Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kamchatka—Kamangha-manghang Lupain ng Russia sa Pasipiko

Kamchatka—Kamangha-manghang Lupain ng Russia sa Pasipiko

Kamchatka​—Kamangha-manghang Lupain ng Russia sa Pasipiko

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA RUSSIA

MAHIGIT tatlong daang taon na ang nakalilipas, habang naglalakbay pasilangan patungong Asia ang mga manggagalugad na Ruso, narating nila ang isang bulubunduking peninsula na nakaungos patimog sa Karagatang Pasipiko at naghihiwalay sa Dagat Okhotsk at Dagat Bering. Medyo mas malaki sa Italya ang magandang lupaing ito at hindi pa ito gaanong nagagalugad.

Kapag taglamig, mas maganda ang temperatura sa lugar na malapit sa baybayin ng Kamchatka kung ihahambing sa looban. May ilang lugar sa looban na umaabot sa mahigit 6 na metro ang kapal ng niyebe at kung minsan ay umaabot pa nga nang halos 12 metro! Sa panahon ng tag-araw, madalas mabalutan ng hamog ang peninsula at malakas ang hihip ng hangin. Palibhasa’y malimit ang ulan sa Kamchatka at mataba ang lupa ng bulkan, malago ang mga pananim, pati na ang mga palumpong ng berry, mga damong sintaas ng tao, at pagkagagandang ligáw na mga bulaklak, gaya ng rosas na kilala bilang reyna ng kaparangan.

Halos ang sangkatlong bahagi ng peninsula ay natatamnan ng mga punong Stone birch, o Erman’s birch. Ang pinakapuno nito at mga sanga ay balu-baluktot at pili-pilipit dahil sa lakas ng hangin at makapal na niyebe. Palibhasa’y matibay at hindi mabilis lumaki ang mga punong birch, pambihira ang katatagan nito. Palibhasa’y matitibay ang mga ugat nito, maaaring tumubo ang mga punong ito kahit saan​—kahit pa nga pahalang sa gilid ng mga bangin! Sumisibol ang mga dahon nito tuwing Hunyo, habang panahon pa na may niyebe, at sa buwan naman ng Agosto, naninilaw ang mga ito, na nagbabadyang malapit na ang taglamig.

Mga Bulkan, Geyser, at Maiinit na Bukal

Palibhasa’y nasa Ring of Fire​—lugar kung saan madalas ang mga pagyanig dahil sa mga bulkan sa gilid ng Karagatang Pasipiko​—mayroong humigit-kumulang 30 aktibong bulkan sa Kamchatka. Matatagpuan doon ang bulkang Klyuchevskaya na sinasabing “napakaganda at hugis-apa.” Umaabot ito sa taas na 4,750 metro mula sa kapantayan ng dagat, kaya ito ang pinakamalaking aktibong bulkan sa Eurasia. Mula noong 1697​—nang unang marating ng mga manggagalugad na Ruso ang Kamchatka​—mahigit nang 600 pagsabog ng mga bulkan sa peninsula ang naiulat.

Noong 1975/76, isang bulkan ang nagkaroon ng bitak at sumabog sa gawing Tolbachik at lumikha ito ng nagliliyab na “sulo” na mahigit 2,500 metro ang taas! Kumidlat sa mga ulap ng abo. Tumagal nang halos isa’t kalahating taon ang mga pagsabog, at dahil dito, may nabuong apat na maliliit na bulkan. Natabunan ang mga lawa at ilog, at tinuyo ng mainit na abo ang buong kagubatan hanggang sa mga ugat ng mga puno. Nagmistulang disyerto ang malawak na kaparangan.

Mabuti na lamang at naganap ang karamihan ng pagsabog sa mga lugar na malayo sa pinaninirahan ng mga tao, kaya kaunti lamang ang namatay. Subalit kailangan pa ring mag-ingat ang mga turista lalo na kung pupunta sila sa Valley of Death, na nasa paanan ng bulkang Kichpinych. Kapag hindi humihihip ang hangin at lalo na kapag natutunaw na ang yelo sa panahon ng tagsibol, naiipon sa libis ang nakamamatay na gas mula sa bulkan, kaya napakadelikado nito sa mga hayop. Minsan, nagkalat sa libis ang sampung bangkay ng oso at marami pang ibang maliliit na hayop.

