Manatiling may Positibong Saloobin
Manatiling may Positibong Saloobin
MAAGA pa noong isang umaga ng tag-araw. Subalit ang araw sa Gitnang Silangan ay sumisikat na nang maaliwalas nang isang ama ang tumanggap ng malungkot na balita. Ang kaniyang panganay na anak na lalaki, 22 anyos, ay namatay sa isang aksidente ng awto noong lumipas na gabi.
Paano ka kaya maaapektuhan ng ganiyang balita? Dahilan sa ang mga miyembro ng pamilya ay totoong malapit sa isa’t isa, ganiyan sila sa Gitnang Silangan, lungkot na lungkot ang mga magulang. Para ngang magiging natural para sa kanila ang magkaroon ng labis na sama ng loob dahil sa biglaang kasawiang ito. Subalit, sa ipinagtaka ng sambayanan, sila’y nagpakita ng isang matibay na positibong saloobin, kahit na noong unang araw. Bagama’t sila’y lubhang nalulungkot, lubusan ang kanilang pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jehova na buhayin ang kanilang anak sa Kaniyang itinakdang panahon. Kanilang inaasam-asam ang ipinangako ng Diyos na bagong sistema na kung saan “hindi na magkakaroon ng kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Kahit na ngayon, makalipas ang maraming taon, ang mga nakakakilala sa pamilyang iyan ay nag-uusap-usapan pa rin tungkol sa saloobin ng mga magulang na iyon at sa kanilang ulirang pananampalataya.
Ano ba ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng isang saloobing positibo? Ang isang taong gayon ay nananatiling timbang sa kabila ng nagbabagong mga kalagayan. Kahit na sa mga kalagayang mahirap batahin ay hindi umaasim ang kaniyang kalooban, at pinangingibabawan ng negatibong mga kaisipan. Paano nga nangyayari ito? Para sa kasagutan isaalang-alang natin ang mga ilang halimbawa sa Bibliya.
Pagka Napaharap sa Pagkatakot sa mga Tao
Noong taong 1512 B.C.E., nang ang bansang Israel ay nasa ilang ng Paran, si Moises ay nagsugo ng 12 mga espiya upang magsiyasat sa Lupang Pangako. (Bilang 13:17-20) Lahat ng mga espiya ay mga puno sa kani-kanilang tribo—mga lalaking may impluwensiya na dapat sanang maging mabubuting halimbawa. (Bilang 13:1, 2) Subalit anong laking kahihiyan! Pagkaraan ng 40 mga araw, sampu sa kanila ang nagbigay ng di-kanais-nais na ulat na anupa’t ang mga Israelita ay naghimagsik laban sa patnubay ni Jehova at ibig nilang bumalik sa Ehipto! “Ang mga taong naninirahan sa lupain ay malalakas,” ang sabi ng mga espiya. “Hindi tayo makakaakyat laban sa bayan.”—Bilang 13:28, 31.
Isang tunay na saloobing negatibo! Ibang-iba naman ang positibong saloobin ni Josue at ni Caleb, ang dalawang natitirang espiya: “Ang lupain na aming dinaanan upang tiktikan ay isang napakainam na lupain. Kung kalulugdan tayo ni Jehova, tunay na dadalhin niya tayo sa lupain na ito at ibibigay niya ito sa atin, isang lupain na inaagusan ng gatas at pulot.” (Bilang 14:7, 8; 13:30) Ang dalawang grupong iyan ay magkakaparehong bagay ang nakita samantalang sila’y naniniktik sa lupain. Subalit anong laki ng ipinagkakaiba ng kanilang saloobin! Ang negatibong saloobin ng sampung espiya ay nakaapekto sa buong bansa, at sila’y nagsimulang nagreklamo. Ang resulta ay ang pagkamatay sa ilang ng lahat ng mga nasa edad na mahigit na 20 anyos. Tanging si Josue at si Caleb, dahilan sa kanilang positibong pagtitiwala kay Jehova, ang nagkapribilehiyo na pumasok sa Lupang Pangako. (Bilang 14:22-30) Ang kanilang halimbawa ay dapat magpatibay-loob sa atin sa kaarawang ito na manatiling tapat at may positibong saloobin pagka ang pag-uusig o pananalansang ay dumating o lumubha.
