Ang mga Kamangha-manghang Pangkat-Kawayan ng Solomon Islands

Ang mga Kamangha-manghang Pangkat-Kawayan ng Solomon Islands

Ang mga Kamangha-manghang Pangkat-Kawayan ng Solomon Islands

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Solomon Islands

NASUBUKAN mo na bang tumugtog ng isang panpipe? Ang kinakailangang paraan ng paghinga sa pagtugtog nito ay maaaring magpangyari sa iyo na mahilo. Ngunit gunigunihin ang pagtugtog sa mga pipa na dalawang metro ang haba at limang sentimetro ang diyametro at na humihiling sa iyo na igalaw ang buong katawan mo upang makatugtog ng isang nota. Pagsama-samahin ang 40 sa mga instrumentong ito, at mabubuo mo ang isa sa mga kamangha-manghang pangkat-kawayan ng Solomon Islands. Oo, ang bawat instrumento sa bandang ito ay gawa sa kawayan! Ang maraming pagkasari-sari ng mga kawayan sa makakapal na kagubatang tropiko ng Solomon Islands ay naglalaan sa mga pipa ng mga tonong nagmumula sa pinakamataas na soprano hanggang sa mababa at dumadagundong na bajo.

Pasyalan natin ang isang bodega sa Honiara, kung saan ang Narasirato Pipers ay naghahanda ng kani-kanilang instrumento at nag-eensayo bago pumunta sa Taiwan upang magkonsiyerto sa iba’t ibang lugar doon. Ang ilan sa mga instrumento ay binubuo ng mga kumpol ng tatlong pipa na itinono upang makatugtog ng tatluhang nota, o akorde. Hinahawakan ng mga musikero ang tatlong pipa nang magkakasama at itinutuktok ang mga ito sa isang lapád na bato upang tiyakin na may armoniya ang mga tono. Kung hindi gayon, tinatabas ang dulo ng pipang hindi katugma. Ang mga pipang ito ay hindi hinihipan. Ikinakabit ang goma sa ilalim ng bawat pipa, at ang buong yunit ay pinatatalbog sa lupa. Talagang isang kapansin-pansing akorde ang dumadagundong! a

Mahirap mailarawan ang tunog kapag nagsimulang “kumanta” ang mga pipa. Kung minsan, ang tunog ay napakahina; kung minsan naman ay halos nakabibingi ito. Inayos ang mga pagkilos sa bawat komposisyon, at palipat-lipat ang mga musikero sa kani-kanilang mga posisyon samantalang tumutugtog sila. Kung minsan, ang musika ay isang nakatatakot na tono, ngunit madalas na ito ay isang masaya at nakapagpapapadyak na himig. Baka balang araw ay makapasyal ka sa amin at marinig mo mismo ang isa sa mga kamangha-manghang pangkat-kawayan ng Solomon Islands!

[Talababa]

a Ang ibang mga pipa ay napatutunog sa pamamagitan ng paghampas dito ng isang piraso ng makapal na goma.