Nakakita Ka Na ba ng Isang Xoloitzcuintli?
Nakakita Ka Na ba ng Isang Xoloitzcuintli?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO
NANG una kong mahawakan ang isang Xoloitzcuintli a—Xolo sa maikli—namangha ako. Napakalambot at napakainit ng maitim at walang-balahibong katawan nito! Ang asong ito na kampeon sa pagtatanghal ay magilas na naglakad sa likuran ng kaniyang amo, anupat nagbigay ito sa amin ng pagkakataon na hangaan ang balingkinitang katawan nito na napapalamutian ng isang puting “brutsa” sa dulo ng buntot—malaking kaibahan sa malasutlang itim na kulay ng katawan nito!
Bago dumating ang mga Kastila, lubhang pinahahalagahan ang mga aso bilang mga alagang hayop sa Mesoamerika. Ang ilan ay inililibing na kasama ng kani-kanilang amo, bilang ‘mga kasama sa kabilang-buhay.’ May pantanging dako sa lipunan ang mga Xolo. Pinaniniwalaan noon na nakagagamot ang mga ito. Oo, ang pagdaiti ng katawan sa mainit at maliit na kasamahang ito ay waring nakatutulong sa mga may rayuma. Sabihin pa, mapananatili ring mainit ng isang Xolo ang iyong mga paa kapag maginaw ang gabi!
Sa ngayon, nasusumpungan ng marami na ang Xolo ay isang napakainam na alaga. Gaya ng maraming iba pang uri, ang Xolo ay maaaring turuan at iba-iba ang laki nito—kasali na ang isang uri na pagkaliit-liit. Ang pinakamaganda sa lahat, kapag walang balahibo, wala ring pulgas, at ang Xolo ay tamang-tama para sa mga may alerdyi sa balahibo ng aso. Madali lamang ang pag-aalaga sa Xolo. Para mapanatiling malambot ang balat ng asong ito, kailangan na pahiran ito paminsan-minsan ng krema o langis na pambalat. Ipinakita ni Miguel Ángel Moreno, isang tagapagpalahi, ang isa pang bentaha ng Xolo: “Isang minuto lamang ang kailangan para mapaliguan ito,” ang sabi niya, “at matutuyo na ito sa loob ng dalawang minuto.” Kumusta naman ang kahalagahan ng Xolo sa panggagamot? Maging sa ngayon, sinasabi ng ilan na nakadarama sila ng ginhawa mula sa kirot na dulot ng rayuma kapag idinadaiti nila nang matagal ang isang Xolo sa apektadong bahagi ng katawan. Gayunman, naniniwala si Moreno na ang Xolo ay kasimbisa lamang ng “isang boteng may mainit na tubig.” b
Hindi pa katagalan, ang Xolo ay itinuring na isang papaubos na uri, subalit maraming pagsisikap ang ginawa upang mailigtas ang hayop na ito. Sa ngayon, ang mga Xolo ay hindi lamang matatagpuan sa Mexico kundi maging sa ibang bansa, gaya ng Peru at Estados Unidos. Kaya gusto mo bang makakita ng isang Xoloitzcuintli? Kung sakaling makakita ka, hindi mo malilimutan ang iyong pakikipagtagpo sa pambihirang asong ito.
[Mga talababa]
a Binibigkas na so·lo·wits·kwint·li.
b Ang temperatura ng Xolo ay hindi naman talaga mas mataas kaysa sa temperatura ng alinmang ibang aso, ngunit ang kawalan nito ng balahibo ay nagpapangyari na maging mas mainit ito sa pakiramdam.