Sa isang bansa na doo’y matagal nang bawal ang gawain, isang espesyal payunir ang ibinilanggo at pinagmalupitan. Ganito ang kaniyang sinabi: “Mientras pinahihirapan ako ng mga pinuno roon, lalo namang nadarama kong ako’y mas malapit kay Jehova. Umawit ako ng mga awiting pangkaharian. Binuhay ko sa aking alaala ang lahat ng mga teksto na alam ko. Natalos ko na, bagama’t ito’y pinapayagan ni Jehova na mangyari, may kapangyarihan siya—anumang oras—na palayain ako. Lahat na ito ay tumulong sa akin na magkaroon ng positibong saloobin. Tulad ng mga apostol, ikinagalak ko pa na ako’y gulpihin alang-alang
sa Kataas-taasang pangalan ni Jehova. Palaging nananalangin ako na tulungan ako ni Jehova para lumakas ako. Siya’y tumulong naman sa akin kung kaya’t ang unang hampas lamang ang masakit. Ginamit ko ang lahat ng pagkakataon upang mangaral sa mga ibang preso.”Pagkatapos na siya’y makalaya sa piitan, ang Kristiyanong ito ay nagsabi: “Yamang ang ating buhay ay inialay natin kay Jehova at tayo’y nangako na mananatiling tapat sa kaniya, dapat tayong magpatuloy ng paglilingkod sa kaniya sa kabila ng anumang mga kahirapan. Siya’y karapat-dapat sa ating pagsamba at lubos na debosyon.”
Tayo man naman ay maaaring mapaharap sa nakakatulad na pananalansang sa hinaharap. Tayo’y maging disidido rin na huwag matakot sa mga tao. Manatiling may positibong saloobin, at gaya nina Josue at Caleb, maraming mga pagpapala at kagantihan ang tatamuhin natin.
Pagka Nawalan ng mga Pribilehiyo sa Paglilingkod
Si Moises, bilang lider ng bansang Israel, ang siyang nagsugo sa 12 mga espiya. Siya ang nanguna sa bansa para makalaya sa Ehipto at marahil inaasahan niyang siya ang mangunguna sa kanila patungo sa Lupang Pangako. Gayunman, naiwala ni Moises ang pribilehiyong iyan nang, sa isang sandali ng pagkayamot, hindi niya dinakila ang pangalan ni Jehova. (Bilang 20:2-13) Paano ngayon tumugon si Moises? Sa isang awit na kaniyang nilikha nang malaunan, sinabi niya: “Aking ipahahayag ang pangalan ni Jehova . . . Ang Bato, sakdal ang kaniyang mga gawa, sapagkat lahat ng kaniyang daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y walang kalikuan; matuwid at banal siya.” (Deuteronomio 32:3, 4) Taglay ni Moises ang positibong saloobin, bagaman naiwala niya ang isang mahalagang pribilehiyo ng paglilingkod!
Tutulong sa atin na tandaan ang karanasang ito ni Moises sakaling tayo’y mapaharap sa isang nakakatulad na kalagayan. Baka mangyari na ang isang lupon ng matatanda sa kongregasyon ay magrekomenda na alisin sa tungkulin ang isang matanda o isang ministeryal na lingkod, marahil dahil sa nagkulang siya ng isa o higit pa ng mga kuwalipikasyong maka-Kasulatan na kahilingan para sa ganitong pribilehiyo ng paglilingkod. Baka isipin ng kapatid na hindi siya dapat alisin, at siya’y magdamdam, at gumawa ng di-kinakailangang panliligalig. Palibhasa’y mayroon siyang negatibong saloobin, baka siya’y magsimulang magreklamo, na sinisisi ang iba, at nagtitsismis pa man din. Sa bandang huli, baka huminto na siya ng pagdalo sa mga pulong at ng pakikibahagi sa pangangaral. Anong samang kalagayan na kahulugan! Mas magaling ang manatiling may positibong saloobin at ituring ang pagkaalis na iyon na isang pagdisiplina o pagsasanay upang maging isang lalong mahusay na lingkod ni Jehova. Makabubuting samantalahin niya ang pagkakataon na mag-aral at magbulaybulay sa Salita ng Diyos upang kamtin niyang muli ang kinakailangang kuwalipikasyon para sa paglilingkod sa Kaniya nang puspusan. Marami na gumawa ng ganiyan ang nang bandang huli’y pinagpala at nabigyan ng lalong malalaking pribilehiyo ng paglilingkod.—Hebreo 12:11.
