Ang Ating Napinsalang Lupa

Ang Ating Napinsalang Lupa

Ang Ating Napinsalang Lupa

NOONG 1805, narating ng bantog na mga manggagalugad na sina Meriwether Lewis at William Clark ang Ilog Columbia sa kasalukuyang Estado ng Washington, E.U.A. a Maliban sa ilog mismo, ang higit na nakatawag ng kanilang pansin ay ang pagkarami-raming salmon na matatagpuan doon. “Halos di-maubos maisip ang dami ng ganitong isda rito,” ang isinulat nila sa kanilang pang-araw-araw na talaan. “Lumulutang ang gayon karaming isda kasabay ng agos at napapadpad sa pampang, kaya ang gagawin na lamang ng mga Indian ay tipunin, hatiin, at patuyuin ang mga ito sa ibabaw ng mga tabla.” Totoo naman, napakaraming salmon noon anupat pinatutuyo na lamang ng mga Indian ang mga ito upang gamiting panggatong!

Ibang-iba ang situwasyon ngayon. “Alam ng mga siyentipiko sa loob ng mahigit nang isang dekada na ang pagkuha ng mga isda sa dagat ay mas mabilis pa kaysa sa kakayahan ng mga ito na magparami,” ang sabi ng isang ulat sa Newsweek. Halimbawa, tinatayang ubos na ang 90 porsiyento ng mga ligáw na salmon sa Hilagang Atlantiko.

Pero hindi lamang mga isda ang nauubos. Napakabilis ding maubos ang mga likas-yamang tulad ng fossil fuel, mga mineral, at mga produktong galing sa kagubatan. Iniuulat ng World Wildlife Fund na 30 porsiyento ng mga likas-yaman ng lupa ang naubos na mula 1970 hanggang 1995. Ang pagkuha sa yaman ng lupa ay kadalasang may dalawang magkaibang epekto, isang kapaki-pakinabang at isang nakapipinsala, sapagkat ang mga pamamaraang ginagamit ay maaaring sumira sa likas na mga kapaligiran.

Ikinakatuwiran ng ilan na yamang ang tao ang lumikha ng mga problemang ito, siya rin ang makalulutas sa mga ito. Bilang isang halimbawa, nabawasan nitong nakaraang mga taon ang polusyon sa hangin sa maraming industriyalisadong mga lunsod. Ang gayon bang maliliit na pagsulong ay nangangahulugang kontrolado na ng tao ang situwasyon?

[Talababa]

a Sina Lewis at Clark ay inatasang galugarin at iguhit ang mapa ng kabibili pa lamang noon na teritoryo sa kanlurang panig ng Ilog Mississippi.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

© Kevin Schafer/CORBIS