Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Paliit Nang Paliit na mga Produkto

“Sa panahon ng mga Super Laki at mga SUV, talaga namang paliit nang paliit ang ilang produkto,” ang ulat ng magasing Time. “Unti-unting binabawasan ng mga pabrikante ang laman ng kanilang nakapaketeng mga produkto​—mula sa yogurt at sorbetes hanggang sa mga sabong panlaba at diaper​—at kadalasang hindi naman bumababa ang presyo ng mga ito.” Hindi na bago ang taktikang ito, subalit dahil sa bumabagsak na ekonomiya at mas maingat at matitipid na mamimili, lalo pang pinaliliit ng maraming pabrikante sa ngayon ang kanilang produkto para mapanatili ang laki ng kanilang kita. Hindi napapansin ng karamihan sa mga mamimili na ang timbang o sukat ay nabawasan nang ilang gramo o metro, subalit ang resulta ay mas malaki ang binabayaran ng mamimili sa mas kakaunting produkto. “Hindi talaga naiisip ng mga mamimili na kailangan nilang suriin ang aktuwal na timbang o dami ng laman ng isang produkto sa tuwing bibili sila,” ang sabi ni Edgar Dworsky, ang tagapagtatag ng Web site na sumusuporta sa mamimili. “Ito ang ganap na panloloko sa mamimili​—kapag hindi namamalayan ng mga mamimili na sila pala’y dinadaya na.”

Nakapagliligtas ng Buhay ang Sabon

Ang basta paghuhugas ng kamay gamit ang sabon ay maaaring magligtas ng milyun-milyong buhay sa isang taon sapagkat matutulungan nitong makaiwas ang mga tao sa mga sakit na sanhi ng pagtatae, ayon kay Val Curtis, isang lektyurer sa London School of Hygiene and Tropical Medicine. Sa Third World Water Forum, na ginanap sa Kyoto, Hapon, inilarawan ni Curtis ang mga baktirya o virus sa dumi ng tao bilang ang “numero unong kaaway ng tao,” ang ulat ng The Daily Yomiuri. “Sa ilang komunidad,” ang sabi ng pahayagan, “pangkaraniwan na sa mga babae na hugasan ang kanilang mga sanggol pagkatapos nitong dumumi at saka sila maghahanda ng pagkain nang hindi naghuhugas ng kanila mismong mga kamay.” Ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig ay makahahadlang sa pagkalat ng nakamamatay na mga virus at baktirya. At sa papaunlad na mga bansa, ayon kay Curtis, ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon ay mas matipid nang tatlong ulit para bawasan ang panganib sa mga sakit na sanhi ng pagtatae kaysa sa pagpapabuti ng kalidad ng tubig.

Ang Landas ng Alpino

Ang Via Alpina, ang magkakasunod na landas na maaaring daanan ng tao, ay binuksan kamakailan sa Europa noong 2002. “Makapaglalakad ang mga tao sa Landas ng Alpino na ang haba ay 5,000 kilometro (3,100 milya) at bumabagtas sa pinakamagandang lalawigan sa Europa sa kahabaan ng tradisyonal na daan,” ang sabi ng The Independent ng London. Palibhasa’y pinagdurugtong ang walong bansang Alpino, nagsisimula ang daan sa kapantayan ng dagat sa Trieste, sa bandang hilagang-silangang baybayin ng Italya, at nagtatapos ito, sa kapantayan ng dagat uli, sa Monte Carlo, Monaco. Paahon ito nang bahagya sa kabundukan hanggang sa pinakamataas na altitud na 3,000 metro, na nakapaikot sa pinakamatataas na taluktok. Ang maingat na piniling mga landas ay “malapit sa pinakatanyag na mga lugar na may likas na tanawin at kawili-wiling mga kultura,” ang sabi ng panturistang organisasyon sa Pransiya na La Grande Traversée des Alpes. Iilang naglalakad ang inaasahang makalalakad sa buong kahabaan ng landas. Sa halip, ang sabi ng pahayagan, “maaari mong isama ang iyong pamilya; puwede kang maglakad nang ilang kilometro saka ka umuwi. Subalit may iba’t ibang kawili-wiling karanasan sa Via Alpina para sa mga naghahanap ng nakapagpapalusog, mapayapa, matatakbuhang lugar [mapagbabakasyunan] na hindi kalayuan sa tahanan.” Maaaring magpalipas ng gabi ang mga naglalakad saanman sa 300 otel, bahay-tuluyan, o mapagpapahingahang mga lugar na madaraanan sa kabundukan.

