Pambihirang Tambalan
Pambihirang Tambalan
Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga siyentipikong dalubhasa sa karagatan na sumisisid sa malalim na katubigan ng Great Barrier Reef sa Australia tuwing gabi ay nakakita kamakailan ng buháy na male blanket octopus. Ano ang kakaiba hinggil dito?
Hinggil sa blanket octopus, makatuwiran lamang na sabihing “sa buong daigdig, ang malaking hayop na ito ang may pinakamalaking agwat sa sukat sa pagitan ng lalaki at babae.” Ang babae ay humahaba nang hanggang dalawang metro at tumitimbang nang hanggang sampung kilo. Subalit ang lalaki ay may habang tatlong sentimetro lamang at tumitimbang nang 0.3 gramo! Sa katunayan, ang lalaki ay halos kasinlaki lamang ng balintataw ng babae. Nangangahulugan ito na maaaring mas mabigat nang 40,000 beses ang babae kaysa sa lalaki, at lumilitaw na ito ang pinakamalaking agwat sa sukat sa malalaking hayop. Sa laot nabubuhay ang oktopus na ito, at hanggang sa ngayon ay mga babae at patay na mga lalaki lamang na nahuli sa mga pangisdang lambat ang nasusuri.
Paano nagpaparami ang dalawang nilalang na ito na lubhang magkaiba ang laki? Hungkag ang isa sa walong galamay ng lalaki. Kapag ang lalaki ay nakatagpo na ng babae, ang galamay na ito ay mapupuno ng punlay. Pagkatapos, mapuputol ito at papasok sa mantle cavity ng babae, isang malaking espasyo sa loob ng kaniyang katawan. Mananatili roon ang galamay na ito hanggang sa pertilisahin ng babae ang kaniyang mga itlog sa pamamagitan ng pagpiga sa punlay sa ibabaw ng mga ito.
Palibhasa’y maliit, ipinagsasanggalang nito ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng mga galamay na may tibo na maliwanag na inaagaw niya mula sa isang Portuguese man-of-war jellyfish at hinahawakan ito sa pamamagitan ng mga panipsip ng kaniyang pang-ibabaw na mga galamay. Gayunman, hindi rin siya naililigtas ng mga galamay na ito, sapagkat mamamatay rin siya pagkatapos makipagtalik. Hindi nakapagtatakang namangha ang mga siyentipiko sa kanilang natuklasan!
Anuman ang dahilan ng pagkalaki-laking agwat sa sukat ng kakaibang mga oktopus na ito, tiyak na totoo ang sinabi sa Bibliya: “Kung tungkol sa dagat na ito na napakalaki at napakaluwang, doon ay may mga bagay na gumagala na walang bilang, mga nilalang na buháy, maliliit at malalaki.”—Awit 104:25.
[Mga larawan sa pahina 31]
Babae: hanggang dalawang metro ang haba; sampung kilo ang bigat
Lalaki: tatlong sentimetro ang haba; 0.3 gramo ang bigat
Aktuwal na laki kung ihahambing sa babae
[Credit Lines]
Babae: Photo: P. Wirtz; lalaki: Photo: D. Paul