Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Sana Noon Ko Pa Ito Ginawa’

‘Sana Noon Ko Pa Ito Ginawa’

‘Sana Noon Ko Pa Ito Ginawa’

Tinatawag itong pagkagumon at may dahilan naman. Natuklasan sa isang surbey sa Estados Unidos na ang mga batang lalaki na nasa ikawalong grado (mga 13 taóng gulang) ay gumugugol ng katamtamang 23 oras sa isang linggo sa mga video game. Maraming adulto ang nalululong din. Isaalang-alang ang isang Kristiyanong nagngangalang Charles. * “Para sa akin, ang mga video game ay isang paraan upang makatakas sa mga problema, makapagrelaks at makaalpas sa lahat ng ito,” ang sabi niya. “Subalit nagumon ako. Naging sugapa ako sa mga video game gaya ng pagkasugapa ng mga tao sa droga o inuming de-alkohol.”

Sinabi ni Charles na naglalaro siya “maya’t maya” mula pa noong mga 11 taóng gulang siya. “Hindi naman ako naglalaro ng makademonyo o marahas na mga laro,” ang sabi niya, “pero nagbabad talaga ako sa paglalaro. Linggu-linggo noon ang lumilipas na ang iniisip ko lamang, sa paaralan o maging sa gawaing Kristiyano, ay kung paano ko lulutasin ang isang suliranin sa laro.”

Malaki ang naging epekto kay Charles ng serye sa pabalat ng Disyembre 22, 2002, Gumising! na “Mga Elektronikong Laro​—May Masamang Epekto ba Ito?” “Nang mabasa ko ito, sinikap kong limitahan ang aking paglalaro,” ang sabi niya. “Gayunman, pagkalipas ng ilang panahon, naglalaro na naman ako na gaya ng dati.”

Nabawasan ni Charles ang kaniyang paglalaro noong makipagligawan siya at sandali noong makapag-asawa siya. “Pero,” ang sabi niya, “may lumabas na bagong laro na matagal ko nang hinihintay. Umutang ako para makabili ng computer na kayang patakbuhin ang programa ng laro. Ito ang video game na nilaro ko na pinakamalakas umubos ng panahon. Inagaw nito ang aking panahon para kay Jehova. Napabayaan ko na rin ang aking asawa.” Di-nagtagal, natanto ni Charles na kailangan nang gumawa ng malaking hakbang. “Naipasiya kong sirain ang lahat ng aking mga video game,” ang sabi niya. “Binura ko ang mga ito sa aking computer at itinapon ang bawat isa nito sa tambakan ng basura ng lunsod.”

Pinagsisisihan ba ni Charles ang kaniyang pasiya? Hinding-hindi! “Hindi mailalarawan ng mga salita ang ginhawang nadama ko matapos kong gawin ito sa wakas,” ang sabi niya. “Pakiramdam ko’y naalis ang napakabigat na pasan na nakaatang sa akin. Nadarama kong mas malapít na ako kay Jehova higit kailanman, at regular na akong nakikipag-usap sa kaniya sa panalangin. Nabibigyan ko na rin ng higit na atensiyon ang aking asawa. Malaki ang pasasalamat ko na napagtagumpayan ko ang aking pagkagumon. Sayang nga lamang at hindi ko ito ginawa noon pa.”

[Talababa]

^ Binago ang pangalan.