Nang Dumanak ang Dugo sa Ngalan ni Kristo

Nang Dumanak ang Dugo sa Ngalan ni Kristo

Nang Dumanak ang Dugo sa Ngalan ni Kristo

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Mexico

“Sa Misa ay sumisigaw ang mga pari sa pulpito: ‘Mga anak ng banal na Inang Simbahan, makibaka! Gustong kontrolin ng pamahalaan ang mga simbahan!’ ”​—Pedro Rosales Vargas, isang nakasaksi.

BAKIT hahawak ng sandata ang relihiyosong mga tao upang ipagtanggol ang kanilang pananampalataya? Ano ang maaaring mangyari kapag bumaling sa karahasan ang mga tao upang ipaglaban ang kanilang relihiyon? Ang Himagsikang Cristero sa Mexico, na tinatawag ding Cristeros​—na isinunod sa pangalan ng mga nakibahagi rito​—ay tumutulong sa atin na maunawaan ang sagot sa mga tanong na ito.

Ganito ang paliwanag ng Enciclopedia Hispánica: “Cristeros ang itinawag sa mga Katolikong Mexicano na naghimagsik laban kay Pangulong Plutarco Elías Calles noong 1926 dahil sa mga ginawa niya laban sa simbahan, gaya ng pagpapasara sa mga sentro at gusaling panrelihiyon.” Ang pamahalaan ang unang nagbansag sa kanila na mga Cristeros dahil sa kanilang islogan na, “Mabuhay si Kristong Hari!” Gayunman, matagal nang nagsimula ang alitang ito.

Mga Ugat ng Alitan

Ang mga batas sa Reporma, na unang ipinasa noong dekada ng 1850, ay pinagtibay sa wakas noong 1917. Kasama sa mga layunin ng batas ang “paglilipat sa pamahalaan ng mga lupa at gusaling pag-aari ng simbahan.” (Historia de México) Binuo ng pamahalaan ang mga batas na ito upang limitahan ang Simbahang Katoliko sa pagkakamal ng kayamanan at lupain. Ang pagpapatibay sa mga ito ay kaagad sinundan ng matitinding protesta mula sa klero. Tumugon ang pamahalaan sa pamamagitan ng pag-aresto sa maraming pari.

Ang isa sa mga tunguhin ng Mexican Revolution (1910-20) ay bigyan ng lupain ang mahihirap. Kaya, ang bagong mga batas sa ilalim ng tinatawag na repormang agraryo ay nagpanukala na kumpiskahin ang lupain mula sa mga may-ari ng malalawak na lupain at ipamahagi ito sa mahihirap. Nais ng klero sa pangkalahatan na makialam sa usaping ito. Tutal, apektado ng bagong mga batas ang maimpluwensiyang mga klerigo na nagmamay-ari ng malalaking lupain. Inangkin ng simbahan na hindi nito tinututulan ang pamamahagi ng lupain, subalit may itinataguyod itong plano na naiiba sa panukala ng pamahalaan.

Gayunman, iniisip ng ilang tao na gusto lamang ng simbahan na protektahan ang kapakanan ng mga may-ari ng malalawak na lupain, kasali na ang mayayamang miyembro ng klero. Sa kabilang panig naman, may ilang pari, na kilala bilang mga agraryo, na pabor sa pamamahagi ng lupain sa mahihirap. Ang alitan sa loob ng simbahan ay nagpalaki lamang sa hidwaan ng simbahan at ng pamahalaan.

Noong unang mga buwan ng 1925, mahigpit na ipinatupad ni Plutarco Elías Calles, na kaluluklok lamang noon bilang pangulo ng Mexican Republic, ang mga artikulo ng bagong konstitusyon may kinalaman sa simbahan. Halimbawa, pinaalis niya sa Mexico ang maraming banyagang paring Katoliko. Bukod diyan, inaresto ang arsobispo ng Mexico matapos nitong ideklara na sasalansangin ng klero ang mga artikulo ng konstitusyon na laban sa klero. Kinumpiska rin ang ilang gusali na pag-aari ng simbahan. Maraming tao ang naniniwala na ang layunin ng mga aksiyong ito ay hadlangan ang pagpasok ng malaking halaga ng salapi ng Mexico sa Roma.

