Kapag Dinaraig Ka ng Isang Krisis sa Kalusugan

Kapag Dinaraig Ka ng Isang Krisis sa Kalusugan

Kapag Dinaraig Ka ng Isang Krisis sa Kalusugan

“Sa pakiramdam ko’y para akong pinukpok ng maso.”​—Si John, matapos mabatid na mayroon siyang nakapipinsalang sakit.

“Natakot ako.”​—Si Beth, matapos matanto ang kalubhaan ng kaniyang krisis sa kalusugan.

ANG pagkaalam na mayroon kang malubha at mapaminsalang karamdaman o na ang mga pinsalang dulot ng isang aksidente ay magiging dahilan upang maging baldado ka habang-buhay ay isa sa pinakamasasaklap na karanasan sa buhay. Narinig mo man ang tungkol sa iyong sakit sa isang tahimik na tanggapan ng doktor o tuwirang naranasan mo na ipasok sa loob ng isang magulong emergency room dahil sa iyong natamong pinsala, malamang na nasumpungan mong hindi ka makapaniwala. Halos walang anumang bagay sa buhay ang makapaghahanda sa iyo sa pagharap sa napakatitinding emosyon na mangingibabaw sa iyo kapag niyanig ka ng isang nakapanlulumong krisis sa kalusugan.

Upang makapagtipon ng impormasyon na maaaring makatulong sa mga dumanas kamakailan ng matinding paglubha ng kalusugan, nakipag-usap ang Gumising! sa ilang indibiduwal sa iba’t ibang bansa na matagumpay na nakaharap sa malubha at mapaminsalang sakit sa loob ng maraming taon. Hinilingan sila na magbigay ng kanilang mga obserbasyon sa mga tanong na gaya ng: Ano ang mga nadama mo? Ano ang nakatulong sa iyo upang makayanan ang krisis at muling mapanumbalik ang iyong kapanatagan? Anong mga hakbang ang ginawa mo upang sa paano man ay muli mong makontrol ang iyong buhay? Ang kaalaman na tuwirang nakuha mula sa mga panayam na ito at gayundin ang ilang natuklasan ng mga mananaliksik na nagsusuri sa mga epekto ng nagtatagal na mga karamdaman ay inilalaan para sa kapakinabangan ng mga napapaharap ngayon sa isang krisis sa kalusugan. a

[Talababa]

a Bagaman ang seryeng ito na nasa pabalat ay pantanging iniuukol sa mga maysakit o may kapansanan, ang seryeng “Malubhang Sakit​—Pagharap Dito Bilang Isang Pamilya” (Gumising! ng Mayo 22, 2000) ay naglalaman ng impormasyong ipinatutungkol lalo na sa mga nangangalaga sa maysakit.