Ang Babaing Bakal na Nanununghay sa Paris

Ang Babaing Bakal na Nanununghay sa Paris

Ang Babaing Bakal na Nanununghay sa Paris

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Pransiya

“BONJOUR, Pierre! Maligayang pagdating sa Paris! Sana’y masiyahan ka sa iyong bakasyon. Ano ang nais mong unang makita?”

“Ang Eiffel Tower!”

“Mabuti. . . . Narito na tayo. Hanga ka ba?”

“Talaga!”

“Hindi ako nagtataka. Talagang siya’y kahanga-hanga sa sinuman! Ang matandang babae ay mahigit na 1,000 piye (305 m) ang taas, suot ang kaniyang TV-antena na sombrero.”

“Ngunit ano ba ang silbi ng ganiyang napakalaking kayariang bakal?”

“Ang tanong na iyan ay nangangailangan ng ilang detalye. Habang pumipila tayo para sa ating tiket sa elebeytor ilalahad ko sa iyo ang kaunting kasaysayan. Mga isang daang taon na ang nakalipas ipinasiya ng mga autoridad na Pranses na mag-organisa ng isang internasyonal na pagtatanghal upang gunitain ang sentenaryo ng Rebolusyong Pranses (1789). Ang lokal na mga autoridad ng Paris ay humingi kay Alexandre Gustave Eiffel, isang bantog na inhinyero sibil, ng isang mungkahi. Sinuring mabuti ni Eiffel ang kaniyang salansan at iniharap niya ang isang proyekto na noon lamang tumawag ng kaniyang pansin, alalaon baga’y ang 984-piye (300-m) na toreng bakal.

“Nasumpungan ng Komite sa Pagtatanghal ang proyekto na interesante at nag-organisa ng paligsahan para sa mga proyekto sa pagtatayo. Lahat ng uri ng malayong-mangyaring mga ideya ay iniharap, gaya ng isang dambuhalang gilyotina upang gunitain ang Rebolusyong Pranses. Ang isa pang proposisyon ay isang masoneryang tore, ngunit ipinakikita ng mga tantiya at nakaraang karanasan na napakahirap gumawa ng isang kayariang bato na tataas pa sa 555-piye (169-m) na Washington Monument na pinagsikapang tapusin ng Estados Unidos ng mga ilang taon na mas maaga. Sa wakas ay napili ang proyekto ni Eiffel. Ngunit, kakatuwa, ang unang ideya tungkol sa tore na nagpatanyag sa kaniya ay hindi kaniyang ideya.”

“Ang ibig mong sabihin hindi dinisenyo ni Eiffel ang kaniyang tore?”

“Tama. Bagaman siya ang nagtayo nito, ang tore ay unang dinisenyo ng dalawa sa kaniyang kasamang manggagawa, sina Maurice Koechlin at Emile Nouguier. Gayunman, makabubuting tiyakin na ang kahanga-hangang gawa ng pagtatapos sa tore sa loob ng dalawang taon ay posible lamang sapagkat ikinapit ang pamamaraan sa pagtatayo ni Eiffel, at iyan ang isang dahilan kung bakit ang kaniyang proyekto ay napili ng Komite sa Pagtatanghal.”

“Kilalang-kilala ba si Eiffel kahit na bago ang pagtatayo ng kaniyang tore?”

“Oo. Siya ay naging tanyag sa kaniyang pagkalaki-laking mga tulay na bakal, gaya ng Maria Pia Bridge sa Douro River sa Oporto, Portugal. Tinapos din niya ang viaducto na riles ng tren sa Garabit sa timog sentral ng Pransiya, ginagawa itong ang pinakamataas na nakaarkong tulay, tumataas ng 400 piye (122 m) sa ibabaw ng tubig. At hindi dapat kaligtaan na gumanap din siya ng malaking bahagi sa pagtatayo ng balangkas na bakal na sumusuporta sa isa pang bantog-daigdig na monumento, ang Statue of Liberty.

“Sa lahat ng mga pagtatayo ni Eiffel, ang hangin ang pangunahing problema. Sa pagtatayo ng Eiffel Tower, ginamit niya ang dati niyang paraan, paggawa na may sala-salabat na maninipis na tahilan (girders).”

“Natitiyak mo ba na walang panganib kung may unos?” nangangambang tanong ni Pierre.

“Huwag kang mag-alala! Ang pagkalakilaking toreng bakal ay hindi gaanong apektado ng hangin. Kahit na sa unos na mahigit 110 milya isang oras (180 km/hr)​—ang pinakamalakas na naitala sa Paris​—ang tore ay gumalaw lamang ng 4.7 pulgada (12 cm). Sa katunayan, mas apektado ito ng araw. Ang panig na nakabilad sa init ng araw ay bahagyang lumalaki, pinangyayari ang tuktok ay kumilos ng mga 7 pulgada (18 cm).

