Nakatawid sa Kontinente Makalipas ang Mahigit 120 Taon

Nakatawid sa Kontinente Makalipas ang Mahigit 120 Taon

Nakatawid sa Kontinente Makalipas ang Mahigit 120 Taon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

NOONG Pebrero 3, 2004, isang tren na may habang mahigit isang kilometro ang dumating sa Darwin Railway Station sa Hilagang Teritoryo ng Australia na may maliit lamang na populasyon. Libu-libo katao ang naroroon para ipagdiwang ang pagdating nito. Binansagang The Ghan ang tren na ito na kakukumpleto pa lamang sa kauna-unahang biyahe nito mula sa timog hanggang hilaga ng kontinente. Inabot nang dalawang araw ang 2,979-na-kilometrong paglalakbay na ito.​—Tingnan ang kahon na “Bakit The Ghan?,” sa pahina 25.

Mahigit 2,000 manonood na may mga kamera ang nagdagsaan sa kahabaan ng riles, kaya kinailangang magdahan-dahan ang tren habang papasok ito sa lunsod ng Darwin. Dahil dito, nahuli nang mga 30 minuto ang pagdating nito. Pero walang sinumang nagreklamo. Tutal, mahigit 100 taon na itong hinihintay ng mga mamamayan. Inabot nang 126 na taon bago natapos ang riles na ito na mula Adelaide hanggang Darwin. Bumabagtas ito sa pinakatigang, pinakamainit, at pinakaliblib na mga lugar sa lupa.

Kung Bakit Kailangan ang Riles

Noong huling mga taon ng dekada ng 1870, pinangarap ng maliit na pamayanan ng Adelaide, na nasa silangan ng malawak na look na tinatawag na Great Australian Bight, na magbukas ng isang mas mahusay na ruta ng kalakalan patungong hilaga at mapaunlad ang kanilang ekonomiya. Natapos ng Estados Unidos noong 1869 ang kanilang proyektong pagtatayo ng riles na mag-uugnay sa kanluran at silangang bahagi ng bansa. Iyan din ang nasa isip ng mga mamamayan ng Adelaide kaya gusto nilang gumawa ng riles na mag-uugnay sa kanilang pamayanan at sa Port Darwin, ang tawag noon sa lunsod ng Darwin. Kung magagawa ang proyektong ito, hindi lamang mapadadali ang paglalakbay sa liblib na mga bahagi ng bansa kundi mapabibilis din ang pagbibiyahe patungong Asia at Europa.

Madali itong isipin pero napakahirap gawin, dahil daraan ang riles sa makakapal na palumpungan, mabatong mga disyerto, burol, at kabundukan. Ang ilang bahagi pa nga ng disyertong ito ay lumulubog sa putik o baha kapag umuulan. Pagkatapos ng dalawang bigong pagtatangka, natawid din ng manggagalugad na si John Stuart ang mapanganib na lugar na ito noong 1862. Pero muntik na siyang mamatay pati na ang kaniyang mga kasama dahil sa gutom at uhaw.

Nakapapasong Init, Buhawi na May Dalang Buhangin, at Rumaragasang Baha

Sa kabila ng mga hamon, hindi nasiraan ng loob ang mga mamamayan ng Adelaide. Noong 1878, sinimulan nila ang proyekto sa Port Augusta. Mga kabayo, kamelyo, at manu-manong mga kagamitan lamang ang ginamit ng 900 trabahador sa paglalatag ng riles pahilaga sa daan na ginawa ng mga Aborigine at paakyat sa Flinders Ranges. Tamang-tama ang rutang iyon dahil doon lamang may mga balon na mapagkukunan ng tubig para sa tren na pinatatakbo ng singaw.

Inabot nang dalawa at kalahating taon ang paglalatag ng unang 100 kilometro ng riles. Kapag tag-araw, tumataas nang hanggang 50 digri Celsius ang temperatura. Dahil sa tindi ng init, nagbibitak-bitak ang kuko ng mga trabahador, natutuyo ang tinta ng pluma bago pa man ito maisulat sa papel, at nababaluktot ang riles. Madalas madiskaril ang tren. Kapag dumaraan naman ang mga buhawi na may dalang buhangin, kailangang alisin ng mga trabahador ang mga bunton ng buhangin na tumabon sa kahabaan ng riles. May ilang bunton na dalawang metro ang taas. Kadalasan, napapatunganga na lamang ang mga trabahador kapag muling dumaan ang buhawi na may dalang buhangin at nabale-wala ang kanilang pinaghirapan.