Noong Hulyo 1926 ipinag-utos mismo ng mga obispo sa Mexico na itigil ang relihiyosong mga serbisyo sa simbahan. Itinuring ng pamahalaan na isang pulitikal na pakana ang hakbang na ito na ang layunin ay pag-aklasin ang masa laban sa pamahalaan. Sa paanuman, ang pagsuspinde sa relihiyosong mga serbisyo ang naging mitsa ng kalunus-lunos na Himagsikang Cristero.

Sumiklab ang Digmaan

Libu-libong Katoliko, na sinulsulan ng kanilang mga pari, ang nakipaglaban upang ipagtanggol ang kanilang relihiyon. Bilang kanilang estandarte, dinala nila ang imahen ng Birhen ng Guadalupe. Bagaman umasa ang ilang Cristeros na makikisama ang herarkiya sa pagtatanggol sa simbahan, ang karamihan sa mga obispo at pari ay hindi nakisangkot sa labanan dahil sa takot na maparusahan ng pamahalaan. Sa halip, ang karamihan ay nanganlong sa tahanan ng mayayamang pamilya, anupat umiiwas sa gulo samantalang ang karaniwang mga tao ay nakikibaka sa marahas na relihiyosong pag-aalsa.

Gayunman, ang ilang pari ay aktibong sumuporta sa alinman sa magkabilang panig. Ayon sa aklat na The Cristiada (Tomo 1, The War of the Cristeros), mga 100 paring Katoliko ang kumontra sa mga Cristeros, samantalang 40 ang aktibong sumuporta sa armadong labanan. Lima pang pari ang aktuwal na nakipaglaban.

Kapaha-pahamak ang naging mga resulta ng himagsikan. Maraming lugar ang dumanas ng matinding karalitaan. Karagdagan pa, maraming napaulat na mga kabataang lalaki na puwersahang dinukot ng mga Cristeros upang makipaglaban. May napaulat ding mga pamilya na palaging pinupuntahan ng mga Cristeros at ng mga tropa ng pamahalaan at pinupuwersang magbigay ng pagkain. At may mga report ng panghahalay sa magkabilang panig at ulat hinggil sa nasawing mga mahal sa buhay.

Ang mga Cristeros at ang hukbo ng pamahalaan ay gumawa ng karahasan, kasali na ang pagpatay sa napakaraming tao na hindi naman sangkot sa labanan. Sa katapus-tapusan, ang simpleng estadistika ang nagsasalaysay sa tunay na nangyari​​—di-kukulangin sa 70,000 ang namatay sa loob ng tatlong taon ng armadong labanan.

Pansamantalang Inihinto ang Digmaan

Matapos mabuo ang isang pormal na kasunduan sa pagitan ng Simbahang Katoliko at ng pamahalaan noong Hunyo 1929, pansamantalang nahinto ang digmaan, at pagsapit ng Agosto, natigil na ang labanan. Subalit hindi isinali sa negosasyon ang mga mandirigmang Cristeros, at hindi nila naunawaan kung bakit nagpasakop ang simbahan sa itinuturing ng marami na kaaway ng makalangit na awtoridad. Palibhasa’y bigo subalit mapagpasakop sa mga utos ng klero, sa wakas ay sumuko ang mga Cristeros at umuwi sa kanilang mga tahanan. Nangako ang pamahalaan na magiging higit itong mapagparaya at hahayaan nitong idaos muli ang Misa. Gayunman, hindi napalitan ang mga batas na naghihigpit sa relihiyon.

