Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
◼ Ipinakikita ng isang kamakailang pag-aaral “na anim sa bawat 10 Britano ang nagsasabing lumilikha ng pagkakabaha-bahagi ang relihiyon.”—THE CATHOLIC HERALD, BRITANYA.
◼ Ang pinakamalaking planta sa daigdig na nakakalikha ng elektrisidad mula sa sinag ng araw ay itinayo sa Portugal. Mayroon itong mga solar cell na sumasakop ng 250 ektarya at kaya nitong suplayan ng elektrisidad ang mga 30,000 tahanan.—EL PAÍS, ESPANYA.
◼ Sa buong daigdig, 900,000 kabataan ang namamatay sa aksidente taun-taon—mahigit 2,000 araw-araw. Karamihan sa kanila ay biktima ng pagkalunod, pagkasunog, at aksidente sa sasakyan.—DIE WELT, ALEMANYA.
◼ “Bagaman hindi na gaanong mabilis ang pagkakalbo ng mga gubat nitong nakalipas na mga taon, halos 200 kilometro kuwadrado pa rin ng kagubatan ang nakakalbo araw-araw sa buong daigdig.”—FOOD AND AGRICULTURE ORGANIZATION OF THE UNITED NATIONS, ITALYA.
◼ Noong Enero 2009, limang pirata ang iniulat na nalunod matapos nilang makuha ang $3,000,000 (U.S.) na ransom para sa isang oil tanker ng Saudi. Natagpuan sa dalampasigan ang isa sa mga bangkay na may nakaplastik na $153,000 sa kaniyang bulsa.—ASSOCIATED PRESS, SOMALIA.
Mga Kabataang Pinalalaki sa Layaw
Ayon sa pahayagang de Volkskrant, “nadarama [ng mga kabataan sa Netherlands] na ang mga kaedad nila ay pinalalaki sa layaw . . . at masyadong napupuri anupat lumalaki na ang ulo ng mga ito. Dahil dito, nawawalan sila ng konsiderasyon sa iba.” Sa mga kabataang edad 16 hanggang 24, “hindi bababa sa 2 sa bawat 3 . . . ang nakadaramang mas pinahahalagahan ng mga kabataan ang kanilang karapatan kaysa sa kanilang pananagutan,” ang ulat ng pahayagan. Para sa marami, “napakaraming hinihiling ng mga kabataan . . . pero hindi naman nila iniisip kung ano ang maitutulong nila sa lipunan.”
Mga Batang Naghahanda ng Sariling Baon
Humanap ng paraan ang prinsipal ng isang paaralang elementarya sa Hapon para magkaroon ng higit na panahon sa isa’t isa ang mga magulang at ang kanilang mga anak. Sinunod ng paaralan ang kaniyang ideya na paghandain ng sariling baon ang mga estudyante minsan sa isang buwan. Ginaya iyon ng maraming paaralan. “Sa simula, hindi inaasahang magagawa ng mga bata ang lahat sa sarili lang nila,” ang sabi ng pahayagang IHT Asahi Shimbun sa Hapon. “Bawat grado ay may tunguhin. Ang mga [mas nakababata] ay humihingi ng tulong sa kani-kanilang pamilya sa paggawa ng menu at pamimilí ng mga sangkap. . . . Ang mga [mas nakatatanda] ay nakapokus sa paghahanda ng masusustansiyang pagkain.” Ang resulta? “Iniulat ng mga paaralan na humusay sa pagluluto ang mga bata, mas kaunti ang nasasayang na pagkain, at nadagdagan ang puwedeng pagkuwentuhan ng pamilya,” ang sabi ng pahayagan. Sinasabi rin ng mga bata “na pinahahalagahan na nila ang ginagawa ng kanilang mga magulang para sa kanila.”
Paglilinis sa South Pole
Noong nakaraang taon, inalis ng mga polar specialist ng Russia ang 360 tonelada ng basura sa Antartiko bilang bahagi ng pantanging proyekto ng paglilinis sa South Pole. Kabilang sa mga basurang itinapon malapit sa mga research station sa South Pole ay mga materyales sa pagtatayo, sirang makinarya, at mga bariles na pinaglagyan ng petrolyo. “Ayon sa protokol sa pangangalaga ng ekolohiya ng [South Pole], dapat kunin ng bawat bansa ang kani-kaniyang basura,” ang ulat ng magasing Itogi ng Russia. “Ang pinakamasipag makipagtulungan ay ang mga Hapones.”