Ano ang Bagong mga Pagsulong sa Pagkuha ng Enerhiya?
Ano ang Bagong mga Pagsulong sa Pagkuha ng Enerhiya?
HANGIN:
◼ Matagal nang ginagamit ng tao ang lakas ng hangin sa paglalayag, pagpapaikot ng mga gilingan, at pagbomba ng tubig. Gayunman, tumindi ang interes ng daigdig sa enerhiyang makukuha sa hangin nitong nakalipas na mga taon. Lumilikha ngayon ang makabagong mga molino (windmill) ng sapat, malinis, at di-nauubos na enerhiya na nagsusuplay ng kuryente para sa 35 milyon katao. Ang 20 porsiyentong suplay ng kuryente ng Denmark ay nakukuha nito sa lakas ng hangin lamang. Mabilis na ring ginagamit ng Alemanya, Espanya, at India ang lakas ng hangin, at inaangkin ng India na sila ang ikalima sa pinakamalakas gumamit ng enerhiya ng hangin sa daigdig. Sa kasalukuyan, ang Estados Unidos ay may 13,000 molino na lumilikha ng kuryente. At ayon sa ilang analista, kung gagamitin sa layuning ito ang lahat ng angkop na lugar sa Estados Unidos, makukuha ng bansang ito ang 20 porsiyento ng kanilang pangangailangan sa kuryente buhat sa lakas ng hangin.
ARAW:
◼ Ang mga photovoltaic cell na ginawa ng tao ay nakalilikha ng kuryente mula sa liwanag ng araw kapag tinamaan ng sinag ng araw ang mga elektron na nasa cell. Sa buong daigdig, halos 500 milyong watt ng kuryente ang nalilikha sa pamamaraang ito, at ang pangangailangan para sa mga solar cell ay tumataas nang 30 porsiyento taun-taon. Gayunman, sa kasalukuyan, hindi gaanong mabisa ang mga photovoltaic cell, at mas mahal ang kuryenteng nililikha ng mga cell kung ihahambing sa nililikha ng mga fossil fuel. Bukod dito, ginagamit sa pagbuo ng mga cell ang nakalalasong mga kemikal na gaya ng cadmium sulfide at gallium arsenide. Palibhasa’y nananatili sa kapaligiran ang gayong mga kemikal sa loob ng maraming siglo, ang sabi ng Bioscience, “maaaring maging malaking problema ang pagtatapon at pagreresiklo ng mga materyales ng sirang mga cell.”
ENERHIYANG GEOTHERMAL:
◼ Kung maghuhukay ang isang tao mula sa pinaka-ibabaw ng lupa hanggang sa mainit na pinakagitna nito, na tinatayang 4,000 digri Celsius, tataas ang temperatura, sa katamtaman, nang mga 30 digri Celsius para sa bawat kilometrong nahuhukay. Gayunman, para sa mga taong nakatira malapit sa maiinit na bukal o mga bitak ng bulkan, mas madaling makakuha ng init mula sa lupa. Ang mainit na tubig o singaw na nililikha ng maiinit na lugar sa pinaka-ibabaw ng lupa ay ginagamit sa 58 bansa upang magpainit ng mga tahanan o lumikha ng kuryente. Nasasapatan ng Iceland ang humigit-kumulang sa kalahati ng enerhiyang kailangan nito sa pamamagitan ng paggamit ng enerhiyang geothermal. Pinag-aaralan naman ng iba pang mga bansa, gaya ng Australia, ang paggamit ng enerhiyang nakakulong sa malalawak na lugar sa ilalim ng lupa na may mainit at tuyong mga bato na ilang kilometro lamang ang lalim mula sa pinaka-ibabaw ng lupa. Iniulat ng Australian Geographic: “Naniniwala ang ilang mananaliksik na kung bobombahan ng tubig ang nakakulong na init na iyon at gagamitin ang mainit na tubig upang paikutin ang mga turbina habang bumabalik ito nang may napakalakas na presyon sa ibabaw ng lupa, makalilikha tayo ng enerhiya sa loob ng maraming dekada—sa loob pa nga ng maraming siglo.”
TUBIG:
◼ Sinasapatan na ng mga plantang hydroelectric ang mahigit sa 6 na porsiyento ng pangangailangan ng daigdig sa enerhiya. Ayon sa ulat ng International Energy Outlook 2003, sa loob ng susunod na dalawang dekada, “ang kalakhang bahagi ng pagsulong sa di-nauubos na pinagmumulan ng enerhiya ay magaganap sa malawakang mga proyekto ng enerhiyang hydroelectric sa papaunlad na mga bansa, lalo na sa mga bansa sa umuunlad na Asia.” Gayunman, nagbabala ang Bioscience: “Ang imbakan ng tubig ay karaniwan nang sumasaklaw sa kapaki-pakinabang, mabunga, at mabanlik na mga lupain sa mabababang lugar. Bukod diyan, nakaaapekto ang mga dam sa nabubuhay na mga halaman, hayop, at mikrobyo sa ekosistema.”
