“Ang Numero Unong Pinagmumulan ng Trabaho sa Daigdig”

“Ang Numero Unong Pinagmumulan ng Trabaho sa Daigdig”

“Ang Numero Unong Pinagmumulan ng Trabaho sa Daigdig”

Taun-taon, mahigit 600 milyon katao ang naglalakbay sa ibang bansa. Daan-daang milyon pa ang naglalakbay sa kanilang sariling bansa upang magtrabaho at maglibang. Dahil dito, ang industriya ng turismo​—pati na ang mga otel, resort, transportasyong panghimpapawid, ahensiya sa paglalakbay, at iba pang negosyo na naglalaan ng pangangailangan ng mga manlalakbay​—​ay inilarawan bilang “ang numero unong pinagmumulan ng trabaho sa daigdig.”

SA BUONG daigdig, tinatayang apat na trilyong dolyar taun-taon ang kinikita sa turismo. Maaaring hindi ituring ng indibiduwal na mga turista na bahagi sila ng pandaigdig na kilusang pangkapayapaan, subalit sa ganitong paraan inilarawan ng UN World Tourism Organization ang industriyang ito. Noong 2004, sinabi ni Francesco Frangialli, kalihim-panlahat ng organisasyon, sa komperensiya ng presidente sa Gitnang Silangan: “Hindi mapaghihiwalay ang turismo at kapayapaan. Napakalakas ng mga puwersang nililikha ng turismo anupat kaya nitong baguhin ang tila di-mababagong mga situwasyon at magdulot ng pagkakasundo kung saan itinuturing na imposible itong mangyari.”

Ano ang pinagmulan ng maimpluwensiyang industriyang ito? Talaga nga bang nakabubuti ang turismo? At talaga nga kayang nagbubunga ng kapayapaan “ang mga puwersang nililikha ng turismo”?

Ang Tugatog ng Turismo

Nagsimula ang pagsulong ng makabagong industriya ng turismo sa Kanluran noon pang ika-19 na siglo. Palibhasa’y dumami ang mga mariwasa sa Europa at Estados Unidos dahil sa pag-unlad ng industriya, parami nang paraming tao ang nagkaroon ng salapi at panahon upang maglakbay.

Bukod diyan, malaki ang isinulong ng mga sistema ng pampublikong transportasyon. Inihatid ng malalakas na lokomotora ang mga pasahero sa pangunahing mga lunsod, at mabilis silang nakapaglakbay sa iba’t ibang kontinente dahil sa malalaking bapor. Upang paglaanan ng pagkain at matutuluyan ang dumaraming bilang ng mga manlalakbay, nagsulputan ang malalaking otel malapit sa mga terminal ng tren at daungan ng barko.

Noong 1841, nakita ng mamumuhunang taga-Inglatera na si Thomas Cook ang posibilidad na pagsama-samahin ang mga elementong ito. Siya ang kauna-unahang nag-organisa ng package tour na pinagsama-samang transportasyon, tuluyan, at mga aktibidad sa piniling mga lokasyon. “Dahil sa sistemang pinasimulan ni Mr Cook,” ang sabi ng Britanong estadista na si William Gladstone noong dekada ng 1860, “grupu-grupo ng mga tao sa lipunan ang madali nang nakapaglalakbay sa ibang mga bansa sa kauna-unahang pagkakataon at medyo nagiging pamilyar sa mga ito anupat hindi nagbubunga ng paghamak kundi ng kabaitan.”

Biglang Pag-unlad Noong Ika-20 Siglo

Nakalulungkot, sa kabila ng pagiging higit na pamilyar sa mga banyaga dahil sa turismo, sumiklab pa rin ang dalawang digmaang pandaigdig sa unang kalahatian ng ika-20 siglo. Gayunman, sa halip na makasira sa turismo, ang mga pagbabago sa lipunan at pagsulong sa teknolohiya na bunsod ng mga digmaang iyon ay nagpabilis pa nga sa pag-unlad ng industriya.

Naging mas mabilis at mas mura ang transportasyong panghimpapawid, dumami ang mga lansangang-bayan sa buong kontinente, at dumami ang mga sasakyang de-motor. Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-20 siglo, tanggap na bilang bahagi ng kulturang Kanluran ang pagbabakasyon at paglalakbay ng mga turista at nagagawa na ito ng karamihan ng mga grupo ng tao sa lipunan. Bukod diyan, milyun-milyong sambahayan ang nagkaroon ng telebisyon at namangha sa mga larawan ng pambihira at kapana-panabik na mga lugar, anupat napasigla ang mga tao na maglakbay.