Pagka May Nangyaring Di-inaasahang mga Pagbabago
Ang buhay ay punô ng di-inaasahang mga pagbabago. Baka ito ay maging dahilan upang ang iba ay masiraan ng loob at magkaroon ng negatibong saloobin. Ano ba ang ikinilos mo nang ang isang bagay ay hindi lumabas nang gaya ng inaasahan mo? Kahit na ang maliliit na pangyayari ay maaaring makasira ng ating loob kung papayagan natin ang gayon. Subalit huwag kalilimutan kailanman: Ang pananatiling may positibong saloobin ay tutulong sa iyo na humarap nang lalong mainam sa nagbagong kalagayan.
Ang isang mabuting halimbawang dapat tandaan ay yaong kay Ruth. Siya’y nabiyuda nang maaga, ngunit siya’y sumama sa kaniyang biyenan, si Noemi, nang matapos na ang taggutom doon. Wala siyang asawa na susuporta sa kaniya sa buhay, gayunman ay nanatiling positibo ang kaisipan ni Ruth. Masayang lumabas siya upang mamulot ng trigo sa bukid upang siya at ang kaniyang biyenan ay may makain. Hindi siya pinanghinaan ng loob dahilan sa mabigat na trabaho. Hindi siya nagkaroon ng negatibong saloobin, na naghihinagpis dahilan sa namatay ang kaniyang asawa at ngayon ay malayo siya sa kaniyang pamilya at mga kaibigan. At gaya ng ipinakikita ng ulat, siya’y saganang pinagpala ni Jehova dahil sa kaniyang mabuting iginawi.—Ruth 4:13-17.
Kung Paano Mananatiling May Positibong Saloobin
Ang pananatiling may positibong saloobin ay mahirap para sa iba. Ang mga kabalisahan sa buhay, lalo na sa maligalig na panahong ito, ay maaaring mag-alis sa isa ng kagalakan—lalo na kung hindi malutas-lutas ang mga problema. Gayunman kahit na sa mga kalagayang di-kaaya-aya, ang isa ay maaaring manatiling may positibong saloobin. Marami ang gumawa ng gayon sa mga kalagayang mahirap batahin. Paano tayo makagagawa ng ganoon din?
Sikaping huwag panatilihin ang isip sa negatibong mga bagay. Kahit na kung panahon ng di-kawasang mga kahirapan, mayroon pa ring mga positibong bahagi iyon. Ang mga apostol ay malimit na pinag-uusig o ibinibilanggo, ngunit sila ay maligaya pa rin na pumupuri kay Jehova. (Gawa 13:50-52; 14:19-22; 16:22-25) Maaari nating bulaybulayin ang ginawa nila at ng iba pang mga tapat na lingkod ni Jehova noong mga panahon ng pagsubok at magkaroon ng aral para sa ating sariling pamumuhay. Bakit nga ba sila masasaya at positibo? Sapagkat sila’y may lubos na pagtitiwala at pananampalataya kay Jehova. Sila’y nagtiwala sa kaniyang kakayahan na muling-buhayin at gantihin sila. (Apocalipsis 2:10) Sa ganoon ding paraan, pamalagiing malinaw sa iyong isip ang pag-asa sa matuwid na bagong sistema ni Jehova.—Ihambing ang Hebreo 12:2.
At, laging suriin natin ang ating sarili, baka tayo’y pasukan ng negatibong mga kaisipan at mag-ugat iyon sa ating mga puso. Anong laking kabutihan ang manatiling malapit kay Jehova at manalangin na tulungan tayo kung tayo’y pinanghihinaan ng loob! (Awit 62:8) Tayo’y maaari ring patulong sa mga hinirang na matatanda. Pagyamanin ang kapakumbabaan at pagsunod. (Awit 119:69, 70) Magtakda ng maiinam na mga tunguhin na maaari mong marating sa buhay. Lahat ng mga mungkahing ito ay tutulong sa atin na manatiling may positibong saloobin at magkaroon ng “kapayapaan ng Diyos” na ‘mag-iingat sa ating puso at kaisipan.’—Filipos 4:6, 7.
Totoo, hindi laging madali na magkaroon ng positibong saloobin. Gayunman, sa pamamagitan ng masikap na pagsunod at pagkakaroon ng matibay na pananampalataya, maaaring mapagyaman ang ganiyang saloobin. Kaya, anuman ang ating kalagayan, lahat tayo’y maging disidido na manatiling may positibong saloobin. Kailanman ay hindi ito isang kalugihan para sa atin kundi, sa halip, magdudulot ng maraming kasiya-siyang kagantihan ngayon at sa hinaharap.
[Larawan sa pahina 29]
Manatiling may positibong saloobin, at maraming pagpapala at kagantihan ang tatamuhin mo