HIDROHENO:
◼ Ang hidroheno ay isang gas na walang kulay, walang amoy, at madaling magliyab at ito ang pinakasaganang elemento sa uniberso. Sa lupa, ang hidroheno ay mahalagang bahagi ng himaymay ng halaman at hayop, isang sangkap ng mga fossil fuel, at isa sa mga elemento na bumubuo sa tubig. Karagdagan pa, kaunting polusyon lamang ang nalilikha ng hidroheno at mas mabisa ito kaysa sa mga fossil fuel.
Sinasabi ng babasahing Science News Online na “mapaghihiwalay ang hidroheno at oksiheno [ng tubig] kung pararaanan ito ng kuryente.” Bagaman napakaraming hidroheno ang makukuha sa pamamaraang ito, sinasabi ng babasahin na “hindi pa abot-kaya ang tila simpleng prosesong ito.” Gumagawa na ang mga pabrika sa buong daigdig ng mga 45 milyong tonelada ng hidroheno, na pangunahin nang ginagamit sa mga pataba at mga produktong panlinis. Subalit nakukuha ang hidrohenong ito sa prosesong ginagamitan ng fossil fuel—isang prosesong naglalabas din ng carbon monoxide, isang nakalalasong gas, at ng carbon dioxide, isang gas na nagpapainit sa atmospera ng lupa.
Sa kabila nito, iniisip ng marami na ang hidroheno ang malamang na magiging pinakakapaki-pakinabang sa lahat ng iba pang alternatibong panggatong at na makasasapat ito sa pangangailangan ng sangkatauhan para sa enerhiya sa hinaharap. Ang ganitong positibong pananaw ay batay sa pambihirang mga pagsulong kamakailan sa isang kagamitan na tinatawag na fuel cell.
ENERHIYA MULA SA FUEL CELL:
◼ Ang fuel cell ay isang kagamitang lumilikha ng kuryente mula sa hidroheno—hindi sa pamamagitan ng pagsunog dito, kundi sa pamamagitan ng paghahalo dito ng oksiheno sa ilalim ng kontroladong kemikal na reaksiyon. Kapag purong hidroheno ang ginamit sa halip na fossil fuel na sagana sa hidroheno, ang kakambal na produkto ng prosesong ito ay init at tubig lamang.
Noong 1839, ginawa ni Sir William Grove, isang Britanong hukom at pisiko, ang kauna-unahang fuel cell. Gayunman, magastos ang paggawa ng mga fuel cell, at mahirap makuha ang panggatong at mga bahagi nito. Kaya sumulong lamang ang teknolohiyang ito nang sumapit ang kalagitnaan ng ika-20 siglo kung kailan nilikha ang mga fuel cell upang magsuplay ng enerhiya sa mga sasakyang pangkalawakan ng Amerika. Mga fuel cell pa rin ang ginagamit upang magsuplay ng enerhiya sa modernong sasakyang pangkalawakan, subalit pinasusulong sa ngayon ang teknolohiya upang higit itong magamit sa lupa.
Sa ngayon, pinasusulong ang mga fuel cell upang halinhan ang mga makina ng sasakyang de-motor na gumagamit ng gasolina o krudo at upang magsuplay ng kuryente sa komersiyal na mga gusali, tahanan, at sa maliliit na kagamitang de-kuryente, gaya ng cellphone at computer. Magkagayunman, sa panahong isinusulat ang artikulong ito, ang enerhiyang nililikha ng nakapirming mga planta ng fuel cell ay apat na beses na mas mahal kaysa sa mga fossil fuel. Gayunman, daan-daang milyong dolyar ang ginugugol upang pasulungin ang teknolohiyang ito na nasa unang mga yugto pa lamang.
Kitang-kita ang mabubuting epekto sa kapaligiran ng paggamit ng mas malinis na pinagmumulan ng enerhiya. Gayunman, malaking halaga pa rin ang kinakailangan upang magawa ito nang malawakan. Ganito ang sabi sa ulat ng IEO2003: ‘Hinggil sa enerhiya sa hinaharap, sinasabing mas lálaki ang pangangailangan para sa mga fossil fuel (langis, likas na gas, at uling), sapagkat inaasahang mananatiling mas mura ang mga presyo ng fossil fuel, at ang halaga ng pagkuha ng enerhiya mula sa iba pang panggatong ay magiging napakamahal.’
[Larawan sa pahina 9]
Sasakyang ginagamitan ng “fuel cell,” 2004
[Credit Line]
Mercedes-Benz USA
[Picture Credit Line sa pahina 8]
DOE Photo