Noong unang mga taon ng dekada ng 1960, ang bilang ng internasyonal na mga turista ay umabot ng 70 milyon bawat taon. Pagsapit ng kalagitnaan ng dekada ng 1990, bigla itong dumami tungo sa mahigit na 500 milyon! Sa palibot ng daigdig, nagsulputan ang mga resort na panturista upang tumugon sa pangangailangan ng internasyonal at lokal na mga manlalakbay. Nakinabang maging ang mga industriya na walang tuwirang kaugnayan sa turismo, yamang bultu-bultong pagkain at inumin ang kinokonsumo ng mga turista at gumagastos sila para sa iba pang mga paninda at serbisyo.

Sa ngayon, mahalaga ang turismo sa ekonomiya ng mahigit sa 125 bansa. Sa pagtatampok ng mga kapakinabangang maidudulot ng turismo, ipinaliwanag ng isang news release ng UN World Tourism Organization noong 2004 na maaaring ibsan ng turismo ang kahirapan sa pamamagitan ng pagtatayo ng maliliit at katamtaman ang laki na mga negosyong panturismo. Habang lumilikha ito ng bagong mga trabaho, maaari nitong pasulungin ang “kabatiran sa kapaligiran, kultura at lipunan.”

Subalit maitatanong mo: ‘Paano nagagawa ng turismo ang gayong mga bagay? At paano ito makatutulong sa kapaligiran?’

Ikinakalakal ang Kalikasan Upang Iligtas Ito

Noong unang mga taon ng dekada ng 1980, lalong lumaki ang interes ng ilang siyentipiko at tagagawa ng pelikula sa pagliligtas sa maulang kagubatan at mga bahura ng korales pati na sa mga nilalang na nakadepende rito. Dahil sa mga ulat at dokumentaryo hinggil sa kalikasan, nagkainteres ang publiko na pasyalan ang kamangha-manghang mga gawang ito sa kalikasan. Ang maliliit na negosyong nagsulputan upang tumugon sa pangangailangan ng mga siyentipiko at tagagawa ng pelikula ay pinalawak upang asikasuhin ang pagdagsa ng mga turistang interesado sa kalikasan.

Mabilis na naging popular ang mga ecotour, anupat ang ekoturismo ay naging pinakamabilis-lumagong bahagi ng industriya ng turismo. Sa katunayan, napakalaki ng kinikita sa pagtataguyod sa kamangha-manghang mga gawa sa kalikasan. Nagpaliwanag ang peryodistang si Martha S. Honey: “Sa maraming bansa, mabilis na umunlad ang ekoturismo bilang industriyang pinakamalakas kumita ng salaping banyaga, mas malakas pa kaysa sa pagluluwas ng saging sa Costa Rica, ng kape sa Tanzania at Kenya, at ng tela at alahas sa India.”

Kaya naging mahalagang pinansiyal na insentibo ang turismo upang iligtas ang mga halaman at hayop. “Sa Kenya,” sabi ni Honey, “tinataya na $7,000 ang kinikita sa isang leon bawat taon mula sa turismo, at $610,000 naman ang kinikita sa isang kawan ng elepante taun-taon.” Ang kinikita ng ekoturismo sa mga bahura ng korales sa Hawaii ay tinatayang $360 milyon bawat taon!

Pag-alam Kung Ano Talaga ang Ecotour

Ang ulat ng United Nations Environment Programme na Ecotourism: Principles, Practices and Policies for Sustainability ay nagsasabi ng ganito: “Nasumpungan ng maraming negosyong may kinalaman sa paglalakbay at turismo na kapaki-pakinabang gamitin ang terminong ‘ekoturismo’ sa kanilang literatura, at malawakang ginagamit ng mga pamahalaan ang termino upang ianunsiyo ang kanilang bansa, nang hindi man lamang sinisikap na ipatupad ang alinman sa pinakasaligang mga simulain [ng ekoturismo].” Paano mo malalaman kung talaga ngang ecotour ang pamamasyal na pinag-iisipan mo?

Sinabi ni Megan Epler Wood, ang sumulat ng report na binanggit sa itaas, na kasama sa tunay na ecotour ang sumusunod na mga gawain: Bago maglakbay, naglalaan ito ng impormasyon hinggil sa kultura at kapaligiran na papasyalan pati na ng mga tagubilin hinggil sa wastong pananamit at paggawi; nagsasaayos ito ng mga pulong para sa mga turista upang bigyan sila ng impormasyon hinggil sa heograpiya, lipunan, at pulitikal na kalagayan ng lugar na kanilang papasyalan at hinggil sa mga pagkakataong makihalubilo sa mga tagaroon hindi lamang sa mga pamilihan; tinitiyak nito na lahat ng mga singil sa pagpasok sa parke ay nabayaran nang buo; at naglalaan ito ng angkop na mga tuluyan na nababagay sa kapaligiran at hindi nakapipinsala sa ekolohiya.