Kung minsan, inilalarawan ang Himagsikang Cristero bilang pagtatangka ng ilang kabilang sa Simbahang Katoliko na matamong muli ang kapangyarihang taglay nito bago ipatupad ang mga batas sa Reporma. Sa kabila ng digmaan, ipinatupad pa rin ang mga batas na ito sa Mexico hanggang noong 1992, nang ipasa ang batas na nakaaapekto sa relihiyosong mga organisasyon. Malaki pa rin ang hinala sa relihiyosong mga organisasyon. Pinagbabawalan pa rin ang mga pari at ministro ng relihiyon sa pakikisangkot sa pulitika, at bagaman maaari nang magkaroon ng sariling pag-aari ang relihiyosong mga organisasyon, hawak pa rin ng pamahalaan ang mga pag-aari ng simbahan na nakuha mula rito bago ang 1992. Sa kabila nito, hindi nahadlangan ng batas ang maraming pari sa Mexico sa pakikisangkot sa mga isyung pampulitika.

Ano ang Natamo?

Ang paggamit ba ng sandata upang ipagtanggol ang kanilang pananampalataya ay nagbunga ng pangmatagalang pakinabang sa mga Cristeros? Ganito ang sinasabi ngayon ni María Valadez, na nakaligtas sa kaguluhang iyon: “Sa palagay ko’y walang kabuluhan ang lahat ng nangyaring patayan. Kahangalan iyon.” Ganito naman ang sinabi ni Pedro Rosales Vargas, na sinipi sa introduksiyon, hinggil sa malulungkot na resulta ng digmaan: “Pinatay ng mga tao ang kanilang kapuwa, maging yaong karelihiyon nila. Sa ganitong paraan ako naulila​—pinatay nila ang aking ama.”

Hindi nahadlangan ng masasaklap na aral ng Himagsikang Cristero ang relihiyosong damdamin sa pagpapasiklab ng higit pang mga alitan, gaya sa Hilagang Ireland at sa dating Yugoslavia. Ang pagtataguyod sa dalisay na relihiyon ng Kristo ang tanging makahahadlang sa gayong trahedya. Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manatiling hiwalay sa pulitika, anupat “hindi . . . bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16; 18:36) Sinabi niya kay apostol Pedro, na nagtangkang hadlangan ang pag-aresto kay Jesus sa pamamagitan ng dahas: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”​—Mateo 26:52.

Paano Tumutugon ang mga Kristiyano sa Paniniil?

Nangangahulugan ba ito na magkikibit-balikat na lamang ang tunay na mga Kristiyano kapag nanganganib ang kanilang kalayaan sa pagsamba? Hindi. Nang pag-usigin ang unang-siglong mga Kristiyano, sa maraming pagkakataon ay ipinagtanggol nila ang kanilang sarili sa legal na mga pamamaraan. Umapela sila sa mga hukuman. Bagaman nabilanggo sila paminsan-minsan, hindi nila tinalikuran ang kanilang pananampalataya ni ikinompromiso man ang kanilang pagiging neutral sa pulitika.​—Gawa 5:27-42.

Hindi kailanman humawak ng sandata ang sinaunang mga Kristiyano upang itatag ang kanilang mga karapatan sa relihiyon sa pamamagitan ng karahasan. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi pumapatay ng mga taong hindi nila karelihiyon, at lalo nang hindi sila pumapatay ng kanilang mga kapananampalataya. Sa halip, nanghahawakan sila sa turo ng kanilang Panginoon: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—Juan 13:35.

[Larawan sa pahina 12]

Isang paring nasa gitna ng dalawang mandirigmang Cristero

[Credit Line]

© (Inventory image number: 422036) SINAFO-Fototeca Nacional

[Larawan sa pahina 13]

Pangulong Plutarco E. Calles

[Credit Line]

© (Inventory image number: 66027) SINAFO-Fototeca Nacional

[Larawan sa pahina 13]

Ilan sa mga lider na Cristero

[Credit Line]

© (Inventory image number: 451110) SINAFO-Fototeca Nacional