Naglalahong mga Uri ng Hayop sa Karagatan

Ang karagatan sa buong mundo ay hindi na isang lugar para sa pagtuklas at panggagalugad na may pagkarami-raming di-pa-nahuhuling mga isda, ayon sa mga biyologo sa karagatan na sina Dr. Ransom Myers ng Dalhousie University sa Halifax at Dr. Boris Worm ng Institute for Marine Science sa Kiel, Alemanya. Sinabi nila na ang mga uri ng hayop sa karagatan ay unti-unting nalilipol, isang penomeno na dulot ng pagsulong ng satelayt at sonar na teknolohiya, na ginagamit ng mga plota sa pangingisda sa karagatan para hanapin ang mga isda. Gaya ng iniulat ng The Globe and Mail ng Toronto, “ang bawat uri ng malalaki at maiilap na isda ay sistematikong hinuhuli sa nakalipas na 50 taon anupat ang 90 porsiyento ng bawat uri ay naglaho na.” Naniniwala si Dr. Myers na ang pagkaubos ng mga isdang ito, gayundin ng pinakagustung-gustong kainin, gaya ng tuna, gindara, halibut, marlin, at espada, ay makaaapekto nang malaki sa ekosistema ng karagatan sa buong mundo. Idinagdag pa ni Dr. Worm: “Pinakikialaman natin ang sistemang sumusuporta sa buhay ng planeta at hindi maganda iyan.”

Lalong Pinahihirapan ng Malarya ang Aprika

Pumapatay ang malarya ng “3,000 bata sa kontinente ng Aprika araw-araw,” ang sabi ng pahayagang Le Figaro ng Pransiya. Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit na 300 milyong malulubhang kaso ng malarya ang nangyayari sa Aprika taun-taon, na humahantong sa kamatayan ng di-kukulangin sa isang milyon katao. Noong taóng 2000, naranasan ng Burundi ang isa sa pinakamalulubhang kaso ng malarya. Sa loob ng pitong buwan, kalahati ng populasyon nito​—mga 3.5 milyon katao​—​ang dinapuan ng sakit. Ang problema ay hindi na mabisa ang mga gamot na quinine sa mga parasitong di-tinatablan ng gamot. Palibhasa’y bantulot dahil sa napakamahal nito, maraming bansa sa Aprika ang tumatangging palitan ang quinine ng mas bagong mga gamot na panlaban sa malarya na kinuha mula sa Artemisia annua, isang halaman sa Tsina. Bunga nito, “patuloy at lalong pinahihirapan ng malarya ang Aprika,” ang sabi ng isang opisyal ng WHO.

Pinananatiling Buháy ang Latin

Bagaman itinuturing ng marami ang Latin na isang patay na wika, sinisikap ng Batikano na panatilihin itong buháy at makabago. Bakit? Sapagkat bagaman ang wikang Italyano ang ginagamit sa Batikano, ang Latin ang opisyal na wika nito at ginagamit pa rin sa mga ensiklika at iba pang mga dokumento. Noong dekada ng 1970, halos hindi na ginamit ang Latin pagkatapos ipag-utos na isagawa ang Misa sa lokal na mga wika. Nang panahong iyon itinatag ni Pope Paul VI ang Latin Foundation upang mapanatiling buháy ang paggamit ng wikang Latin. Ang isang hakbang na ginawa ay ang paglalathala ng isang diksyunaryo sa wikang Latin at Italyano na binubuo ng dalawang magkahiwalay na tomo, na nabiling lahat. Ngayon ay inilathala na ang isang bagong edisyon, kung saan pinagsama ang dalawang tomo, na ipinagbibili sa halagang $115. Naglalaman ito ng halos 15,000 makabagong mga termino sa Latin, gaya ng “escariorum lavator” (dishwasher). “Inaasahang lalabas sa loob ng dalawa o tatlong taon” ang bagong tomo, sabi ng The New York Times. Sa kalakhang bahagi nito, ang mga salitang idaragdag ay “yaong ginagamit sa computer at information technology.”

Hindi Nauunawaang mga Paliwanag

“Nalilimutan ng mga pasyente ang halos 80 porsiyento ng sinasabi sa kanila ng doktor samantalang nasa ospital sila, at halos kalahati ng kanilang natatandaan ay mali,” ang ulat ng newsletter sa siyensiya na wissenschaft.de, na nag-uulat sa isang pag-aaral na ginawa sa ilang bansa. Ayon kay Roy Kessels, isang mananaliksik sa Utrecht University sa Netherlands, ang pangunahing mga dahilan ng pagiging malilimutin ay ang pagiging may-edad na, panghahawakan sa dating mga opinyon, kaigtingan, at kakulangan ng mga larawan para sa pagpapaliwanag. Para matulungang matandaan ng mga pasyente ang mahalagang impormasyon, pinapayuhan ang mga doktor na magsalita nang maliwanag, unang banggitin ang pinakamahalagang impormasyon, at gumamit ng mga larawan, gaya ng mga X ray.