Pamumuhay sa Isang Lipunan na Palatapon

Pamumuhay sa Isang Lipunan na Palatapon

Pamumuhay sa Isang Lipunan na Palatapon

ANG mga tao sa mauunlad na lupain ay nagtatapon ng gabundok na basura. Isaalang-alang halimbawa ang basurang itinatapon ng Estados Unidos taun-taon. Sinasabi na “ang katumbas nito na timbang ng tubig ay makapupunô sa 68,000 Olympic-size na mga pool.” Mga ilang taon na ang nakalipas, tinatayang ang mga residente ng New York City lamang ay nagtatapon ng sapat na basura taun-taon upang tabunan ang napakalaking Central Park ng lunsod ng apat na metrong basura! a

Hindi kataka-taka na ang Estados Unidos ay tinawag na “isang babalang halimbawa para sa iba pa sa mundo” pagdating sa pagiging “isang lipunan na palabili at palatapon.” Subalit hindi lamang ang bansang iyon ang nasa ganitong kalagayan. Tinatayang ang basurang itinatapon ng mga tao sa Alemanya taun-taon ay madaling makapupunô sa isang bagon ng tren na ang haba ay mula sa kabisera ng Alemanya, ang Berlin, hanggang sa baybayin ng Aprika, mga 1,800 kilometro ang layo. At sa Britanya, minsan ay tinatayang ang karaniwang pamilya na apat na katao ay nagtatapon ng papel na katumbas ng anim na punungkahoy sa isang taon.

Problema rin sa papaunlad na mga lupain ang tambak ng basura. Isang kilalang magasing pambalita ang nag-uulat: “Ang talagang masamang balita ay na ang karamihan sa 6 na bilyong tao sa planeta ay nagsisimula pa lamang sumunod sa mga hakbang ng Estados Unidos at ng iba pang mauunlad na bansa na punô ng basura.” Oo, gustuhin man natin o hindi, karamihan sa atin sa ngayon ay bahagi ng isang lipunan na palatapon.

Sabihin pa, laging may mga bagay na itatapon ang mga tao. Subalit ang mga pagkaing de-lata at nakapakete ay mas laganap na makukuha ngayon kaysa noong mga taong nakalipas, kaya nasa lahat ng dako ang mga pakete ng pagkain. Lubha ring dumami ang mga pahayagan, magasin, pulyeto sa pag-aanunsiyo, at iba pang inimprentang materyales.

Lumikha rin ng bagong mga uri ng basura ang ating lubhang industriyalisado at makasiyensiyang daigdig. Sinasabi ng pahayagang Die Welt sa Alemanya na “humigit-kumulang na siyam na milyong awto ang binabakal sa European Union taun-taon.” Hindi madaling gawain ang pagtatapon sa mga ito. Mas mahirap pa ang tanong na, Paano mo ligtas na maitatapon ang nuklear at kemikal na mga basura? Noong 1991, ang Estados Unidos ay iniulat na may “gabundok na radyoaktibong basura at walang permanenteng lugar na mapag-iimbakan nito.” Ang isang milyong bariles ng nakamamatay na sangkap ang sinasabing iniingatan sa pansamantalang imbakan taglay ang laging-nagbabantang “panganib na mawala, manakaw at makapinsala sa kapaligiran bunga ng maling paggamit.” Noong 1999 lamang, mga 20,000 pinagmumulan ng basura sa Estados Unidos ang nakagawa ng mahigit na 40 milyong tonelada ng mapanganib na basura.

Isa pang salik ang populasyon ng daigdig, na mabilis na dumami noong nakaraang siglo. Mas maraming tao, mas maraming basura! At karamihan sa mga tao ay abalang-abala sa pagkakamal ng materyal na mga bagay. Ang Worldwatch Institute ay nagkaroon ng ganitong konklusyon kamakailan: “Mas maraming paninda at serbisyo ang ginamit natin mula noong 1950 kaysa sa lahat ng iba pang panahon sa kasaysayan ng tao.”

Sabihin pa, iilan lamang sa mga nakatira sa mauunlad na lupain ang magnanais na isakripisyo ang lahat ng mga “paninda at mga serbisyo” na iyon. Halimbawa, isip-isipin kung gaano kakombinyenteng magtungo sa tindahan at kunin ang mga groseri na nakaimpake na at iuwi ang mga ito na nasa mga supot na papel o plastik na ibinibigay sa tindahan. Kung ang mga tao ay biglang pagkaitan ng gayong modernong pag-iimpake, di-magtatagal at maaari nilang matanto kung gaano sila umaasa sa mga ito. At dahil sa mas malinis ang mga ito, ang gayong pag-iimpake ay nagtataguyod ng mas mabuting kalusugan sa paano man.

Subalit, sa kabila ng gayong mga kapakinabangan, may anumang pangangailangan ba na mabahala na tila ang lipunan sa ngayon ay nagiging sobrang palatapon? Maliwanag na may dahilang mabahala, sapagkat kakaunti lamang ang nagawa ng iba’t ibang lunas na dinisenyong lumutas sa tambak ng basura na ginawa ng tao. Ang masahol pa rito, lalo pa ngang nakaliligalig ang mga implikasyon ng lipunan sa ngayon na palatapon.

[Talababa]

a Ang parke ay sumasaklaw ng 341 ektarya, o mga 6 na porsiyento ng sukat ng lupa ng bayan ng Manhattan.

[Larawan sa pahina 4]

Naghaharap ng malulubhang problema ang ligtas na pagtatapon ng mapanganib na basura