Isang Tin-edyer na Ipinagmamalaki ang Kaniyang Relihiyon

Isang Tin-edyer na Ipinagmamalaki ang Kaniyang Relihiyon

Isang Tin-edyer na Ipinagmamalaki ang Kaniyang Relihiyon

NOONG siya ay 13 taóng gulang, inatasan si Andrew na gumawa ng isang proyekto sa paaralan hinggil sa paksa ng pamana sa kultura. “Noong una,” sabi niya, “akala ko ay magsusulat ako hinggil sa aking lolo, ngunit naisip ko: ‘Teka muna! Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Ito’y isang napakagandang pagkakataon upang magsalita hinggil sa aking pananampalataya!’

“Pinamagatan ko ang aking proyekto ng temang ‘Stand Firm,’ at gumawa ako ng isang malaking poster na naglalarawan sa malupit na pag-uusig na hinarap ng mga Saksi ni Jehova sa Nazing Alemanya. Kalakip sa aking mga visual aid ang replika ng isang unipormeng may kulay-purpurang tatsulok at iba’t ibang larawan at liham mula sa pamilyang Kusserow. a Namahagi ako ng mga kopya ng sulat na ipinadala ng mga Saksi ni Jehova sa pamahalaang Aleman, na sa paraang matatag at neutral sa pulitika, nagpahayag hinggil sa di-makatarungang mga gawain laban sa mga Saksi ni Jehova. Sa tabi ng proyekto, tuluy-tuloy na ipinalabas ang video na Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault. Idinispley ko rin ang mga Bibliya, brosyur, at tract.

“Una, ipinakita ang aming mga proyekto sa gymnasium sa lahat ng estudyante at kawani sa paaralan. Nang sumunod na gabi, inanyayahan ang mga pamilya at mga kaibigan. Marami ang nagtanong sa akin, yamang wala silang ideya na ang mga Saksi ni Jehova ay pinag-usig ng mga Nazi.”

Inamin ni Andrew na kailangan ang lakas ng loob upang magsalita hinggil sa kaniyang pananampalataya. “Alam ko na tutuyain ako ng ilang tao,” ang sabi niya, “ngunit sasama ang loob ko kung hindi ko ito ginawa. Narito ang mga taong nagbigay ng kanilang buhay upang ipagtanggol ang kanilang pananampalataya kay Jehova, kaya napagpasiyahan ko na ang pinakamaliit kong magagawa ay batahin ang ilang kritisismo.”

Sa katapusan, natuwa si Andrew na sinamantala niya ang pagkakataong iyon na makapagpatotoo. “Marami akong nakausap hinggil sa kung bakit hindi tayo nakikipagdigma, at ako’y nakapagpasakamay ng mga Bibliya, aklat, at tract sa mga interesado,” ang sabi niya, at bilang karagdagan: “Wala na akong naaalaala pang pagkakataong higit na ipinagmalaki ko na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova.”

[Talababa]

a Nakikilala ang mga Saksi ni Jehova sa mga kampo sa pamamagitan ng isang kulay-purpurang tatsulok. Ang mga Kusserow ay nanindigang matatag sa kanilang mga paniniwala bilang mga Saksi ni Jehova noong rehimeng Nazi. Tingnan ang The Watchtower, Setyembre 1, 1985, pahina 10-15.