Bakit Gusto Mong Maging Guro?
Bakit Gusto Mong Maging Guro?
“Pinipili ng karamihan sa mga guro ang kanilang karera sapagkat ito ay isang propesyon na tumutulong sa mga tao. [Ang pagtuturo ay isang] pangako na gumawa ng malaking pagbabago sa buhay ng mga bata.”—Teachers, Schools, and Society.
BAGAMAN pinagtitingin ito ng ilang guro na tila madali, ang pagtuturo ay maaaring maging punô ng balakid na kailangang pagtagumpayan—pagharap sa napakaraming estudyante sa isang klase, sobrang daming isinasaayos na mga papeles, napakasalimuot na burukrasya, mga estudyanteng hindi tumutugon, at di-sapat na suweldo. Ganito ang pagkakasabi ni Pedro, isang guro sa Madrid, Espanya: “Talagang hindi madaling maging guro. Humihiling ito ng maraming pagsasakripisyo sa sarili. Gayunpaman, sa kabila ng mga suliranin, itinuturing ko pa rin ang pagtuturo na higit na nagdudulot ng kasiyahan kaysa sa isang trabaho sa daigdig ng negosyo.”
Maaaring maging napakalaking hamon ang pagtuturo sa mga paaralan sa malalaking siyudad sa karamihan ng mga bansa. Malubhang naaapektuhan ng droga, krimen, maluwag na moralidad, at kung minsan ng kawalang-interes ng mga magulang ang kapaligiran at disiplina sa paaralan. Palasak ang mga saloobing mapaghimagsik. Kung gayon, bakit pinipili ng maraming kuwalipikadong tao na maging mga guro?
Sina Leemarys at Diana ay mga guro mula sa New York City. Gumagawa sila kasama ng mga batang mula limang taóng gulang hanggang sampung taóng gulang. Kapuwa sila nagsasalita ng dalawang wika (Ingles-Kastila) at pangunahin nang gumagawang kasama ng mga batang Hispaniko. Ang tanong namin ay . . .
Ano ang Gumaganyak sa Isang Guro?
Ang sabi ni Leemarys: “Ano ang gumaganyak sa akin? Ang pag-ibig ko sa mga bata. Batid kong para sa ilang bata, ako ang tanging sumusuporta sa kanila sa kanilang mga pagsisikap.”
Ang sabi ni Diana: “Tinuruan ko ang aking walong-taóng-gulang na pamangking lalaki, na nahihirapan sa paaralan—lalo na sa pagbabasa. Nakasisiyang makita siya at ang iba pa na natututo! Kaya naipasiya ko na gusto kong magturo, at nagbitiw ako sa aking trabaho sa bangko.”
Gayundin ang itinanong ng Gumising! sa mga guro sa ilang bansa, at ang sumusunod ay isang sampol ng mga sagot na tinanggap.
Si Giuliano, isang Italyano na mahigit nang 40 taóng gulang, ay nagsabi: “Pinili ko ang propesyong ito sapagkat kalugud-lugod ito sa akin nang ako’y isang estudyante (nasa kanan). Itinuturing ko itong malikhain at punô ng mga pagkakataon upang bigyang-sigla ang iba. Ang aking kasiglahan sa simula ay nakatulong sa akin na
mapagtagumpayan ang mga suliraning naranasan ko noong pasimula ng aking karera.”Ganito ang sabi ni Nick, mula sa New South Wales, Australia: “Walang gaanong mapapasukang trabaho sa aking larangan ng pananaliksik sa kimika, subalit maraming pagkakataon sa larangan ng edukasyon. Mula noon ay naging kasiya-siya na para sa akin ang pagtuturo, at ang mga estudyante ay waring nasisiyahan din sa aking pagtuturo.”
Ang halimbawa ng mga magulang ay karaniwang isang malaking salik sa mga pumipiling maging mga guro. Ganito sinagot ni William, taga-Kenya, ang aming tanong: “Ang kagustuhan kong magturo ay lubhang naimpluwensiyahan ng aking ama, na isang guro noong 1952. Ang kabatiran na hinuhubog ko ang kaisipan ng mga kabataan ay isang salik na nagpapanatili sa akin sa propesyong ito.”
Si Rosemary, na taga-Kenya rin, ay nagsabi sa amin: “Sa tuwina’y hangad kong makatulong sa mga mahihirap. Kaya namili ako sa pagiging isang nars o isang guro. Unang dumating ang alok na magturo. Ang bagay na isa rin akong ina ay nakaragdag pa sa pag-ibig ko sa propesyong ito.”
