Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TV—Magnanakaw ba ng Panahon?

TV—Magnanakaw ba ng Panahon?

TV​—Magnanakaw ba ng Panahon?

KUNG bibigyan ka ng isang milyong piso para hindi na manood ng telebisyon habang-buhay, tatanggapin mo ba? Ilang taon na ang nakalilipas, 1 sa 4 na Amerikanong sinurbey ang nagsabing hindi nila ito tatanggapin. Isa pang surbey ang nagtanong sa mga lalaki kung ano ang pinakagusto nilang makamit. Ang sagot ng karamihan ay kapayapaan at kaligayahan. Pero pangalawa lamang ito sa kanilang listahan. Ang una sa pinakagusto nila sa kanilang buhay ay magkaroon ng malaking telebisyon!

Popular na popular ang telebisyon sa buong mundo. Noong 1931, nang bago pa lamang ang telebisyon, ganito ang sinabi ng tsirman ng Radio Corporation of America: “Kapag napasulong na nang husto ang telebisyon, makatuwirang asahan na ang potensiyal na mánonoód nito ay aabot hanggang sa buong populasyon ng lupa.” Parang malayong mangyari nang panahong iyon ang mga salitang ito, pero hindi na ngayon. Tinatayang mayroon nang 1.5 bilyong telebisyon at mas marami pa sa bilang na ito ang mánonoód. Gustuhin mo man o hindi, ang telebisyon ay may malaking papel sa buhay ng tao.

Nakagugulat ang haba ng panahong ginugugol ng maraming tao sa panonood ng telebisyon. Ipinakikita ng pangglobong pag-aaral kamakailan na, sa katamtaman, nanonood ng TV ang mga tao nang mahigit-higit na tatlong oras sa isang araw. Nanonood ang mga taga-Hilagang Amerika nang apat at kalahating oras araw-araw, samantalang nangunguna naman sa listahan ang mga Hapones na nanonood nang limang oras bawat araw. Marami-rami ring oras ito kapag pinagsama-sama. Kung manonood tayo nang apat na oras araw-araw, sampung taon ang mauubos natin sa harap ng TV pagtuntong natin ng edad 60. Pero walang may gusto sa atin na mabasa ang ganito sa ating puntod: “Dito nakahimlay ang aming minamahal na kaibigan, na gumugol ng ikaanim na bahagi ng kaniyang buhay sa panonood ng TV.”

Nanonood ba ang mga tao ng telebisyon sa loob ng maraming oras dahil gusto nila ito? Hindi laging ganito. Iniisip ng marami na masyadong mahabang oras ang nasasayang nila sa panonood ng TV at nagsisisi sila na hindi nila nagagamit ang kanilang panahon sa mas makabuluhang bagay. Sinasabi ng ilan na sila ay “lulong sa TV.” Siyempre pa, hindi ka naman malululong sa TV gaya ng pagkalulong ng isang tao sa narkotiko, bagaman may pagkakatulad ang dalawang ito. Maraming panahon ang nauubos ng mga sugapa sa drogang ginagamit nila. Kahit gusto nilang bawasan ang oras na ito o alisin ang bisyo, hindi nila ito magawa. Ipinagpapalit nila ang mahahalagang gawain kasama ng kanilang pamilya o ng iba pa para lamang sa droga, at nagkakaroon sila ng mga sintomas ng withdrawal kapag humihinto sila. Maaari ding mangyari ang lahat ng sintomas na ito sa isang taong nagbababad sa telebisyon.

“Ang pagkain ng labis na pulot-pukyutan ay hindi mabuti,” ang isinulat ng matalinong si Haring Solomon. (Kawikaan 25:27) Kapit din ang simulaing ito sa panonood ng TV. Bagaman maraming pakinabang ang telebisyon, ang labis na panonood ay umaagaw ng panahong dapat sana ay para sa pamilya, nakasasagabal sa pagbabasa at pag-aaral ng mga bata, at nagiging sanhi ng sobrang katabaan. Kung umuubos ka ng maraming panahon sa panonood ng TV, isang katalinuhan na pag-isipan kung ano ang napapala mo rito. Napakahalaga ng ating panahon para lamang sayangin. Isang katalinuhan ding pag-isipan kung ano ang pinanonood natin. Tatalakayin natin ang paksang ito sa susunod na artikulo.