Pagsakay sa Alon Gamit ang mga Tambo

Pagsakay sa Alon Gamit ang mga Tambo

Pagsakay sa Alon Gamit ang mga Tambo

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PERU

Isang pambihirang kompetisyon ng surfing ang umaakit sa mga tao patungo sa dalampasigang malapit sa lunsod ng Trujillo, Peru. Sa halip na gamitin ang pamilyar na mga surfboard ng Hawaii, ang mga kalahok ay sakay ng mga “kabayong-dagat,” o caballitos del mar. Ang maliliit na sasakyang ito ay gawa sa bungkos ng mga tambong totora, na tumutubo rito. Tulad ng kayak ang hugis ng bawat isa nito ngunit may mahabang proa na nakakurba paitaas, kung kaya nasasalunga ng “kabayong-dagat” na ito ang daluyong ng alon. Habang nakasakay sa mga bangka na tulad ng mga mangangabayo, ang mga nagse-surf ay nagmamaniobra sa ibabaw ng rumaragasang alon gamit ang mga kawayang sagwan. Sinasabi ng ilang tagapagmasid na mukha silang mga hineteng nakasakay sa mga kabayo na tumatalon sa mga halang sa isang karera. Saan nagmula ang kakaibang mga sasakyang ito?

Sa ganitong mga lugar, kung saan umaabot sa dagat mismo ang disyerto, kakaunti ang mga puno, kung kaya walang gaanong kahoy para gawing mga bangka. Ang mga manggagawang tagaroon ay natuto mula sa kanilang mga ninuno kung paano gumawa ng “kabayong-dagat” sa loob lamang ng ilang minuto. Una nilang ginagawa ang matulis at pakurbang proa sa pamamagitan ng pagbubungkos sa mga totora. Ang popa ng bangkang ito ay makapal, maikli, at may maliit na lagayan ng pamingwit at imbakan ng nahuling mga isda. Hindi tinatagusan ng tubig ang mga tambong ito pero malambot at magaan ang loob nito, kung kaya magagamit ang mga ito sa paggawa ng mga bangka. Gayunman, babad na sa tubig ang mga bangka pagkalipas ng isang taon at kailangan nang itapon.

Sa pagdaan ng mga siglo, walang takot na sumakay sa malalakas na alon ng Karagatang Pasipiko ang mga mangingisdang tagaroon gamit ang gawang-kamay na mga “kabayong-dagat” na ito. Naglalaho na ang aspektong ito ng kanilang kultura. Naubos na ang mga isda dahil sa mga mangingisdang gumagamit ng industriyal na pamamaraan ng pangingisda, anupat napipilitan kung minsan ang tradisyonal na mga mangingisda na lumayo nang kilu-kilometro mula sa baybayin para makahuli ng isda. Ngunit gumagamit pa rin ng mga “kabayong-dagat” ang ilang inapo ng katutubong mga tribo para mangisda, lalo na sa panahon ng kahirapan na ito lamang ang tanging paraan upang may maihain sa mesa.

Samantala, dahil sa paggamit ng “kabayong-dagat” sa isport, kumikita pa rin ang tradisyonal na mga tagagawa ng bangka, at naaakit ang mga turistang interesado sa sinaunang kultura, na tumutuloy sa mga otel doon. Madalas sabihin ng mga dumadayo roon na sulit panoorin ang karera ng mga “kabayong-dagat” sa Huanchaco.

[Larawan sa pahina 18]

Seramik na pigura ng mangingisdang nakasakay sa bangkang gawa sa tambong “totora” bago ang panahon ng mga Inca

[Credit Line]

Museo Rafael Larco Herrera/Lima, Perú