Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mabilis na Takbo ng Buhay Tinalakay ng seryeng “Pagharap sa Mabilis na Takbo ng Buhay sa Ngayon” (Pebrero 8, 2001) ang pinakaugat ng mga suliranin ng ating makabagong lipunan. Napukaw ang aking pansin sa tanong na “Inuuna mo ba ang mga bagay o ang mga tao?” Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang paglalathala ng gayong kawili-wiling mga artikulo para sa amin!
Y. K., Hapon
Tinulungan ako ng mga artikulo na magtakda ng mga priyoridad at suriin ang aking mga gawain. Hindi ko natanto na nahulog na pala ako sa isang bitag na umakay sa akin sa namamalaging pagkahapo, pagkabalisa, at pagkapagod sa isip. Ngayon ay binabago ko na ang aking mga kinaugalian at inuuna ang tunay na mahalaga. Salamat sa tulong ninyo na gawing simple ang aking buhay!
L.D.C., Guatemala
Sistema ng Imyunidad Ibinigay ko sa isang doktor na nasa larangan ng preventive medicine ang isyu ng Pebrero 8, 2001 na may artikulong “Mga Guwardiyang Nagsasanggalang sa Iyong Kalusugan.” Natuwa siya sa larawan sa pahina 15 na nagpapakita na sinasalakay ng mga puting selula ng dugo ang mga baktirya. Kaniyang pinalaki at ikinuwadro ito, at ngayon ay ginagamit niya ito upang ipaliwanag ang sistema ng imyunidad.
H. K., Hapon
Nagbabasa na ako ng Gumising! sa loob ng 30 taon, at lubhang pinahahalagahan ko ang napapanahong impormasyon nito. Lalo akong napahanga sa artikulong “Mga Guwardiyang Nagsasanggalang sa Iyong Kalusugan” dahil tinulungan ako nito na maunawaan kung paano kamangha-manghang gumagana ang sistema ng imyunidad na inilagay ni Jehova sa atin.
L. G., Mexico
Isa akong doktor, at napag-aralan ko ang immunology noong ako’y isang estudyante sa medisina. Napakahirap unawain ang paliwanag ng aklat-aralin hinggil sa sistema ng imyunidad, ngunit kamangha-mangha ang artikulong ito. Binubuod nito ang paksa sa paraang madaling maunawaan. Sinabi minsan ng isang tagapagturo na kapag pinag-aralan natin ang sistema ng imyunidad, hindi natin maiiwasan na makatuwirang isipin na ginawa ito ng Diyos. Umaasa ako sa mas kamangha-manghang mga artikulo hinggil sa katawan ng tao.
N. K., Hapon
Mga Tsunami Ako po’y 12 taóng gulang, at binabasa ko ang lahat ng inyong magasin. Talagang nagustuhan ko po ang artikulong “Nakamamatay na mga Alon—Mga Haka-haka at mga Katotohanan.” (Pebrero 8, 2001) Nawiwili ako sa mga alon na ito, at nasiyahan po ako kung paano ninyo ipinakita, sa pamamagitan ng halimbawa, kung gaano kalakas ang mga ito.
K. S., Estados Unidos
Pagbagsak ng Radyaktibong Materya Nabighani ako sa simpleng paliwanag sa artikulong “Pagbagsak ng Radyaktibong Materya—Isang Bagay na Dapat Ikabahala.” (Pebrero 22, 2001) Alam ko na ang mga elementong gaya ng strontium 90 ay lubhang nakapipinsala, ngunit hindi ko alam na naaapektuhan nito ang tao mula sa kaniyang pagkasanggol. Talagang kapaki-pakinabang ang kaunawaan sa gayong masasalimuot na paksa dahil tinutulungan nito ang mga tao na matanto na tunay na kailangan ng tao ang tulong ng Dakilang Maylalang upang makasumpong ng mga kalutasan. Maraming salamat sa pagpapakita ng patuloy na pagkabahala sa inyong mga mambabasa sa pamamagitan ng pagpapasimple sa gayong mahihirap na paksa upang makinabang ang kahit sino mula sa mga ito.
M. Z., Italya
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Nagbabasa na ako ng Gumising! mula pa noong tawagin itong Consolation. Kahit na may-edad na ako, nasisiyahan akong basahin ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” Sa pamamagitan ng pagbabagay sa mga situwasyong iniharap sa kalagayan ng mga adulto, nakakakuha ako ng maraming impormasyon at maiinam na payo. Ang serye ay nakapagtuturo maging sa mga may-edad na gaya ko.
R. S., Estados Unidos