Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Ang Pinakamatandang Unibersidad sa Daigdig?

Nahukay ng isang pangkat ng mga arkeologong Polako at Ehipsiyo ang lugar ng sinaunang unibersidad sa Alejandria, Ehipto. Ayon sa Los Angeles Times, nakasumpong ang pangkat ng 13 bulwagang pinagdarausan ng lektyur​—pawang magkakasinlaki​—na lahat-lahat, magkakasiya ang hanggang 5,000 estudyante. Ang mga bulwagang ito, sabi ng pahayagan, ay “may mga hanay ng baytang-baytang na mga bangko na ginawa sa tabi ng mga dingding sa tatlong panig ng mga silid, kung minsan ay nagdurugtong sa isang dulo upang mag-anyong ‘U.’ ” Nasa gitna ang isang nakaangat na upuan, malamang para sa lektyurer. “Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakahukay ng gayon kalaking mga bulwagang pinagdarausan ng lektyur sa isang Griego-Romanong lugar sa buong dako sa Mediteraneo,” ang sabi ng arkeologong si Zahi Hawass, presidente ng Supreme Council of Antiquities ng Ehipto. Sinabi ni Hawass na ito “marahil ang pinakamatandang unibersidad sa daigdig.”

Sorbetes na Bawang?

Malaon nang pinapurihan ang bawang dahil sa mabisa itong gamot. Nakagawa ngayon ang Mariano Marcos State University sa gawing hilaga ng Pilipinas ng sorbetes na bawang para sa mga kadahilanang “pangkalusugan,” ang ulat ng pahayagang Philippine Star. Inaasahang makikinabang mula sa bagong produkto ang mga may karamdaman na napagagaling ng bawang. Kabilang dito ang sipon, lagnat, alta presyon, mga sakit sa palahingahan, rayuma, kagat ng ahas, sakit ng ngipin, tuberkulosis, tuspirina, sugat, at pagkakalbo pa nga. Kaya gusto mo ba ng sorbetes na bawang?

Ang Artiko​—Dating Subtropikal

Sinasabi ng isang internasyonal na pangkat ng mga siyentipiko na nagbubutas sa pinakasahig ng Karagatang Artiko sa pagitan ng Siberia at Greenland na ang lugar na iyon ay dating may subtropikal na klima. Sa tulong ng tatlong icebreaker, nakakuha ang Arctic Coring Expedition ng mga sampol ng burak mula sa halos 400 metro sa ilalim ng pinakasahig ng dagat. Ipinahihiwatig ng mga sampol na iyon ng maliliit na fosil ng mga halaman at hayop sa dagat na ang temperatura sa karagatan ay dating mga 20 digri Celsius, sa halip na ang kasalukuyang -1.5 digri Celsius. Ayon kay Propesor Jan Backman ng Stockholm University, na sinipi ng BBC News, “muling susuriin ang pasimulang kasaysayan ng Arctic Basin salig sa mga resultang makasiyensiya na natipon ng ekspedisyong ito.”

Pinalitan ng Computer ang mga Pisara sa Paaralan

Sa mahigit na 21,000 silid-aralan ng paaralang primarya sa Mexico, ang tradisyonal na berdeng pisara, tisa, at pambura ay pinapalitan na ng elektronikong pisara na nakakabit sa isang computer, ang ulat ng El Universal ng Mexico City. Sa ngayon ang pisara, na halos dalawang metro ang lapad at isang metro ang taas, ay ginagamit ng mga nasa ikalima at ikaanim na grado. Pitong elektronikong aklat na nagtuturo ng kasaysayan, siyensiya, matematika, heograpiya, at iba pang asignatura ang magagamit. Maaari ring makapanood ng mga video sa elektronikong pisara. Dahil dito, ang mga mag-aaral sa isang klase ng guro ay “nakadalaw sa mga piramide ng Tikal at Palenque, nakita ang mga tradisyon ng mga Maya, at nakinig sa [kanilang] musika.” Ang mga pakinabang? “Ang mga bata ay higit na nagbibigay-pansin, natututo, at higit na nakikibahagi,” ang sabi ng guro.

Isang Milyong Pagpapatiwakal sa Isang Taon

Pagpapatiwakal ang dahilan ng halos kalahati ng lahat ng mararahas na kamatayan sa buong daigdig. Hanggang isang milyong tao ang nagpapatiwakal taun-taon, isang bilang na humigit pa sa kabuuang bilang ng mga namatay dahil sa pagpaslang at digmaan noong 2001. Para sa bawat pagpapatiwakal, mayroong 10 hanggang 20 ang hindi natuloy sa kanilang tangkang pagpapatiwakal. Ang bilang ay inilathala ng World Health Organization (WHO), na nakabase sa Geneva, Switzerland. Binanggit ng WHO na sa bawat kamatayan, “maraming pamilya at mga kaibigan ang nasira ang buhay sa emosyonal at sosyal na paraan, at naapektuhan ang kanilang kabuhayan.” Sinasabi ng ulat na kabilang sa mga salik na nagsasanggalang laban sa pagpapatiwakal ang “mataas na paggalang sa sarili,” suporta ng mga kaibigan at pamilya, matatag na mga ugnayan, at matibay na relihiyoso o espirituwal na paniniwala.