Makikita sa napakalaking bunganga ng bulkan, na kilala bilang Uzon, ang kumukulong putik at umuusok na mga lawa na punung-puno ng makukulay na lumot. Sa lugar ding ito matatagpuan ang Valley of Geysers, na natuklasan noong 1941. May ilang geyser na sumasabog kada dalawa hanggang tatlong minuto, at ang iba naman ay ilang araw ang pagitan. Helikopter ang sinasakyan ng mga turista papunta sa kahanga-hangang mga lugar na ito, na mga 180 kilometro ang layo pahilaga mula sa lunsod ng Petropavlovsk-Kamchatskiy. Gayunman, mahigpit na kinokontrol ang dami ng mga pumapasyal dito para maingatan ang maselang lugar na ito. Kaya naman, anim na lugar sa Kamchatka ang pinoprotektahan at isinama sa talaan ng mga World Heritage Site.

Sa panahon ng mahabang taglamig, nalulugod ang mga turista na pumasyal sa Kamchatka dahil sa napakarami nitong maiinit na bukal. Ang karamihan sa mga ito ay umaabot sa 30 hanggang 40 digri Celsius. Ginagamit din para makalikha ng elektrisidad ang mainit na singaw mula sa ilalim ng lupa. Sa katunayan, sa peninsulang ito itinayo ang kauna-unahang planta ng kuryente ng Russia na gumagamit ng mainit na singaw mula sa ilalim ng lupa.

Mga Oso, Salmon, at Sea Eagle

Mayroon pa ring humigit-kumulang 10,000 brown bear ang nagpapagala-gala sa Kamchatka. Ang karaniwang timbang ng mga ito ay 150 hanggang 200 kilo, bagaman maaaring maging halos triple pa sana ang kanilang timbang kung hindi sila pinapatay. Ayon sa sabi-sabi ng mga katutubong Itelmen, itinuturing nila noon na “kapatid” ang mga oso, at iginagalang nila ang mga hayop na ito. Naglaho ang ugnayang ito nang magkaroon ng mga baril. Sa ngayon, ikinababahala ng mga tagapagtaguyod ng pangangalaga sa kalikasan ang kinabukasan ng mga hayop na ito.

Mailap ang mga oso kaya bihira silang makita. Subalit tuwing Hunyo, kapag mangingitlog na sa mga ilog ang mga salmon, sinasamantala ito ng mga oso at dumaragsa sila sa ilog para kumain. Kaya ng isang oso na umubos nang hanggang dalawang dosenang salmon! Bakit ganiyan na lamang kalakas kumain ang mga oso? Sa panahon ng tag-araw, kailangang makaipon ang mga oso ng sapat na taba para makayanan nila ang mga buwan ng taglamig, kung kailan kapos ang pagkain at masyadong maginaw. Kapag taglamig, natutulog lamang sila sa kanilang mga lungga para hindi maubos ang kanilang enerhiya.

Ang isa pang mahilig sa salmon ay ang Steller’s sea eagle. Ang sukat ng nakabukang mga pakpak ng kahanga-hangang ibong ito ay umaabot nang 2.5 metro. Itim ang kulay ng karamihan sa mga ito at mayroon itong puting patse sa mga balikat at puting buntot na hugis-kalso. Mga 5,000 na lamang ang mga ito sa ngayon at patuloy na umuunti ang kanilang bilang. Sa buong daigdig, sa rehiyon lamang na ito matatagpuan ang ganitong uri ng mga agila, at kung minsan ay sa mga isla ng Aleutian at Pribilof sa Alaska. Hindi nagpapalit ng pugad ang mga ibong ito. Taun-taon, inaayos lamang nila ito at pinalalaki. May isang pugad na umabot sa tatlong metro ang diyametro at bumigat ito nang bumigat kaya nabali ang punong birch na pinapatungan nito!

