Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
1914—“Makasaysayang Biglang Pagbabago”
Isang editoryal sa pahayagang Aleman na Die Welt ay nagkomento tungkol sa makasaysayang kahalagahan ng petsang Agosto 1, 1944. Bilang pagtugon, isang mambabasa ang nagreklamo sa pahayagan na kinaligtaan ng editoryal ang mas mahalagang petsa—Agosto 1, 1914. Nang petsang iyan “nagsimula ang makasaysayang malaking pagbabago sa pandaigdig na mga kasukat, hindi lamang naapektuhan ang Alemanya kundi binago nito ang Europa at buong daigdig,” sang-ayon sa mambabasa. “Ang digmaan ay nagdala sa atin ng katakut-takot na kalugihan at nagwakas sa ‘treaty’ of Versailles, na siyang usbong na pinagmulan ng ikalawang digmaang pandaigdig. Ang pag-unlad ng Sobyet Rusya, superpower na E.U.A., ang pag-alis sa kapangyarihan ng Europa, ang paggising ng Third World, lahat ng mga bagay na ito ay sinimulan ng unang digmaang pandaigdig. Iilan lamang petsa ang mas mahalaga kaysa sa nakamamatay na petsang iyan ng Agosto 1, 1914!”
Mapaniniwalaan ang Teksto ng Bibliya
Karagdagang katibayan ng pagkamaaasahan ng kasalukuyang teksto sa Bibliya ay ibinigay kamakailan sa isang internasyonal na komperensiyang ginanap sa Basel, Switzerland. Iniharap ni Propesor Barbara Aland, ng German Institute for Bible Manuscript Research sa Münster, ang isang buod ng pag-aaral na isinagawa sa mga manuskrito ng Bibliyang Griego na natuklasan noong 1975 sa St. Catherine Monastery sa Bundok Sinai. “Mahalagang bagong mga patotoo ang naidagdag sa pagsasaliksik sa teksto ng Bagong Tipan,” sabi niya sa pahayagang Aleman na Westfälische Nachrichten. “Ang pagsusuri sa 69 na di-kilalang mga sulat-kamay na kopya ng Bagong Tipan . . . ay nagpapatunay sa teksto na tinatanggap hanggang sa panahong ito,” ulat ng artikulo.
Pagpapalahi ng Mandadangkal
Mga 200 taon nang inaakala na pinupugutan ng ulo ng babaing mandadangkal ang kaniyang kaparehang lalaki bago magpalahi upang hikayatin ang isang seksuwal na pagtugon. Gayunman, ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan ng mga biyologo na hindi gayon. “Ang lalaking mandadangkal ay nagsasagawa ng isang ritwal na sayaw at ang babae, sa halip na salakayin ang kaniyang kapareha, ay tumutugon sa pamamagitan ng pagsasayaw,” ulat ng magasing Science. “Nagtatapos ito sa hindi mapanganib na posturang humuhudyat ng kaniyang pagtanggap.” Ano ang sanhi ng maling palagay? Maigting na mga kalagayan at kakulangan ng pagkain, sabi ng mga biyologo. Sa orihinal na mga pag-aaral, ang mga insekto ay hindi binibigyan ng sapat na pagkain, at ang babaing mandadangkal ay higit na gutom kaysa masintahin.
Pagdadalang-tao ng mga Tin-edyer
Ang Estados Unidos ay mayroong mas maraming pagdadalang-tao sa gitna ng mga tin-edyer at mas maraming mga aborsiyon kaysa 37 ibang maunlad na mga bansa, sabi ng Alan Guttmacher Institute ng New York. Ang dami ng nagdadalang-taong mga tin-edyer sa E.U. ay 96 sa bawat 1,000, kung ihahambing sa 45 sa Inglatera at Wales, 44 sa Canada, 43 sa Pransiya, 35 sa Sweden, at 14 sa Netherlands. Ang Estados Unidos ay nangunguna rin sa mga aborsiyon ng mga tin-edyer. Nasumpungan ng pag-aaral na sa panahong sila’y 18 taóng gulang, 60 sa bawat 1,000 mga babae ang nakaranas na ng aborsiyon. Ang Pransiya at Sweden ang pumangalawa na mga 30 sa bawat 1,000 ang bawat isa, sumunod ang Canada na mga 24, ang Inglatera at Wales ay mahigit ng kaunti sa 20, at ang Netherlands ay 7. Ang dami ng seksuwal na gawain sa gitna ng mga tin-edyer sa anim na bansa ay halos magkakatulad, subalit ang madaling pagkakuha ng mga kontraseptibo at pagpapayo sa mga bansang Europeo ang binanggit na pangunahing salik sa mas mababang bilang ng mga pagdadalang-tao.