Mga Babala Hinggil sa mga Bagyo ng Alikabok

Ang paggamit ng mga sasakyang four-wheel-drive sa mga disyerto ay “naging dahilan ng sampung ulit na pagdami ng mga bagyo ng alikabok sa buong daigdig at nakapipinsala ang mga ito sa kapaligiran at sa kalusugan ng tao,” sabi ng The Times ng London. Sinisira ng mga sasakyan ang marurupok na ibabaw ng disyerto, anupat tinatangay ng hangin ang mga alikabok. “Napakaraming ganitong mga sasakyan ang tumatakbo sa mga disyerto ngayon,” ang sabi ni Propesor Andrew Goudie ng Oxford University. “Sa Gitnang Silangan, ang mga taong pagala-gala na dating sakay ng mga kamelyo sa pag-aalaga ng kanilang mga kawan ay gumagamit na ngayon ng mga sasakyang four-wheel-drive.” Bukod pa sa pagtangay sa mga alikabok mula sa mga disyerto, ang babala ni Goudie, “itinataboy ng mga bagyo ng alikabok ang mga pamatay-halaman at pestisidyo mula sa sinasakang lupain at tuyong mga lawa at ipinapadpad ito sa atmospera.” Dala rin ng mga tipik na tangay ng hangin ang mga pinagmumulan ng alerdyi at ang mga espora, na maaaring maging sanhi ng malulubhang problema sa kalusugan. Nababahala ang mga nagmamalasakit sa kapaligiran na ang mga bahagi ng Aprika ay maaaring dumanas ng isang penomeno na katulad ng mahabang tagtuyot at mga bagyo ng alikabok noong dekada ng 1930, na resulta ng labis na pag-aararo at tagtuyot at sumira sa mga kaparangan sa Estados Unidos.

Pinagbabayaran ng mga Umaakyat sa Bundok ang Kanilang Kawalang-Ingat

Taun-taon, daan-daang tao ang namamatay samantalang umaakyat sa mga bundok. Ang ilan ay naging mga biktima ng nahuhulog na bato o di-inaasahang mga problema sa kalusugan, gaya ng atake sa puso. Gayunman, ayon sa pahayagang Leipziger Volkszeitung ng Alemanya, isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa kabundukan ang kawalang-ingat. Hindi lamang sa mga kabataan at walang-karanasan nagiging problema ito. Ayon kay Miggi Biner, presidente ng Mountain Guides’ Association of Zermatt, Switzerland, “may karanasan o walang karanasan​—kadalasang ito’y dahil sa labis na tiwala sa kakayahan ng isa o sa hindi pagbibigay ng sapat na pansin sa lagay ng panahon at sa mga kondisyon.” Labis naman ang tiwala ng ilang may dalang mga cell phone na laging may helikopter na sasagip sa kanila sa anumang kagipitan.

Mapanganib at Dambuhalang mga Alon

Sinasabing humigit-kumulang dalawang malalaking barko ang lumulubog sa karagatan bawat linggo. Kahit ang mga pagkalalaking tangker at barko na nagdadala ng mga container na mahigit 200 metro ang haba ay lumubog. Marami sa mga kasakunaang ito ay pinaniniwalaang dahil sa mapanganib na mga alon. Ang mga ulat ng pagkatataas na alon sa karagatan na kayang magpalubog ng malalaking barko ay malaon nang itinuturing bilang mga kuwento-kuwento lamang ng mga marino. Gayunman, pinatotohanan ng isang proyekto sa pananaliksik ng European Union ang mga kuwentong iyon. Ang mga larawang kuha ng radar ng satelayt sa karagatan ay sinuri para sa dambuhalang mga alon. Ayon sa Süddeutsche Zeitung, ganito ang sinabi ng lider sa proyekto na si Wolfgang Rosenthal: “Napatunayan namin na ang dambuhalang mga alon ay mas karaniwan kaysa sa inaakala ng sinuman.” Sa loob ng tatlong linggo, nakita ng kaniyang pangkat ang di-kukulangin sa sampung dambuhalang alon. Ang gayong mga alon ay halos patayo, maaaring umabot ng hanggang 40 metro ang taas, at maaaring sirain ang isang sasakyan, anupat malubhang pinsalain o palubugin pa nga ito. Iilang barko ang makatatagal sa gayong dambuhalang mga alon. “Ngayon, kailangan naming suriin kung maaaring tayahin ang paglitaw ng gayong mga alon,” ang sabi ni Rosenthal.