Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Nars Halos tatlong taon na akong nars. Ang tuwirang pag-aasikaso sa sakit at pagdurusa ay totoong hindi madaling gawin. Talagang nakapagpapasigla na mabasa sa seryeng “Mga Nars​—Ano ang Gagawin Natin Kung Wala Sila?” (Nobyembre 8, 2000) na pinahahalagahan pala ng iba ang aming trabaho! Ang higit pang nakapagpapasigla ay ang pangako ng Bibliya na di-magtatagal at hindi na kakailanganin pa ang mga nars.​—Isaias 33:24.

J.S.B., Brazil

Kaming mag-asawa ay nagpapatakbo ng isang outpatient nursing service, at ang seryeng ito ay naging isang malaking pampatibay-loob sa amin. Tinulungan kami nitong pasulungin ang aming saloobin sa aming propesyon at sa aming mga pasyente. Mahusay!

S. S., Alemanya

Ang buong akala ko noon, ang mga nars ay may pangalawahing papel lamang. Ngunit tinulungan ako ng mga artikulong ito na maunawaan na tumutulong pala ang mga nars upang mapagaan ang labis na pagdurusa ng isipan, at nagbibigay sila ng unawa at suporta na kadalasan nang hindi naibibigay ng abalang mga doktor. Nagpadala ako ng mga kopya ng magasin sa ilang dati kong kaklase na nag-aaral ng nursing.

F. G., Italya

Maraming salamat sa mga sensitibong artikulong ito. Ang pagiging nars ay nakatulong sa akin upang sumulong tungo sa pagkamaygulang sa maraming paraan. Isa ito sa mga salik kung bakit ko napag-isipan ang layunin ng buhay at pinag-aralan ang Bibliya. Ang isyung ito ng Gumising! ang naging pinakamalaking kapahayagan ng pagpapahalaga na aking natanggap. Matagal-tagal din akong makakakuha ng pampatibay-loob mula rito!

J. D., Czech Republic

Salamat sa seryeng ito. Maraming taon na akong isang rehistradong nars. Nakadarama ako ng gayong empatiya sa aking mga pasyente anupat napapaluha rin ako kapag nilalagyan ko sila ng pamatak sa kanilang mga mata. Nakatitiyak ako na ang mga nars sa buong daigdig ay positibong tutugon sa Gumising! na ito.

L.A.R., Estados Unidos

Ngipin ng Sanggol Bilang bahagi ng aking trabaho sa opisina ng isang dentista, tinuturuan ko ang mga ina kung paano pangangalagaan ang ngipin ng kanilang mga sanggol. Malaki ang naitulong ng artikulong “Pag-iingat sa Maseselan na Ngipin” (Nobyembre 22, 2000) dahil ipinaliliwanag nito ang panganib ng pangangasim at pinsalang dulot ng baktirya. Lahat ng mga ina na sumasangguni sa akin ay nakatatanggap ngayon ng isang kopya, at napakahusay ng mga resulta!

T.C.S., Brazil

Di-Mapakaling mga Binti Kababasa ko pa lamang ng inyong artikulong “Hindi ba Mapakali ang mga Binti Mo?” (Nobyembre 22, 2000) Dinaranas ko na ito sa loob ng 18 taon, at akala ko’y nag-iisa ako. Madalas akong umiiyak dahil sa pagkasiphayo at kakulangan sa tulog, at nasubok ko na ang lahat ng uri ng gamot. Siyempre pa, ang tanging ganap na solusyon ay ang Kaharian ni Jehova.

S. T., Scotland

Nang mabasa ko ang artikulong ito, namangha ako dahil inilarawan nito nang eksaktung-eksakto ang mga sintomas ko. Bagaman ang kalagayan ko ay hindi naman opisyal na nasuri bilang Restless Legs Syndrome, nakagiginhawang malaman na binabata rin pala ng iba ang gayunding bagay. Ngayon ay natututuhan ko nang harapin ang aking kalagayan nang higit na mabisa kaysa dati. Dahil alam ko na kung ano ang gagawin sa di-kaayaayang mga pakiramdam, mas magaan na ang bagay na ito sa aking emosyon.

A. K., Hapon

Ako’y 43 taóng gulang at nagigising pa rin ako sa gabi dahil sa mga pakiramdam na may gumagapang sa aking mga binti at mga braso. Nang hindi ko pa nababasa ang artikulong ito, akala ko’y ako lamang ang may ganitong kalagayan. Hindi ko akalain na ang iba pala ay nagdurusa ring katulad ko. Maraming salamat sa paglilimbag ng mga artikulong tulad nito upang ipabatid sa iba ang hinggil sa di-pangkaraniwang mga sakit na ito.

D. L., Canada