“Lumpectomy” o “Mastectomy?”
Sa taóng ito ang kanser sa suso ay makakaapekto sa tinatayang 119,000 mga babae sa Estados Unidos. Hanggang kamakailan, ang pinipiling paggamot sa halos 90 porsiyento ng mga 2 pulgada (4 cm) sa diyametro.
babae ay mastectomy—ganap na pag-alis ng suso at kung minsan ng mga kalamnan sa ilalim. Subalit sa Canada at sa Estados Unidos ipinakikita ng limang-taóng pag-aaral sa mga babaing may kanser sa suso na inilathala sa New England Journal of Medicine, na ang lumpectomy—ang pag-aalis ng nakamamatay na bukol at kaunting himaymay sa paligid—ay waring gumagana at tila mas mabuti kung susundan ng mga pagtapat sa radyasyon. Ang pananaliksik ay nagsasangkot ng mga pasyenteng may tumor na hindi lálakí sa 1 1⁄Nagkukomento tungkol sa kontrobersiyal na pag-aaral na ito, ganito ang sabi ni Dr. Arnold Relman, editor ng magasin: “Yaong mga umaasang sasagutin nito ang lahat ng mga katanungan at lulutasin ang isyu minsan magpakailanman ay mabibigo. . . . Ako’y optimistiko, subalit ang pangwakas na lunas ay wala pa.”
Lubhang Maraming mga Taong Di-akma sa Gawain
Sa Third World halos 200 milyong mga kabataan sa pagitan ng edad na 12 at 17 ang ngayon ay lumalaki nang walang pormal na edukasyon, ulat ng editoryal sa Hindustan Times ng New Delhi. Ikinatatakot na isang malaking bilang ng mga taong di-akma sa gawain ang magiging resulta. “Ang mga tin-edyer na ito ay alin sa walang anumang pag-aaral, o huminto sa pag-aaral bago matapos ang minimun na antas ng edukasyon upang maging may silbing tao na marunong bumasa at sumulat,” sabi ng isang surbey ng International Labor Organization tungkol sa problemang ito. “Tila walang pagsisikap na ginawa upang lutasin ang lumalagong isyung ito,” sabi ng editoryal, at sabi pa nito na “pagkatapos ng tatlumpu’t walong mga taon ng pagsasarili ng [India], mahigit na 60 porsiyento ng populasyon [ay nananatiling] hindi marunong bumasa at sumulat.”
“Balance of Terror” sa Paaralan
Isang kabuuang bilang na 3,192 mga sandata ang nakumpiska sa mga estudyante sa mga paaralan sa Lunsod ng New York noong taóng 1983-84 at mahigit 1,000—pati na ang mga baril, riple, at panaksak—sa unang apat na buwan ng taóng ito. Tinataya ng mga estudyante sa ibang mga high school na 40 hanggang 70 porsiyento ng kanilang mga kamag-aral ay nagdadala ng ilang uri ng sandata, karamihan ay bilang pananggalang. “Sinasabi ng mga opisyal ng paaralan na sila ay nababahala sa bilang ng mga kabataan na nagsasabi na ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang ang kanilang mga sandata,” ulat ng The New York Times. Bakit napakaraming mga estudyante ang nagdadala ng mga sandata? “Lahat ng nangyayari sa lipunan ay nadarama at isinasagawa sa paaralan,” sabi ni Dr. Evelyn Rich, principal ng Andrew Jackson High School. “Tayo ay nabubuhay sa isang lipunan kung saan ang mga damdamin ng pisikal at emosyonal na katiwasayan ay hinahamon at umuunti.” Tinatawag itong “balance of terror” sa mga paaralan, ganito pa ang sabi ni Bruce Irushalmi, direktor ng tanggapan tungkol sa kaligtasan sa paaralan: “Ito’y gaya ng pagsasabing, ‘Ang mga Ruso ay may ganitong missile kaya dapat ay mayroon ako ng missile na ito.’”
