Pumunta sa nilalaman

PEBRERO 23, 2018
RUSSIA

Pinahaba ng Korte sa Oryol ang Pagkakabilanggo ni Dennis Christensen Habang Wala Pang Hatol

Pinahaba ng Korte sa Oryol ang Pagkakabilanggo ni Dennis Christensen Habang Wala Pang Hatol

Noong Pebrero 22, 2018, si Judge Aleksey Rudnev ng Zheleznodorozhniy District Court sa Oryol ay nagdesisyon na panatilihing nakabilanggo si Dennis Christensen hanggang sa Agosto 1, 2018 habang wala pang hatol ang korte. Kinasuhan si Mr. Christensen dahil sa pag-oorganisa ng gawain ng isang relihiyon na idineklarang ekstremista. Inaresto siya habang nasa isang Kristiyanong pagtitipon na ni-raid ng mga pulis noong Mayo 2017.

Nagsimula ang preliminary hearing noong Pebrero 19, at hindi muna nagbaba ng hatol ang hukom sa mga mosyon na iniharap ng magkabilang panig. Pero sa pagdinig noong Pebrero 22, hindi tinanggap ng hukom ang lahat ng mosyon na iniharap ng mga abogado ni Mr. Christensen at nagdesisyon na pahabain pa ang kaniyang pagkakabilanggo habang nililitis. Magsisimula ang paglilitis sa Pebrero 26, 2:30 n.h.

Nag-aalala ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo para kay Mr. Christensen at nananalangin na maging maayos pa rin ang kalagayan ng asawa niya, si Irina, kahit wala ang suporta niya. Siyam na buwan na siyang nakakulong habang hinihintay ang paglilitis sa kaniya.