Pagkatapos ng tagtuyot, bigla namang uulan. Sa loob lamang ng ilang minuto, ang tigang na mga ilog ay nagiging rumaragasang baha na bumabaluktot sa mga riles. Nawawalan ng saysay ang pinagpaguran ng mga trabahador at naaantala ang biyahe ng tren. Isang opereytor ng tren ang namaril ng maiilap na kambing para mapakain ang mga pasahero. May pagkakataon na gumamit pa nga ng parasyut para madalhan ng pagkain ang mga pasahero ng hindi makaabanteng tren.

Pagkatapos ng ulan, sisibol naman ang mga halaman sa disyerto na kinukuyog ng mga balang. May pagkakataong naging napakalagkit ng riles dahil sa nagkapisa-pisang mga balang kaya kinailangan pa ng karagdagang lokomotora para itulak ang tren. Problema rin ang pesteng mga daga. Nginangatngat ng mga dagang ito ang anumang makakain nila​—mga suplay sa kampo, lona, panali ng hayop, at maging mga sapatos. Isang sementeryo sa gilid ng riles ang nagsisilbing paalaala sa nangyaring epidemya ng tipus na dulot ng maruming kapaligiran sa kampo noong nagsisimula pa lamang ang proyekto.

Mahilig magbiro ang mga crew ng tren. Nang salutin ng napakaraming kuneho ang Alice Springs, patago silang nagpasok ng mga kuneho sa The Ghan. Kinaumagahan, paglabas ng mga pasahero sa kuwarto para mag-almusal, “punung-puno ng nagtatalunan at nagtatakbuhang mga kuneho” ang pasilyo, ang sabi ng aklat na The Ghan​—From Adelaide to Alice. Sa isa pang biyahe nito, may nagpasok ng batang kanggaru sa tulugan ng mga pasahero.

Kung minsan, ang mga Aborigine na nakatira sa liblib na mga lugar ay nag-uusyoso at bahagyang lumalapit sa riles kapag dumaraan ang tren. Siyempre, ingat na ingat ang mga Aborigine at takót pa nga ang iba. Sa katunayan, inakala ng ilan sa kanila na isang dambuhalang ahas ang lumamon nang buháy sa mga pasahero!

Matagal na Pagkaantala

Makalipas ang 13 taon ng pagpapagal, 470 kilometro na lamang at aabot na ang riles sa Alice Springs nang masaid ang kanilang pondo. “Hindi na nakaya ng pamayanan [ng Adelaide] ang gayon kalaking proyekto,” ang sabi ng Australian Geographic. Noong 1911, ang pambansang pamahalaan na ang humawak at nagpatuloy sa proyekto hanggang sa makaabot ito sa Alice Springs. Gayunman, nabinbin ang plano na paabutin ang riles sa Darwin na 1,420 kilometro pa ang distansiya pahilaga.

Nang dumating ang The Ghan sa Alice Springs noong 1929, nagdiwang ang buong bayan​—mga 200 katao pa lamang noon. Humanga sila sa kainan sa loob ng tren. Pero mas humanga sila sa eleganteng banyo nito. Nang panahong iyon, hindi karaniwan at pangmayaman lamang ang tren na may bathtub. Hanggang noong taóng 1997, ang Alice Springs ang dulong terminal sa hilaga. Nang taóng iyon, nagkasundo ang lokal at pambansang pamahalaan na tapusin ang pinakahihintay na proyekto hanggang sa Darwin. Nagsimulang muli ang proyekto noong 2001.

Mga isang bilyong dolyar (U.S.) ang nakalaan para sa proyektong ito, at malalaking awtomatikong makina ang naglatag ng riles sa bilis na 1.6 kilometro kada araw. Di-kukulangin sa 90 bagong tulay na hindi kayang sirain ng baha ang ginawa. Ito ang tinaguriang “pinakamalaking proyekto sa imprastraktura ng Australia.” Natapos ang 1,420-kilometrong riles na ito noong Oktubre 2003 na mas maaga kaysa sa inaasahan, at sumobra pa ang pondong inilaan.

