Ang Diyablo—Isa Bang Katotohanan ng Kasamaan?

Ang Diyablo—Isa Bang Katotohanan ng Kasamaan?

Ang Diyablo​—Isa Bang Katotohanan ng Kasamaan?

SA MARAMING relihiyosong grupo, ang Diyablo ay itinuturing higit sa lahat bilang isang pamahiing relikya​—isang imbento ng mga tao. Kaya si Dionigi Tettamanzi, ang arsobispo ng Genoa​—isa sa pangunahing mga kardinal ng Italya​—sa kaniyang 40-pahinang opisyal na liham ng pastoral ay lumikha ng kaguluhan sa kung paano lalabanan ang Diyablo. Doo’y nakalista ang “10 utos.”

Una: “Huwag kalimutan na ang diyablo ay umiiral,” sapagkat ang kaniyang “unang kasinungalingan” ay ang “papaniwalain tayo na siya’y hindi umiiral.”

Ikalawa: “Huwag kalimutan na ang diyablo ay isang manunukso. . . . Huwag mong ituturing ang iyong sarili na ligtas na o di-maaaring salakayin.”

Ikatlo: “Huwag kalimutan na ang diyablo ay napakatalino at tuso. Siya’y patuloy sa panlilinlang sa pamamagitan ng pagiging mapang-akit, tulad ng kaniyang ginawa sa unang tao.”

Ikaapat: “Maging mapagbantay: sa mga mata at puso. At magpakatatag: sa determinasyon at kagalingan.”

Ikalima: “Paniwalaan nang lubos ang tagumpay ni Kristo laban sa manunukso” sapagkat ito’y “magbibigay ng katiwasayan sa iyo at kapayapaan kahit sa harap ng pinakamarahas na pagsalakay na maaaring iumang laban sa iyo.”

Ikaanim: “Tandaan na ikaw ay ginagawa ni Kristo na kabahagi sa kaniyang tagumpay.”

Ikapito: “Patuloy na makinig sa Salita ng Diyos.”

Ikawalo: “Maging mapagpakumbaba at handang tumanggap ng panghahamak.”

Ikasiyam: “Laging manalangin nang walang humpay,” upang mapagtagumpayan ang tukso.

Ikasampu: “Pakamahalin ang Panginoon mong Diyos at siya lamang ang iyong sasambahin.”

Ano ang naging epekto ng liham na ito ng pastoral? Ang mga payo nito ay hindi pinahalagahan ng Milan’s Center of Theological Studies. Ipinangatuwiran ng Center na ang gayong “paglikha sa teolohiya ay para bang kaisipan noong edad medya.” Ayon sa isang tagapagsalita, “ang sukdulang sisihin ang diyablo ay maaaring tumulong sa tao upang alisin ang kanilang [sariling] pananagutan.”

Bagaman hindi naman inaalisan ng Bibliya ang mga tao ng pananagutan sa kanilang mga ginagawa, maliwanag nitong ipinakikilala si Satanas na Diyablo bilang ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay,” ang isa na tumukso kay Jesus. Inihahayag din nito ang kapangyarihan ni Satanas at ang kaniyang intensiyon na ‘bulagin ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.’​—2 Corinto 4:4; Mateo 4:1-11.

Sa katunayan, gaya ng isinulat ni apostol Pedro, si Satanas ay “tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Hindi nga kataka-taka na paalalahanan ni apostol Juan ang mga kapananampalataya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Isang katalinuhan para sa atin na huwag ipagwalang-bahala ang maka-Kasulatang mga babalang ito.