Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Artritis Lubha akong naantig sa seryeng “Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Artritis.” (Disyembre 8, 2001) Ako’y 21 taóng gulang, at naranasan ko ang matinding artritis at ang mga resulta nito sa loob ng halos 15 taon. Ang seryeng ito ay isang tunay na pampatibay-loob sa akin, at pinatibay nito ang aking determinasyong patuloy na magtiis.

A. F., Pransiya

Naglilingkod ako bilang isang buong-panahong ebanghelisador, isang pribilehiyong labis kong pinahahalagahan subalit isa na nagiging mas mahirap gawin sa paglipas ng mga araw. Ang aking kalagayan ay nasuri bilang osteoarthritis. Araw-araw akong pinahihirapan ng kirot, at kung minsan, nanlulumo ako dahil sa pagkasiphayong nadarama ko. Salamat sa gayong napapanahong artikulo at sa paalaala na ang ating tunay na kaaliwan ay nagmumula sa paniniwala sa isang bagong sanlibutan na ipinangako ni Jehova.

H.M.A., Estados Unidos

Pinahihirapan ako ng rheumatoid arthritis, at nagpapagaling ako sa kasalukuyan mula sa isang matinding atake ng sakit na ito. May katumpakang inilarawan ng mga artikulong ito ang paghihirap na dinaranas ng isa na dinapuan ng sakit na ito. Nakatutulong na matuto nang higit pa tungkol dito at kung ano ang magagawa upang mabawasan ang mga epekto nito.

G.F.F., Portugal

Ako’y 21 anyos, at nalaman kong mayroon akong juvenile rheumatoid arthritis nang ako’y 10 taóng gulang pa lamang. Nakabasa na ako ng maraming karanasan sa medikal na mga magasin, subalit hindi nito matutumbasan ang nabasa ko hinggil sa mga nararanasan ng aking espirituwal na mga kapatid na gaya ng dinaranas ko rin. Gaya ni Katia, na nabanggit sa mga artikulo, hindi ko rin naipagpatuloy ang aking karera bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Napakalaking tulong na mabasa kung paano pinakikitunguhan ng iba ang pagkadama ng pagkasiphayo at pagkabagabag ng budhi dahil sa hindi ka makagawa nang higit sa paglilingkod kay Jehova.

H. M., Estados Unidos

Nasuri na ako’y may pabalik-balik na rheumatoid arthritis isang taon na ang nakalipas, nang ako’y 24 anyos. Kailangan kong huminto sa aking paglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador. Labis akong nanlumo. Dahil sa matinding kirot at pagod, kalahati na lamang ang kaya kong gawin ngayon sa dating nagagawa ko noon. Naaliw ako ng artikulong ito, sa pagkaalam na nadarama rin ng iba ang katulad na pisikal at emosyonal na kirot. Nasiyahan din ako sa praktikal na impormasyon sa paggawa ng kung ano ang makakaya ko. Inaasam ko ang araw kapag “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa.”​—Isaias 35:6.

T. U., Hapón

Nagsimula akong makaranas ng matinding kirot sa ilan sa aking mga kasukasuan isang taon na ang nakalilipas. Yamang ako’y nasa katanghaliang gulang pa lamang, hindi ko kailanman inakala na ito ay artritis. Tinulungan ako ng inyong artikulo na makita ang pangangailangang maging timbang at makatuwiran sa kung ano ang inaasahan ko sa aking sarili.

B. P., Estados Unidos

Ako’y 19 anyos, at may artritis ako sa mga pulsuhan, bukung-bukong, at mga tuhod. Pinahahalagahan ko lalo na ang subtitulong “Isaalang-alang ang Iyong mga Limitasyon.” Dumating ako sa Ecuador mula sa Estados Unidos sa layuning maglingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador dito. Subalit dahil sa kahinaan, pagod, at kirot, nakalalabas lamang ako sa ministeryo sa loob ng maiikling panahon. Naipasiya kong umuwi para magpagamot, at sana’y makabalik ako rito paggaling ko.

J. S., Ecuador

Fêng Shui Salamat sa artikulong “Fêng Shui​—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?” (Disyembre 8, 2001) Isa akong interior designer, at ako kamakailan ay hinilingan ng isang kliyente na gumamit ng fêng shui sa disenyo. Nag-aalala ako, yamang wala akong gaanong nalalaman tungkol sa gawaing ito. Tamang-tama ang dating ng artikulo! Naipasiya ko ngayon na huwag makisangkot sa pilosopiyang ito ng disenyo.

C. V., Estados Unidos