Mga Mamamayan ng Kamchatka

Sa kasalukuyan, karamihan sa mga mamamayan ng Kamchatka ay mga Ruso, pero libu-libo pa ring katutubo ang naninirahan dito, at sa hilaga naninirahan ang pinakamalaking grupo na tinatawag na mga Koryak. Ang iba pang grupo ay ang mga Chukchi at Itelmen, na may kani-kaniyang wika. Karamihan sa mga mamamayan ng Kamchatka ay nakatira sa Petropavlovsk-Kamchatskiy, kung saan matatagpuan ang sentro ng pamahalaan. Walang gaanong nakatira sa iba pang bahagi ng peninsula, at karamihan sa mga nayon sa baybayin at tabing-ilog ay mararating lamang sakay ng bangka o sasakyang panghimpapawid.

Pangingisda at panghuhuli ng alimasag ang pangunahin nilang pinagkakakitaan. Popular na popular ang giant red crab ng Kamchatka. Umaabot ito nang 1.7 metro kapag nakaunat ang mga sipit, kaya napakaganda nitong tingnan sa mga pamilihan.

Mula noong 1989, pumupunta ang mga Saksi ni Jehova sa Kamchatka para sa ibang uri ng pangingisda. Bilang “mga mangingisda ng mga tao,” dinadala nila ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mga mamamayan ng liblib na lugar na ito ng Kamchatka. (Mateo 4:19; 24:14) May ilang tumugon, at sa ngayon ay tinutulungan din nila ang iba pa na makilala at sambahin ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, sa halip na ang kaniyang nilalang. Bilang resulta, maraming mamamayan doon ang hindi na ngayon natatakot sa masasamang espiritu. (Santiago 4:7) Natutuhan din nila na darating ang panahon na aalisin na sa buong lupa ang kasamaan at ang mga gumagawa ng masama, at ang lupa ay “mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

[Kahon/​Mga Larawan sa pahina 18]

ISANG KAHANGA-HANGANG BUNGANGA NG BULKAN

Ang Uzon, na siyang pinakabunganga ng isang matandang bulkan, ay mga 10 kilometro ang diyametro. Ito ay waring napalilibutan ng matarik na pader. Dito masusumpungan ang “lahat ng bagay na nagpabantog sa Kamchatka,” ang sabi ng isang reperensiya. Mayroon itong maiinit at malalamig na bukal, tumpuk-tumpok na kumukulong putik, kumpul-kumpol na mga putik na parang bulkan, malilinis na lawa na punô ng isda at mga swan, at saganang pananim.

Sinasabi ng aklat na Miracles of Kamchatka Land na “halos walang lugar sa Lupa” na may taglagas na kasingganda ng makikita rito, pero napakaikli lamang nito. Kitang-kita sa iskarlatang kapatagan ang matingkad na dilaw at kulay-gintong mga punong birch, at dahil asul na asul ang kalangitan, kitang-kita rin sa iba’t ibang dako ang usok mula sa singaw ng lupa na parang mga puting haligi. At sa madaling araw, maririnig ang “awit” ng kagubatan dahil sa pagkalagas ng napakaraming dahong nababalutan ng nagyelong hamog, na nagbabadya na malapit na ang taglamig.

[Kahon sa pahina 19]

ISANG NAKAMAMATAY NA LAWA!

Noong 1996, sumabog ang isang inaakalang patay na bulkan sa pinakasahig ng Lawa ng Karymsky, anupat lumikha ito ng napakalaking alon na umabot nang sampung metro ang taas, at winalis nito ang mga kagubatang nasa palibot. Sa loob lamang ng ilang minuto, tumindi nang husto ang asido sa lawa anupat walang puwedeng mabuhay roon. Gayunpaman, walang nakitang anumang patay na hayop doon sa kabila ng pagsabog ng bulkan at ng paghampas ng alon sa baybayin, ang paliwanag ng mananaliksik na si Andrew Logan. “Bago sumabog ang bulkan,” ang sabi niya, “milyun-milyong isda (karamihan ay salmon at trout) ang nabubuhay sa Lawa ng Karymsky. Matapos ang pagsabog, walang anumang nabubuhay na bagay sa lawa.” Gayunman, malamang na may mga isdang nakaligtas. Ipinapalagay ng mga siyentipiko na waring may nagbabala sa mga isda​—marahil ay pagbabago sa tubig​—para lumipat sila sa kalapit na Ilog Karymsky.

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

RUSSIA

KAMCHATKA