“Gayunman, ang tore ay may kagaangan. Ang bigat nito ay wala pang 7,700 tonelada (7,000 metrikong tonelada) sa simula! Upang ilarawan, isang modelong sumusukat ng 12 pulgada (30 cm) ang taas ay titimbang lamang ng sangkapat ng isang onsa (7 g)! Sa katunayan, may kaugnayan dito, ang bigat na dinadala sa bawat pulgada kuwadrado sa bawat isa sa apat na pundasyon nito ay hindi hihigit sa bigat na dinadala ng mga paa ng isang silyang inuupuan ng isang katamtamang-laki na tao.

“Upang matapos ang toreng ito sa itinakdang panahon, malawakang ginamit ni Eiffel ang prepabrikadang mga bagay. Ang mga butas ng rimatse ay dati nang binutasan sa eksaktong lugar, at dalawang ikatlo ng 2,500,000 mga rimatse ay inaayos nang patiuna. Walang prepabrikadang tahilan ang tumitimbang ng mahigit na tatlong tonelada, ginagawang mas madali ang pagtataas ng mga pirasong bakal sa puwesto. Ang matataas na grua (crane) ay ginamit sa simula, at nang tumataas na ang kayarian, humalili na ang napakahusay na mga mobile crane ni Eiffel. Itinaas nito ang ‘mga baranda’ na gagamiting mga elebeytor sa dakong huli. Ang gayong maayos na pagpapatakbo ay nakatulong sa kaligtasan, na isa sa pangunahing pananagutan ni Eiffel. Sa buong panahon ng pagtatayo walang nakamamatay na aksidente ang naganap, tunay na isang kahanga-hangang gawa noon​—at maging sa ngayon!”

“Ngunit paano nila nailagay na lahat iyon?”

“Bueno, magsimula tayo sa ibaba! Dahilan sa kalapitan ng Ilog Seine, ginamit ni Eiffel ang paraan na ipinakilala niya sa pagtatayo ng tulay. Ang bawat isa sa 16 na pundasyong caisson ay may silid na hindi pinapasok ng tubig sa paggamit ng compressed na hangin. Kaya ang mga manggagawa ay nakapaghuhukay at naaalis ang eskombro at lupa na hindi nahahadlangan ng pagtagas ng tubig.

“Si Eiffel at ang kaniyang mga tauhan ay hindi rin nabahala sa taas ng tore, sapagkat sanay sila sa mapanganib na mga kalagayan sa pagtatrabaho. Balintuna, isa sa pinakamapanganib na problema para kay Eiffel ay ang unang plataporma. Malalaking andamyong kahoy ay ginamit upang suhayan ang apat na nakahilig na piyer at pagkalalaking mga tahilan sa unang plataporma. Ang itaas ng apat na piyer ay nakasalalay sa mga konong metal na punô ng buhangin. Sa unti-unting pagpapalabas ng buhangin, ang piyer ay maaaring ibababa sa puwesto. Ang karagdagang mga hydraulic jack sa mga pundasyon ng piyer ay nagpahintulot sa pangwakas na pag-aayos ng apat na haligi, sa gayo’y inihahanay ito sa balangkas na bakal ng unang plataporma.

“Minsang ang plataporma ay ganap na pahalang, ito ay matibay na ikinabit sa mga piyer at ang mga jack ay inalis. Saka maaari nang simulan ang pagtatayo sa tore mismo. Marahan ngunit tiyak, ang gawain ay sumulong, na hinangaan at kinamanghaan ng mga Parisiano na nagmamasid sa pagtaas ng tore. Sa gayon, noong Marso 31, 1889, wala pang 26 na mga buwan pagkatapos simulan ang paghuhukay, inanyayahan ni Eiffel ang ilang mas atletikong matataas na pinuno sa 1,710 baitang tungo sa tinatawag niyang isang ‘impormal na pagdiriwang sa lugar ng trabaho’ upang pasinayahan ang tore. Ngunit huwag kang mag-alala, Pierre, aakyat tayo sa pamamagitan ng elebeytor!”

“Narito na! Diretso ba tayo sa itaas?” sabik na tanong ni Pierre.

“Hindi, kailangang magpalit tayo ng elebeytor sa ikalawang plataporma. Sa katunayan, kahit na ang ikalawang elebeytor ay hindi nagtutungo sa tuktok, kundi tayo ay magtutungo 900 piye (275 m) paitaas, at ang tanawin ay kahanga-hanga. Sa maaliwalas na araw, makikita mo hanggang sa 40 milya (65 km). Gaya ng makikita mo, sa unang elebeytor tayo ay papaitaas sa mga haliging bakal. Ito ay nagharap ng tunay na problema, sapagkat kinailangan nito ang isang sistema na magpapangyari sa elebeytor na kumurba sa pagitan ng una at ikalawang mga plataporma. Isang kompaniya lamang, ang kay Otis, ang nakalutas sa problema at sa wakas ay napili na siyang gumawa ng elebeytor.