Dumarami ang mga Takas
Ang bilang ng mga takas (refugee) sa buong daigdig na nangangailangan ng proteksiyon at tulong ay dumami mula 7.8 milyon noong 1983 tungo sa 9.1 milyon noong 1984, ayon sa World Refugee Survey ng United States Committee for Refugees. At ang suliranin ng mga takas ay lumala rin. Nasaksihan noong nakaraang taon ang “malupit na mga pandarambong sa dagat, armadong pagsalakay sa mga kampo ng takas, mga akto ng sapilitang pagbalik o pagtanggi sa mga hangganan, walang-patawad na pagpiit at pagpapakita ng xenophobia [takot at poot sa mga dayuhan] sa mga takas,” sabi ng United Nations High Commissioner for Refugees.
Pagbaha ng Bisikleta sa Tokyo
Ang problema sa trapiko sa Tokyo ay mga bisikleta, hindi mga kotse. Ang Hapon ay may “55 milyong mga bisikleta—mahigit na doble sa bilang ng mga kotse,” sabi ng The Atlanta Journal and Constitution, na halos ay “isa sa bawat dalawang Hapones, kasali na ang mga sanggol at ang matatanda.” Sa mahigit 5.6 milyon na mga ito sa Tokyo lamang, ang mga bisikleta ay ipinaparada kahit na saan. Kung minsan, “anim o higit pa ang nakahilera,” hinaharangan ang mga lansangan. Ito ay nagdulot ng problema kapuwa sa maliit at malaking mga negosyo. “Nawalan kami ng mga parokyano na dumarating sakay ng kotse sapagkat ang kalye ay ganap na nasarhan,” sabi ng isang opisyal ng lokal na bangko. Pagkatapos ng isang surbey kamakailan tungkol sa ilegal na ipinaradang mga bisikleta, 28,000 ang nakuha ng mga pulis sa Tokyo. Gayumpaman, patuloy na bumabalik ang mga bisikleta.
Pinipili ang Pagsusunog ng mga Bangkay
“Tipirin ang Lupa para sa mga Nabubuhay” ang sawikain na nagtanda sa unang pormal na pagsusunog ng bangkay sa Britaniya noong Marso 26, 1885. Mula noon, halos 11 milyong mga pagsusunog ng bangkay ang naganap. Ang dami na 67-porsiyento na mga pagsusunog ng bangkay ng Britaniya ang isa sa pinakamataas sa daigdig, ulat ng The Associated Press. Ito ay nagtatanda ng isang pagkalaki-laking pagsulong mula noong 1940 nang 3.8 porsiyento lamang ang sinunog na bangkay sa Britaniya. Ang dahilan dito? “Ang lupa ay napakahalaga,” sabi ng kalihim ng Cremation
Society, si Roger Arber. Sa kabaligtaran, halos 13 porsiyento lamang ng mga Amerikano ang nagsusunog ng bangkay samantalang sa mga taga-New Zealand ito ay 52 porsiyento, sa mga taga-Sweden 55 porsiyento, at sa mga taga-Denmark ay 60 porsiyento, sabi niya.Palsipikadong Medisina
Ang palsipikadong medisina ay ginagawa sa maraming mga bansa ulat ng The Observer ng London, Inglatera. Ang walang lamáng mga kapsula ay kinukuha at “nilalagyan ng ‘hindi gaanong mabisang’ gamot—o maaari pa ngang lubhang mapandayang mga timpla na gaya ng aspirin at gawgaw.” Saka ikinakabit sa mga pakete ang palsipikadong mga tatak ng internasyonal na mga kompaniya ng gamot. “Dahilan sa malubhang kakulangan ng mga dolyar,” sabi ng The Observer, “nakikita ng mga manghuhuwad ang Aprika bilang madaling target.”