Kagandahan ng Ilang

Sa ngayon, ang modernong lunsod ng Adelaide pa rin ang siyang terminal ng The Ghan na bumabagtas pahilaga ng kontinente. Nagsisimula sa hapon ang biyahe nito. Paglabas ng lunsod, ang tren na may dalawang lokomotora at mga 40 bagon ay daraan sa maburol na taniman ng trigo hanggang sa Port Augusta, na halos 300 kilometro ang distansiya pahilaga. Ibang-iba na ang tanawin mula rito. Ang makikita mo lamang ay malawak at tigang na disyerto, mga halamang saltbush, at mga palumpong.

Paglampas naman sa Port Augusta, daraan ang The Ghan sa bago at matibay na riles, na mga 250 kilometro ang distansiya mula sa kanluran ng lumang riles na laging binabaha. Gabi na kapag dumaraan ang tren sa disyerto at tulog na ang mga pasahero. Tahimik na umuusad ang tren habang nadaraanan nito ang tubig-alat na mga lawa na tigang sa halos buong taon, subalit kumikislap sa liwanag ng buwan pagkatapos ng ulan. Di-mabilang na mga bituin ang kumukuti-kutitap sa maaliwalas na kalangitan. Wala kang maririnig na lagitik ng bakal sapagkat di-tulad noon, ang mga dugtungan ng riles ay nakahinang para hindi na kailanganin ang madalas na pagmamantini.

Pagputok ng araw, mamula-mula at ginintuan ang disyerto malapit sa Alice Springs. “Makapigil-hininga ang tanawin,” ang sabi ng isang pasahero. “Kahit nasa loob ka ng tren, mararamdaman mo ang kapangyarihan ng haring araw. Sumisikat ito sa makulay, tila walang-hangganan, at nakapanghihilakbot na maburol na disyerto. Manliliit ka sa lugar na ito.”

Mula sa Ilang Hanggang sa Tropiko

Pagkatapos huminto sandali sa Alice Springs sa bandang hapon, magpapatuloy ang The Ghan sa biyahe nito sa bayan ng Katherine hanggang sa hilagang terminal nito sa Darwin na nasa tropiko. Palibhasa’y naka-aircon ang tren, “buhay-mayaman ang mga pasahero ng The Ghan,” ang sabi ni Larry Ierace, ang nangasiwa sa unang pagtawid ng The Ghan sa kontinente. Pagsilip sa bintana, maguguniguni ng mga pasahero ang panganib at hirap na sinuong ng mga nagpasimula sa proyekto.

Ang The Ghan ay malaking tulong sa kalakalan at naglalaan ng isa sa pinakamaalwang biyahe sa buong daigdig. Isa itong makabagong transportasyon na bumabagtas sa liblib na lugar ng Australia. Isang 19-na-taóng-gulang na Aborigine, na nakasaksi sa kauna-unahang biyahe nito noong Pebrero 2004, ang nagsabi: “Ngayon lang ako nakakita ng tren sa buong buhay ko. Ang ganda-ganda.”

[Kahon/Larawan sa pahina 25]

Bakit The Ghan?

Ang The Ghan ay pinaikling pangalan ng The Afghan Express. Walang nakasisiguro kung bakit ipinangalan ang tren na ito sa mga Afghan na naglalakbay sakay ng mga kamelyo. Gayunman, ang pangalang ito ay nagpapaalaala sa ilan hinggil sa matipunong mga dayuhan na nakatulong para mabuksan ang daan sa ilang ng Australia. Bagaman tinatawag silang mga Afghan, marami sa kanila ang nagmula talaga sa iba’t ibang lugar, gaya ng Baluchistan, Ehipto, Hilagang India, Pakistan, Persia, at Turkey.

Nagsilbing sasakyan nila noon sa ilang ang mga kamelyo, na lumuluhod at tumatayo kapag sumisigaw ang mga Afghan ng “Hooshta!” Mga 70 kamelyo ang magkakasunod na naglalakad kapag naglalakbay ang mga ito sakay ang mga tao at kargada sa bilis na mga anim na kilometro kada oras. Nang magkaroon na ng mga riles at lansangan, hindi na kailangan ang mga kamelyo kaya pinawalan na lamang ito ng mga Afghan. Ang libu-libong kamelyong pagala-gala ngayon sa ilang ng Australia ay nagmula sa mga kamelyong iyon.​—Tingnan ang isyu ng Gumising!, Abril 8, 2001, pahina 16-17.

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Northern Territory Archives Service, Joe DAVIS, NTRS 573

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Train photos: Great Southern Railway