“Kamakailan, ang dating hydraulic na elebeytor ay halinhan ng apat na modernong elebeytor na de koryente. Sa gayon sumaklolong muli ang teknolohiya, gaya ng ginawa nito noon; kung hindi ang magandang silweta ng babaing bakal ay hindi makikita sa Paris.”

“Ano ang ibig mong sabihin?”

“Ipaliliwanag ko. Ang orihinal na kontrata na nilagdaan kasama si Eiffel ay nagtakda na ang tore ay dapat na kalasin pagkalipas ng 20 taon. Ngunit noong 1903 ginamit ito ni Heneral Ferrié, isang tagapagbunsod sa wireless telegraphy, para sa kaniyang mga eksperimento. Kaya ang tore ay pinapanatili sa militar na mga layunin. Noong 1921 ang unang radyo brodkast na narinig ay inihatid mula sa Eiffel Tower. Mula noong 1922 patuloy, regular na mga programa ay ibinobrodkast mula sa Radio Tour-Eiffel. Ang tore ay nagsilbi rin bilang mast ng telebisyon sa loob halos ng 30 taon at, kasama ang antena, ito ay sumusukat na 1,052 piye at 4 na pulgada (320.75 m). Sa loob ng mahigit na 40 taon ang Eiffel Tower ang pinakamataas na gawang-taong kayarian sa daigdig, hanggang sa ito’y lagpasan noong 1930 ng Chrysler Building sa New York.”

“Ano kaya ang palagay ng mga Parisiano mismo tungkol sa Eiffel Tower?”

n“Iba-iba ang palagay sa loob ng mga taon, mula sa pag-ibig hanggang sa pagkapoot. Noong 1887, isang pangkat ng bantog na mga manunulat na gaya nina Alexandre Dumas (anak) at Guy de Maupassant, at ng kompositor na si Charles Gounod, ay lumagda ng isang liham ng protesta na sumusumpa sa tinatawag nilang ‘lubhang katawa-tawang tore na nangingibabaw sa Paris na parang isang dambuhalang tsimenea ng pabrika.’ Sabi pa nila: ‘Sa loob ng dalawampung taon matatanaw natin ang nakasusuklam na anino ng pangit na haliging bakal at mga tornilyo na kumakalat na parang isang mantsa ng tinta sa buong lunsod.’

“Ngunit ang gayong damdamin ay humuhupa na ngayon, natatanggap na ng mga Parisiano ngayon ang Eiffel Tower bilang isang bahagi ng tanawin sa Paris. Napagtiisan ng babaing bakal ang pagsubok ng panahon, dahilan din sa 57 tonelada ng pinturang ginagamit sa pagpapaganda tuwing ikapitong taon. Sa 1989 ipagdiriwang niya ang kaniyang sentenaryo.

“Oo, hindi lahat ay nakakikita sa Eiffel Tower na gaya ng pagkakita rito ng makata na inihambing siya sa isang ‘babaing pastol’ sa gitna ng kaniyang ‘kawan na mga tulay [sa Paris].’ Gayumpaman, gaya mo, si Pierre, at ang mga turista sa lahat ng panig ng daigdig ay literal na ‘nagkakalipumpon’ upang masdan siya​—mahigit na tatlong milyong katao sa isang taon! Ang iba ay umaakyat upang pagmasdan ang tanawin. Ang iba naman ay interesado sa pagbili ng mga subinir mula sa iba’t ibang tindahan, o basta magpadala ng isang post card mula sa isang pantanging tanggapan ng koreo doon sa unang plataporma. Ang iba naman ay nagtatagal upang masiyahan sa isang karaniwang pagkaing Pranses sa isa sa mga restauran sa una o ikalawang plataporma.”

“Maraming salamat sa iyong pagpapasyal sa akin at sa lahat ng mga detalyeng iyon. Kapag nakita kong muli ang aking mga kaibigan, tiyak na sasabihin ko sa kanila na nakilala ko ang isang napakataas na matandang babae na halos isang daang taon na, matatag pa sa kaniyang mga paa habang siya’y nanununghay sa Paris.”

[Blurb sa pahina 14]

Inanyayahan ni Eiffel ang ilang mas atletikong matataas na pinuno sa 1,710 baitang upang pasinayahan ang tore

[Blurb sa pahina 15]

Ang orihinal na kontrata ay nagtakda na ang tore ay kalasin pagkatapos ng 20 taon

[Larawan sa pahina 13]

Ang sala-salabat na gawang-bakal ay gumagawa sa tore na magaang para sa laki nito