Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

“Sa buong Russia, mga 160,000 displey sa mga museo ang nawawala.”​—RIA NOVOSTI, RUSSIA.

“Na-detect ng Phoenix Mars Lander ng NASA na umulan ng niyebe sa Mars.”​—“NASA MISSION NEWS,” E.U.A.

“65 porsiyento ng mga drayber at pasahero na namatay sa Gresya ay hindi gumamit ng seat belt o helmet.”​—EIKONES, GRESYA.

Nawawalang mga Bagahe

Madalas na may nawawalang mga bagahe ang mga pasahero ng eroplano. Iniulat ng International Herald Tribune na noong 2007, “42 milyong bagahe ang nawawala, mas marami ito nang 25 porsiyento kaysa noong 2006.” Karamihan sa mga bagaheng ito ay naibalik sa mga may-ari sa loob ng 48 oras, pero 3 porsiyento rito, “isang bagahe sa bawat 2,000 pasahero, ang hindi na nakita.” Noong 2007, gumastos ng 3.8 bilyong dolyar ang mga kompanya ng eroplano dahil sa nawawalang mga bagahe. Kabilang sa sanhi nito ay ang “pagsisiksikan dahil sa dumaraming bilang ng mga pasahero, gipit na oras sa paghahanda ng mga eroplanong balikan ang biyahe,” pagkakamali sa pag-aayos ng mga bagahe at paglalagay ng tag.

Live-in at mga Katoliko

Ipinakita ng isang pag-aaral sa Pransiya na dahil sa “paghina ng relihiyon,” nagbabago ang buhay at pamantayan ng mga tao anumang relihiyon ang kinabibilangan nila, ang sabi ng magasing Population & Sociétés. Halimbawa, mga 88 porsiyento ng mga kabataang edad 18 hanggang 24 sa Pransiya ang nagsasabing Katoliko sila, pero 80 porsiyento sa kanila ay hindi pumupunta sa simbahan maliban kung may kasal, binyag, o libing. Makikita sa buhay ng mga pamilya ang pagbaba ng tradisyonal na mga pamantayang moral. Noon, 40 taon na ang nakalilipas, 1 sa 10 magkapareha ang nagli-live-in. Ngayon, ang bilang ay 9 sa bawat 10. Ipinakikita ng pag-aaral na “75 porsiyento sa mga palasimbang Katoliko ang nagli-live-in.”

Dumarami ang Nagpapakamatay na Magsasaka sa India

Mula noong 2002, mahigit 17,000 magsasaka sa India ang nagpapakamatay taun-taon na kadalasa’y sa pamamagitan ng pag-inom ng pestisidyo, ayon sa pahayagang The Hindu. Kabilang sa problema ng mga magsasaka ang tagtuyot, napakababang presyo ng bentahan ng ani, pagtaas ng gastusin sa pagsasaka, at hirap sa pangungutang sa bangko. Kaya nangungutang sila sa mga pribadong ahensiya na napakataas namang magpatong ng interes​—marami tuloy ang nababaon sa utang. Para makabayad, napipilitan ang ilang magsasaka na ibenta maging ang mga bahagi ng kanilang katawan. Pero kung kulang pa rin o wala na silang ibang magawa, libu-libo ang bumabaling sa huling solusyong alam nila​—pagpapakamatay.

Mga Nile Crocodile​—Nag-uusap Bago Mapisa

“Habang nasa loob ng itlog, nag-uusap-usap ang mga buwaya” para sabay-sabay silang mapisa, ayon sa The Times ng London. Ang tunog ng pag-uusap na iyon ng mga Nile crocodile ay inirekord, saka ipinarinig sa isang set ng mga itlog. Mas madalas gumalaw ang mga itlog na ito kaysa sa set ng mga itlog na hindi inihantad sa inirekord na tunog. “Sa loob ng sampung minuto, napisa ang lahat ng itlog na nakarinig ng usapan ng hindi pa napipisang mga itlog,” ang sabi ng ulat. Ang mga itlog na inilagay sa tahimik na lugar o inihantad sa kung anu-anong tunog ay hindi sabay-sabay na napisa.