Paano kung laging mataas ang adrenaline mo? Nananatiling matigas ang iyong mga kalamnan, mabilis ang tibok ng puso mo, at mataas ang presyon ng dugo at antas ng kolesterol, asukal, hormon, at ng iba pang kemikal sa dugo. Hindi naman masama kung tumaas ang antas ng mga ito paminsan-minsan sa mga biglaang sitwasyon, lalo’t sandali lang. Pero kung laging ganito, di-magtatagal ay mapipinsala ang mahahalagang sangkap ng iyong katawan. Ang resulta?

Posibleng manakit ang iyong likod, ulo, leeg, at mga kalamnan. Ayon sa mga doktor, ang mga sintomas na ito ay karaniwan nang nauugnay sa nagtatagal na stress. Ang ganitong stress ay puwedeng makaapekto sa pagiging malikhain at produktibo ng isa, pati na sa kasiglahan niya at kaugnayan sa iba. Maaari din itong mauwi sa irritable bowel syndrome, esophageal spasm, at pagtatae. Puwede rin itong magdulot o magpalala ng malulubhang sakit, gaya ng istrok, atake sa puso, pagkasira ng bato, sakit sa puso, at diyabetis.

“Kapag nagtatagal ang stress, maraming cortisol ang lumalabas,” ang isinulat ni Van der Merwe, “dahil dito, may posibilidad na maipon ang taba sa may tiyan at likod.” Ang sakit sa balat, gaya ng eksema at psoriasis, ay nauugnay sa stress o napapalala nito. Iniuugnay rin sa matinding stress ang depresyon, pagiging mas magagalitin, at pagkahapo. Dahil sa nagtatagal na stress, posible ring humina ang memorya at konsentrasyon. Kapag ang sistema ng imyunidad naman ng isa ang naapektuhan ng nagtatagal na stress, madali siyang tablan ng sipon, kanser, o iba pang autoimmune disease.

Malaki ang epekto ng stress sa lahat ng aspekto ng ating buhay​—mental, pisikal, emosyonal, at espirituwal​—kaya kailangan nating malaman kung paano ito makokontrol. Pero hindi natin gugustuhing alisin nang lubusan ang reaksiyon ng katawan sa stress. Bakit hindi?

Maaari nating ihalintulad sa masiglang kabayo ang stress. Kapag masigla ang kabayo, masarap itong sakyan. Pero kung nagwawala ito at hindi makontrol, maisasapanganib nito ang ating buhay. Ganiyan din ang stress. Kapag katamtaman ang antas ng stress, malaking bagay ito para maging masaya sa buhay, kasi tinutulungan tayo nito na maging malikhain, produktibo, masigla, at malusog.

Pero paano natin mapananatiling katamtaman ang antas ng stress para masiyahan tayo sa buhay? Tatalakayin ng susunod na artikulo ang mabisang mga paraan kung paano makokontrol ang stress at ang reaksiyon natin dito.

[Kahon sa pahina 5]

“KAMANGHA-MANGHA ANG PAGKAKAGAWA” SA ATIN NG MATALINO AT MAIBIGING MAYLALANG

Taliwas sa paniniwala ng marami, ang reaksiyon ng ating katawan sa stress ay hindi basta isang bagay na nakuha natin sa pagkatakot ng sinaunang mga tao sa mga mammoth at saber-toothed tiger. Sa halip, ang masalimuot na sistema ng ating katawan ay may-kahusayang dinisenyo ng ating dalubhasang Maylalang. Halimbawa, ang komplikadong proseso ng pamumuo ng dugo​—ang kamangha-mangha nitong kakayahang labanan ang impeksiyon at magpagaling ng sugat​—at ang kagila-gilalas na reaksiyon ng katawan sa stress ay katibayan na may isang matalino at maibiging Disenyador.

Ang mga sistemang ito sa katawan ay patotoo na “sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa” sa atin. (Awit 139:13-16) Ang maibiging paglalaan ng Diyos sa espirituwal at pisikal, kasama na ang kamangha-manghang pagkalalang niya sa tao para masiyahan sa buhay, ay katiyakan na walang anumang magdudulot ng kirot, dalamhati, o kamatayan sa darating na Paraisong lupa.​—Apocalipsis 21:3-5.

[Dayagram/Larawan sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MASASAMANG EPEKTO NG NAGTATAGAL NA STRESS

Pananakit ng ulo

Pagngangalit ng ngipin

Pananakit ng leeg

Sakit sa puso

Ulser

Pananakit ng likod

Pananakit ng kalamnan