Iba naman ang motibo ni Berthold, mula sa Düren, Alemanya, sa pagtuturo: “Kinumbinsi ako ng misis ko na ako’y magiging isang mahusay na guro.” At tama nga siya. Sabi pa ni Berthold: “Ang propesyon ko ay nagdudulot ngayon sa akin ng malaking kagalakan. Malibang ang isang guro ay kumbinsido sa kahalagahan ng edukasyon at interesado rin sa mga kabataan, imposible para sa kaniya na maging isang mahusay, matagumpay, determinado, at nasisiyahang guro.”
Isang gurong Hapones, si Masahiro, mula sa Lunsod ng Nakatsu, ang nagsabi: “Ang nag-udyok sa akin na maging guro ay ang pagkakaroon ng isang kahanga-hangang guro sa ikalimang grado. Tinuruan niya kami taglay ang tunay na pagtatalaga ng sarili. At ang pangunahing dahilan kung bakit ako nagpatuloy sa aking propesyon ay sapagkat mahilig ako sa mga bata.”
Si Yoshiya, 54 na taóng gulang na ngayon at mula rin sa Hapón, ay nagtatrabaho sa pabrika na may malaking sahod subalit nadama niyang siya’y inaalipin ng trabaho at ng pagpaparoo’t parito sa trabaho. “Isang araw ay naisip ko, ‘Hanggang kailan ako magpapatuloy sa ganitong istilo ng buhay?’ Nagpasiya akong humanap ng isang trabaho na higit na nasasangkot sa mga tao sa halip na sa mga bagay. Natatangi ang pagtuturo. Ikaw ay gumagawang kasama ng mga kabataan. Makatao ito.”
Pinahahalagahan din ni Valentina, mula sa St. Petersburg, Russia, ang aspektong iyon ng pagiging isang guro. Sabi niya: “Ang pagtuturo ang karerang pinili ko. Tatlumpu’t pitong taon na akong guro sa mababang paaralan. Nasisiyahan akong gumawang kasama ng mga bata, lalo na ng mga nakababata. Mahal ko ang aking trabaho, at iyan ang dahilan kung bakit hindi pa ako nagreretiro.”
Si William Ayers, isang guro mismo, ay sumulat: “Ang mga tao ay naaakit sa pagtuturo sapagkat mahilig
sila sa mga bata at sa mga kabataan, o dahil sa gusto nilang makasama ang mga ito, makita ang mga ito na sumusulong at lumalaki at nagiging higit na mahusay, higit na may kakayahan, higit na malakas sa daigdig. . . . Nagtuturo ang mga tao . . . bilang pagkakaloob ng sarili sa iba. Nagtuturo ako sa pag-asang gawing mas mabuting dako ang daigdig.”Oo, sa kabila ng mga suliranin at mga hadlang, libu-libong dedikadong babae at lalaki ang naaakit sa propesyon ng pagtuturo. Ano ang ilan sa malalaking suliraning nakakaharap nila? Isasaalang-alang ng susunod na artikulo ang tanong na iyan.
[Kahon sa pahina 6]
Mga Mungkahi Para sa Komunikasyon ng Guro at Magulang
✔ Kilalanin ang mga magulang. Hindi ito pag-aaksaya ng panahon. Kapaki-pakinabang na paglalaan ng panahon ito para sa inyong dalawa. Ito ang pagkakataon mo upang magkaroon ng kaugnayan sa mga maaaring maging pinakamabuti mong mga makakatulong.
✔ Magsalita sa antas ng magulang—huwag mo silang hamakin o ituring na hindi gaanong matalino. Iwasan ang mga pananalitang ginagamit ng mga guro.
✔ Kapag ipinakikipag-usap ang tungkol sa mga bata, itampok ang mga positibong bagay. Mas mabisa ang papuri kaysa sa pagtuligsa. Ipaliwanag kung ano ang magagawa ng mga magulang upang tulungang magtagumpay ang bata.
✔ Hayaang magsalita ang mga magulang, at pagkatapos ay talagang makinig.
✔ Unawain ang kapaligiran ng bata sa tahanan. Kung maaari, dumalaw sa tahanan.
✔ Magtakda ng petsa para sa susunod na pagsangguni. Mahalaga na magsaayos ng muling pag-uusap. Ipinakikita nito na tunay ang iyong interes.—Salig sa Teaching in America.
[Larawan sa pahina 6]
‘Isa ring guro ang aking ama.’—WILLIAM, KENYA
[Larawan sa pahina 7]
“Nasisiyahan akong gumawang kasama ng mga bata.”—VALENTINA, RUSSIA
[Mga larawan sa pahina 7]
“Natatangi ang pagtuturo. Ikaw ay gumagawang kasama ng mga kabataan.”—YOSHIYA, HAPÓN