Kung Ano ang Naisakatuparan ng Ekoturismo

Ang ekoturismo ay kadalasan nang hindi lamang basta organisadong pamamasyal sa likas na mga tanawin. Binibigyang-katuturan ito bilang “makabuluhang paglalakbay sa likas na mga lugar upang maunawaan ang kultura at ang likas na kasaysayan ng kapaligiran, na iniingatang hindi masira ang ekosistema, samantalang lumilikha ng mga oportunidad sa kabuhayan anupat nakikinabang ang lokal na mamamayan sa konserbasyon ng likas na mga yaman.”

Nakaaabot ba sa gayong matataas na pamantayan ang ekoturismo? Sinabi ni Martin Wikelski, ng Princeton University: “Ang ekoturismo ay isa sa pangunahing mga salik kung kaya napananatiling ligtas ang [mga Isla ng] Galapagos.” Sa bansang Rwanda sa Aprika, ang matagumpay na pag-aanunsiyo ng ekoturismo ang sinasabing nakapagliligtas sa populasyon ng mountain gorilla, yamang nakapaglalaan ito sa mga naninirahan doon ng mapagkakakitaan kapalit ng ilegal na pangangaso. Sa iba pang mga bansa sa Aprika, napangangalagaan ang reserbadong mga lugar para sa mga hayop sa ilang dahil sa salaping ginagastos ng mga turista.

Sa buong daigdig, nakatulong ang ekoturismo sa pagbuti ng kapaligiran at lipunan, at hindi matututulan na maraming pinansiyal na pakinabang ang naidulot ng industriya ng turismo. Subalit lagi bang nakabubuti ang industriyang ito? Ano ang maaasahan natin sa hinaharap hinggil sa paglalakbay sa daigdig?

[Kahon/Larawan sa pahina 6]

Mga Tip Para sa mga Naglalakbay Patungo sa Ibang Bansa a

Bago ka umalis

1. Ilista ang mahahalagang detalye​—impormasyon hinggil sa pasaporte, numero ng credit card, numero ng tiket sa eroplano, at ang mga detalye hinggil sa traveler’s check. Mag-iwan ng kopya sa bahay, at magdala ng isa pang kopya.

2. Tiyakin na hindi pasó ang iyong pasaporte at visa; magpabakuna kung kinakailangan.

3. Tiyakin na may sapat kang medikal na seguro, yamang napakagastos ng biglaang pagpapagamot o transportasyon sa ibang bansa. Kung may karamdaman ka, magdala ng liham mula sa iyong doktor na nagpapaliwanag tungkol sa iyong sakit at sa anumang gamot na iniinom mo. (Pansinin: May mga bansa kung saan maaaring ilegal ang pagdadala ng ilang gamot. Para sa mga detalye, magtanong sa pinakamalapit na embahada o konsulado ng bansang pinaplano mong pasyalan.)

Samantalang naglalakbay

1. Huwag magdala ng napakahalagang bagay na ayaw mo talagang mawala.

2. Tiyaking hindi mawalay sa iyo ang pasaporte at iba pang mahahalagang bagay, at huwag ilagay ang mga ito sa bitbit mong bag o sa nakalantad na mga bulsa. Huwag hayaang isang miyembro lamang ng pamilya ang magdadala ng lahat ng dokumento.

3. Kung may pitaka ka sa bulsa, balutin ito ng goma upang hindi madaling makuha ng mga mandurukot.

4. Bantayan ang halaga ng binibili mo gamit ang credit card, at huwag lumampas sa iyong badyet. Kapag lumampas ka sa halagang itinakda ng kompanya ng credit card, maaari kang arestuhin sa ilang bansa.

5. Mag-ingat sa pagkuha ng mga litrato ng mga tauhan o gusali ng militar o ng mga istrakturang pang-industriya, gaya ng daungan, riles, o mga pasilidad ng paliparan. Baka itinuturing ng ilang bansa na banta ito sa seguridad.

6. Huwag maghatid ng mga pakete para sa sinuman na hindi mo naman masyadong kakilala.

Kapag bumibili ng mga subenir

1. Tandaan na ipinagbabawal sa maraming bansa ang importasyon ng garing, mga bahay ng pagong, halaman, balahibo ng hayop, at iba pang bagay, kahit maliliit na subenir lamang ito.

2. Mag-ingat sa pagbili ng pinakintab na mga seramik, yamang ang ilan sa mga kagamitang ito ay maaaring maging sanhi ng pagkalason sa tingga kung hindi tama ang pagkakayari.

[Talababa]

a Hinalaw ang impormasyon sa Department of State Publication 10542.

[Larawan sa pahina 5]

Mabilis na naging popular ang mga “ecotour”